Football, mga Linggo, at Espirituwal na Pagkakamali
Para kay Will, ang pagpiling huwag maglaro ng football sa araw ng Linggo ay nangangahulugan ng pagpili na huwag maglaro sa isa sa mga pinakamagaling na koponan.
Noong bata pa ako, kaming magkakaibigan ay may isang laro na tinatawag na “Talon o Dive.” Karaniwan, ang kailangan mo lang ay isang malalim na pool o lawa at isang bagay na pagtatalunan, gaya ng diving board. Para makapaglaro, tatalon ka mula sa diving board. Sa mismong sandaling iyon, may sisigaw ng, “talon,” na ibig sabihin ay kailangan mong bumagsak sa tubig na una ang paa, o “dive,” na ibig sabihin ay kailangan kang bumagsak sa tubig na una ang kamay, sa pagsisid.
Kapag sinubukan mong sumirko sa ere, karaniwan ay nagmumukha kang namamayagpag na pretzel o nagda-dive ka sa tubig na una ang tiyan.
Ang buhay ay hindi kailangang maging isang laro na “Tumalon o Mag-dive.” Makakagawa ka ng maraming desisyon nang mas maaga at makakaiwas sa maraming pagkakamali. Ang propetang si Josue ng Lumang Tipan ay hindi nagsabing, “Pumili ka bago maging huli ang lahat.” Ang sabi niya, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran” (Josue 24:15; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Si Will W., 14, na taga San Francisco, California, USA, ay malamang na hindi nagkakaroon ng maraming espirituwal na pagkakamali dahil naniniwala siya sa mga pagpili bago ang huling sandali.
“Kung pipiliin mong gawin o hindi gawin ang isang bagay bago pa ito mangyari, nagiging mas madali ang mga bagay-bagay,” sabi niya. “Halimbawa nagpunta ka sa isang party at may nag-alok sa iyo ng inumin. Kung doon mo mismo pipiliing tanggapin ito o hindi, baka matukso kang tanggapin ito. Ngunit kung matagal ka nang nagdesisyon na hindi ang isasagot mo sa sinumang mag-aalok sa iyo ng inumin, mas makatitiyak ka sa iyong sarili. Ni hindi ka magkakaroon ng pagkakataong matukso. Sasabihin mong hindi dahil matagal ka nang nagpasiya tungkol dito.”
Sinasabi ng tema ng Mutuwal sa 2018 na, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23). Para kay Will, ang kapayapaan ay nangangahulugang pagkakaroon ng kumpiyansa sa pagpili ng tama at hindi pag-aalala tungkol sa mga negatibong puna ng ibang tao. Ang kapayapaan ay nadarama ni Will sa paggawa kaagad ng desisyon na pakinggan—at sundin—ang mga salita ni Jesucristo.
“Kung minsan tinutukso ako ng mga bata dahil sa ginagawa ko o hindi ko ginagawa, ngunit hindi ako masyadong nababahala dahil matagal na akong nagdesisyon na sa gayong paraan ako mamumuhay,” sabi niya.
Isa sa mga matagal nang pinagdesisyunan ni Will at ng kanyang pamilya ay ang panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Medyo naging mahirap iyon nang manguna ang football team ni Will. Ngunit, tulad ni Nephi, naniniwala ang kanyang pamilya na “ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Para kay Will, ang football ay tungkol sa lahat ng bagay. Gaya ng sinasabi ng kanyang ina, “Kumakain siya, umiinom, natutulog, at gustung-gusto niya ng football. Ito ang hilig niya at napakahusay niya.”
Kaya’t nang makasali si Will sa isa sa mga nangungunang team o koponan sa lugar, tuwang-tuwa siya. Ang problema lang: maraming laro ang team o koponan kapag Linggo. Karamihan sa mga team o koponan ay hindi tatanggapin ang isang manlalaro na hindi makakayang maglaro sa bawat Linggo. Ang pagpiling huwag maglaro sa araw ng Linggo ay maaaring mangahulugan na mawala siya sa koponan.
Ngunit matagal nang ginawa ni Will ang desisyong iyon. Pananatilihin niyang banal ang araw ng Sabbath.
Sama-samang nagdasal si Will at ang kanyang pamilya at sinabi sa Ama sa Langit ang hangarin nilang sundin ang Kanyang mga utos at humingi sa Kanya ng tulong. At kinausap ni Will at ng kanyang ina ang mga coach ng team tungkol sa kanilang pinaniniwalaan. Nagulat sila na gusto ng mga coach na kasama si Will sa team kahit na hindi siya naglalaro kapag Linggo!
“Alam ko na kapag iginagalang ko ang Sabbath, pinagpapala ako,” sabi ni Will. “Maaaring hindi ako makapaglaro sa maraming laro gaya ng iba, ngunit nakita ko ang mga pagpapala, tulad nang bigla na lang malilipat ng ibang araw ang mga laro sa Linggo. Naiisip ko rin na mas maganda ang laro ko dahil may isang araw ako ng pahinga.”
Lalo pa itong gumaganda. Hindi nagtagal ay nalaman ni Will na ang isa sa kanyang mga kasama sa team ay miyembro din ng Simbahan. Makalipas ang ilang buwan nang magkasamang paglalaro, sinundan ng batang iyon ang halimbawa ni Will at tumigil na rin sa paglalaro sa araw ng Linggo.
Kung sa pakiramdam mo ay hindi mo natatanggap ang mga pagpapala ng pagsunod, iyan ay maaaring dahil sa hindi mo nakikita ang lahat ng inilalaan ng Ama sa Langit para sa iyo. Ang pagdedesisyon na pakinggan ang mga salita ni Cristo at paglingkuran ang Panginoon ay palaging ang tamang desisyon, kaya’t gawin na ito ngayon!
“Nakikiusap ako na magpasiya na kayo rito, ngayon mismo, na huwag lumihis mula sa landas na hahantong sa ating mithiin: ang buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (“Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili,” Liahona, Nob. 2010, 68).
Ang buhay ay hindi kailangang maging isang laro na “Talon o Dive.” Huwag makipagsapalaran sa espirituwal o anumang uri ng pagkakamali. Magpasiya ngayon na sumunod kay Jesucristo at tamasahin ang kapayapaang hatid Niya sa inyong buhay.