Pag-aralan ang mga Salita ng Tagapagligtas
Mula sa artikulo sa lds.org/blog.
Hindi lamang mas malaki na ang patotoo ko ngayon sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, kundi muling pinagtibay sa akin ang matibay kong paniniwala na ang sistemang ginamit ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay isang kaloob mula sa Diyos.
Sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult noong Enero 2017, hinamon ko ang mga nanonood noon na dagdagan ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras bawat linggo para:
-
Pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus na nakatala sa Lumang Tipan.
-
Pag-aralan ang Kanyang mga batas na nakatala sa Bagong Tipan.
-
Pag-aralan ang Kanyang doktrina na nakatala sa Aklat ni Mormon.
-
Pag-aralan ang Kanyang mga salita na nakatala sa Doktrina at mga Tipan.
Nangako ako sa mga nakikinig noon na kung itutuloy nilang pag-aralan ang lahat ng makakaya nilang pag-aralan tungkol kay Jesucristo, ang kanilang pagmamahal sa Kanya at sa mga batas ng Diyos ay lalago at hihigit pa sa inaakala nila ngayon.
Ang hindi ko nabanggit sa mensaheng ito ay na alam kong totoo ang pangakong ito dahil kasalukuyan kong kinukumpleto ang mismong gawaing ito sa unang pagkakataon.
Noong Disyembre 1, 2016, nagkaroon ako ng isang bagong set ng mga banal na kasulatan at sinimulan ang gawain ding ito na kalaunan ay ipaaabot ko sa mga young adult noong Enero. Nang matapos ko ang gawain makalipas ang anim na linggo, nahanap at namarkahan ko ang mahigit 2,200 na mga pagbanggit mula sa apat na aklat ng banal na kasulatan.1
Para sa akin, kapana-panabik ang maisagawa ang gawaing ito!
Ang isang bagay na natuklasan kong pinaka-nagbigay ng kabatiran ay na nagkukuwento sa atin ang Tagapagligtas tungkol sa Kanyang sarili sa iba’t ibang kapanahunang ito—sa Lumang Tipan, sa Bagong Tipan, sa panahon ng Pagpapanumbalik, at sa ating panahon. Sa lahat ng aklat ng banal na kasulatan, iisa ang kuwento at iisa ang Nagkukuwento.
Iniukol ko ang malaking bahagi ng aking 93 taon sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas, ngunit bibihira ang mga pagkakataon na ang natutuhan ko ay kasindami ng natutuhan ko sa anim na linggong ito ng pag-aaral. Sa katunayan, napakarami kong natutuhan tungkol sa Kanya mula sa pag-aaral na ito kaya balak kong ibahagi ang marami dito sa iba pang paparating na mga mensahe na inihahanda ko sa ngayon.2
Sa pagsisimula ng assignment na ito, hindi ko inasahan na tutulungan ako ng pag-aaral na ito na makatanggap ng bagong patotoo tungkol sa kabanalan ng gawain ni Joseph Smith—ngunit gayon ang nangyari! Ang mga paghahayag na itinala ni Joseph Smith at ang mga kabatirang matatagpuan sa Biblia ay kahanga-hangang magkakatugma. Talagang naliwanagan ako nang makita ko ito sa aking pag-aaral.
Hindi maaaring nagkaroon ng oras si Joseph Smith para maiugnay at mai-cross-reference sa Biblia sa bilis ng pagsasalin niya noon ng Aklat ni Mormon—ngunit naritong lahat!
Kaya hindi lamang mas lumaki ang aking patotoo ngayon sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, kundi muling pinagtibay sa akin ang matibay kong paniniwala na ang sistemang ginamit ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay isang kaloob mula sa Diyos.
Ngayon, natatanto ko na siguro iniisip ng ilan sa inyo na malamang ay hindi kayo magkakaroon ng oras para makumpleto ang assignment na tulad nito.
Alam ko kung ano ang inyong nadarama. Ganyan din ang iniisip ko noon—na hindi ako magkakaroon ng oras na gawin ang lahat ng ito. Kinailangan kong paalalahanan ang sarili ko na ang komentaryong tulad nito ay hindi komentaryong bunga ng pananampalataya. Ang komentaryong bunga ng pananampalataya ay “Alam kong wala akong oras para dito, ngunit pag-uukulan ko ito ng panahon. At gagawin ko ito ayon sa dami ng oras na mayroon ako.”
Bawat isa sa atin na tumatanggap sa hamong ito ay makakatapos sa sarili nating takdang oras. Para sa akin, malaking bahagi ng kagalakan dito ay nagmula sa pagtapos ko nito sa loob lamang ng anim na linggo. Ang masusing pag-aaral na ito sa maikling panahon ay nagtulot sa akin na mapahalagahan ang pagtutugma ng mga pag-aaral na matatagpuan sa Lumang Tipan, sa Aklat ni Mormon, sa Bagong Tipan, at sa Doktrina at mga Tipan.
Kayo na nakadarama na wala kayong oras o panahon, kung magsasakripisyo kayo, kayo ay gagantimpalaang mabuti at labis na magpapasalamat sa pagbabago ng pananaw, dagdag na kaalaman, at mas lumalim na pagbabalik-loob. Alam kong totoo ito dahil nakita ko rin ang mga gantimpalang ito sa aking buhay.
Gaya ng nabanggit ko sa debosyonal, sa darating na araw, haharap kayo sa Tagapagligtas. Mag-uumapaw ang damdamin ninyo sa punto na maiiyak kayo na napunta kayo sa Kanyang banal na presensya. Mahihirapan kayong makahanap ng mga salita para pasalamatan Siya sa pagbabayad ng inyong mga kasalanan, sa pagpapatawad sa inyo sa anumang hindi magandang nagawa ninyo sa iba, sa pagpapagaling sa inyong mga sugat at kawalan ng katarungan ng buhay na ito.
Magpapasalamat kayo sa Kanya sa pagbibigay sa inyo ng lakas para magawa ang imposible, sa pagiging kalakasan ng inyong mga kahinaan, at sa paggawang posible na makapamuhay kayong kasama Niya at ng inyong pamilya magpakailanman. Ang Kanyang pagkakakilanlan, Kanyang Pagbabayad-sala, at Kanyang mga katangian ay magiging personal at tunay sa inyo.
Ngunit hindi kayo kailangang maghintay sa panahong iyon. Piliing maging isa sa Kanyang mga tunay na disipulo ngayon. Maging isa sa mga tunay na nagmamahal sa Kanya, na talagang gustong maglingkod at mamuno na tulad ng ginawa Niya. Ipinapangako ko na kung pag-aaralan ninyo ang Kanyang mga salita, ang kakayahan ninyong maging higit na katulad Niya ay madaragdagan. Alam ko na ito ay totoo.