Paano Kayo Tinutulungan ng Institute na Matutuhan ang Ebanghelyo
Subukan ang tatlong paraan na ito para mas matuto sa inyong mga klase sa institute of religion.
“Ang mundo ngayon ay mas mapanghamon kaysa … [sa mga taon na] nakaraan,” sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Mas maraming gumagambala sa ating mga kabataang lalaki at babae na magpapalihis ng tuon nila sa paghahanda para sa misyon at sa maligayang buhay sa hinaharap.” Ngayon, higit kailanman, kailangan nating matutuhan “kung paano makinig at tumugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu.”1
Para matulungan kang maging higit na nakaayon sa espirituwal, ang Simbahan ay naglaan ng mga institute of religion. Ang institute ay makapagbibigay sa iyo ng personal na “makabuluhang mga karanasan sa salita ng Diyos.”2
Kapag dumadalo ka sa institute, marami kang puwedeng pagpilian na mga klase. Ang mga guro na nakauunawa sa mga pangangailangan at mga tanong ng mga young adult ay tutulong sa iyo na matuto mula sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw.
Ang pagbabago kamakailan sa institute ay nagbibigay ngayon sa inyo ng pagkakataong gamitin ang (1) mga course study journal, (2) mga tanong sa kurso, at (3) personal na mga proyekto sa pag-aaral upang maiangat ang iyong pagkatuto at mapalakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Tutulungan ka ng tatlong opsiyon sa pag-aaral na ito na gawing personal ang iyong pag-aaral ng banal na kasulatan at matututo ka mismo kung paano kumikilos sa iyo ang Espiritu.
Mga Course Study Journal
Hinikayat tayo ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na isulat sa isang journal ang mga espirituwal na impresyong natatanggap natin: “Isulat sa talaang maiingatan ninyo ang mahahalagang bagay na natutuhan ninyo mula sa Espiritu. Matutuklasan ninyo na sa pagsusulat ng mahahalagang impresyon, kadalasa’y mas marami pang dumarating.”3
Ang mga estudyante ay gumagamit ng journal (sa papel man o sa Gospel Library app) sa klase at sa tahanan para itala ang mga impresyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan. Si Jayme Dhennz, isang estudyante sa institute sa Pilipinas, ay nakakita ng mga pakinabang ng pag-iingat ng isang study journal: “Hindi ko kayang kaligtaan na isulat ang mga talata at mensahe mula sa mga banal na kasulatan o mga mensahe ng propeta dahil pinalalawak nito ang aking pagkatuto tungkol sa ebanghelyo.”
Gusto ng mga estudyante ni Brother Seiichi Takahashi sa institute sa Nagoya, Japan, ang pagsusulat sa journal dahil tinutulutan nitong “dumaloy nang maayos ang proseso ng pag-aaral” at tinutulungan ang mga estudyante na dumating sa klase na handang matuto at makilahok.
Sinabi ni Taisia Bartolomeo ng katimugang Italy na, “Sa pagsusulat ng natututuhan ko, mas naaalala ko ang mga konsepto kapag kailangan ko ang mga ito.” Ang kanyang kaklase, si Mariaterasa Santoro, ay nagdagdag, “Ang journal ko ay isang bagay na matitingnan ko para maalala ang isang partikular na espirituwal na konsepto o personal na paghahayag.”
Mga Tanong sa Kurso
Ang mga tanong na ibinigay sa simula ng kurso ay nagbibigay sa mga estudyante ng mga paksang pagninilayan at pag-aaralan sa buong kurso. Sa huli, isinusumite ng mga estudyante sa kanilang guro ang kanilang personal na sagot na ginabayan ng Espiritu.
Ipinaliliwanag ni Ilaria Bellomo, isang estudyante sa katimugang Italy na, “Ang mga tanong ang nakapagpaisip sa akin sa aking buhay at sa katotohanan na ang pinag-aaralan ko sa institute ay tumutulong sa akin na mas makilala pa si Jesucristo.”
Si Jinseop Jeong, isang estudyante sa institute sa Korea, ay nagsabing, “Ang mga tanong ang tumulong sa akin na pag-isipang mabuti at pagbalik-aralan ang natutuhan ko. Iyon ay mahalagang panahon para rebyuhin, pag-isipang mabuti, at isapuso ang natutuhan ko.”
Ang espirituwal na paglago ng mga estudyante ay nakikita sa kanilang mga sagot. Si Sister Seonsim Kang, isang stake institute teacher sa Korea, ay nagsabing, “Napakagandang karanasan para sa akin ang mabasa at malaman ang mga patotoo at iniisip ng mga estudyante.”
Personal na mga Proyekto sa Pagkatuto
Maraming estudyante sa institute ang mapanalanging pumipili ng isang makabuluhang proyektong gagawin. Depende sa kanilang mga kinawiwilihan, ang mga estudyante sa iba’t ibang panig ng mundo ay lumikha ng nakatuon-sa-ebanghelyong sining, musika, mga video, at mga social media post. Ang mga proyektong ito ay humihikayat sa mga estudyante na gumawa ng hakbang tungkol sa mga bagay na natutuhan nila sa klase. Halimbawa, pinili ng isang estudyante na ipinta ang isang larawan ng Tagapagligtas kasabay ng kursong “Jesus Christ and the Everlasting Gospel [Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo].”
Isang estudyante na dumadalo sa isang kurso ng “Eternal Family” ang lumikha ng isang proyektong pang-templo at family history na “humantong sa pagpunta sa templo kasama ang aking lola at mga miyembro ng aking pamilya kung saan sama-sama naming nakumpleto ang mahigit 40 pagbubuklod sa templo na inihanda sa buong semestre. Lalo nitong pinaglapit ang aming pamilya.”
Gaya ng binibigyang-diin ni Cenia Avila Organis, isang estudyante sa institute sa Bicol, Philippines, ang paggawa ng isang proyekto sa personal na pag-aaral ay “nagdudulot ng flexibility,” nagbibigay sa mga estudyante ng kalayaang matutuhan ang salita ng Diyos at madama ang Espiritu gamit ang sarili nilang mga talento.
Mas Magandang mga Resulta
Ang paggamit sa mga paraang ito ng pag-aaral ay makapagpapaigi sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo at makapagpapalalim ng inyong patotoo. Sa mas masigasig na pag-aaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga kurso sa institute, mas mauunawaan ninyo kung paano isagawa ang salita ng Diyos sa sarili ninyong buhay at kung paano pagpapalain ang buhay ng ibang tao.