2018
Umupo sa Kapulungan
January 2018


Umupo sa Kapulungan

Pagdadala ng Higit na Kapangyarihan sa mga Miting ng Melchizedek Priesthood at Relief Society

man in priesthood quorum council meeting

Paunang salita ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol

Nang maglingkod ako bilang Apostol, madalas kong bigyang-diin ang kapangyarihan at kahalagahan ng mga council, pati na ang mga stake, ward, auxiliary, at family council. Naniniwala ako na pagpupulong sa mga council ang pinakamabisang paraan para makakuha ng mga tunay na resulta.

Sa buwang ito, gumagawa kami ng ilang simple ngunit mahahalagang pagbabago sa kurikulum na pinag-aaralan ng mga miyembro ng mga Melchizedek Priesthood quorum at Relief Society kapag nagpupulong sila sa kani-kanilang organisasyon tuwing Linggo. Bukod sa pag-aaral ng mga salita ng mga buhay na propeta mula sa pinakahuling kumperensya, sama-sama rin tayong “[uupo] sa kapulungan” (D at T 107:89) upang talakayin ang mga isyung kinakaharap natin at ang mga pangangailangan natin.

Habang natututo tayong magsanggunian nang mas epektibo, bibiyayaan tayo ng Diyos ng dagdag na daloy ng paghahayag at pang-unawa at higit na kapangyarihan upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Bago nilikha ang mundong ito, isinagawa ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga kapulungan (tingnan sa D at T 121:32). Simula kina Adan at Eva, ang mga tao ng Diyos ay humingi ng payo sa Kanya sa mga council. Sa katunayan, tinukoy ng Diyos ang kanyang Sarili bilang “Taong Tagapayo” (Moises 7:35). Sa pagsisimula ng dispensasyong ito, sinimulang ipanumbalik ni Joseph Smith “ang kaayusan ng mga Kapulungan sa mga sinaunang panahon.”1 Ngayon, ang Simbahan ay pinamamahalaan ng mga council sa lahat ng antas.

Sa nakaraang mga buwan, nagsanggunian ang mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan tungkol sa pagpapatatag ng mga miting ng Melchizedek Priesthood at Relief Society tuwing Linggo. Ang resulta ay isang bagong kurikulum na pinamagatang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society, na nagpapaibayo sa paggamit ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at nagpapalawak sa kapangyarihan ng pagsasanggunian sa ating mga priesthood quorum at Relief Society.

“Saanman tayo naparoon, marami na tayong nagawang kabutihan,” sabi ni Elder Christoffel Golden ng Pitumpu, na tumulong na pamahalaan ang pagbabagong ito. “Ngunit nais ng Panginoon na sumulong tayo. Darating ang pag-unlad dahil sa pagbabagong ito sa pag-aaral ng mga salita ng mga buhay na propeta at pag-upo sa council.”

Kamakailan, nagpulong ang Relief Society General Presidency at mga miyembro ng Pitumpu sa council para talakayin kung paano nag-aanyaya ng paghahayag, nagpapaibayo ng pagkakaisa, at naghahatid ng kapangyarihan ang pagsasanggunian. Ibinibigay nila ang sumusunod na mga tuntunin, batid na babatay kayo sa mga ideyang ito habang tinutuklas ninyo ang mga solusyong tama para sa inyo, sa inyong ward o branch, at sa inyong korum o Relief Society.

Kapangyarihan sa Layunin

“Yayamang kayo ay sama-samang nagtipun-tipon ng inyong sarili … , at sinang-ayunan ang tungkol sa isang bagay na ito, at nagtanong sa Ama sa aking pangalan, kaya naman kayo ay makatatanggap” (D at T 42:3).

Ang mga council ay isang pamamaraan para tayo ay “sama-samang maghangad ng kalooban ng Panginoon.”2 Sa madaling salita, hindi sapat ang magbahagi lamang ng mga ideya; sa pagsasanggunian, nag-aanyaya tayo ng paghahayag para malaman natin ang nais ipagawa ng Panginoon sa ating sitwasyon. Mas magtatagumpay tayo sa pagkakaroon ng karanasang iyon na makatanggap ng paghahayag kapag tinandaan natin ang mga sumusunod:

1. Magtuon—magsimula sa isang partikular at makabuluhang isyu o pangangailangan. Ang pagtutuon sa iisang isyu o pangangailangan ay nagpapaibayo sa kakayahan nating gumawa ng makabuluhang pag-unlad. Ang pagtutuon ay tumutulong din sa atin na makita ang higit pa sa malilinaw na sintomas (ano ang nangyayari) at maghangad ng pag-unawa tungkol sa mga dahilan (bakit at paano nakakaapekto ang isang bagay sa mga tao). Halimbawa, maaari tayong magsanggunian kung paano mag-mentor at ikonekta ang ating mga kabataan sa langit kaysa talakayin ang oras na pinalilipas ng mga kabataan sa katitingin sa screen.

2. Mga Pananaw—balangkasin ang isyu o pangangailangan sa isang tanong. Ang isang paksang binuo sa isang tanong ay makakatulong sa paglikha ng pananaw ukol sa doktrina. Maaari nating itanong, “Paano natin malulunasan ang sitwasyon sa nakakatulong at nagpapagaling na paraan?” o “Anong doktrina, kung mas naunawaan, ang makakatulong sa paglutas ng problema?”

3. Kapangyarihan—maghangad ng paghahayag. Bagama’t maaaring magpalitan ng mga solusyon sa mga council, ang layunin ng council ay tuklasin ang kalooban ng Diyos, hindi lamang para ilista ang pinakamaiinam gawin o sabihin, “Ganito ang ginawa noon sa huling ward ko.” Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, hindi natin kailangan ng mga miting; kailangan natin ng mga karanasan sa pagtanggap ng paghahayag.3 Ang pagsasanggunian ay naghahayag ng mabibisang solusyon na humahantong sa pagkilos.

Kapangyarihan sa Pakikibahagi

“Magtalaga sa inyo ng isang guro, at huwag maging mga tagapagsalita ang lahat kaagad; sa halip magsalita nang isa-isa at makinig ang lahat sa kanyang sinasabi, upang kapag ang lahat ay nakapagsalita na ang lahat ay mapasigla ng lahat, at upang ang bawat tao ay magkaroon ng pantay na pribilehiyo” (D at T 88:122).

Sa mga council, ang mga kapakanan ng mga indibiduwal at ng organisasyon—ang ward o branch—ay nagsasama-sama sa kakaibang paraan, lalo na kung nauunawaan ng mga kalahok ang mga sumusunod:

1. Bawat miyembro ng council ay may mahalagang tungkulin. Ang mga miyembro ng council ay dapat makibahagi nang aktibo ngunit hindi mangibabaw sa council. Tulad ng itinuro ni Pablo, “Hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan. Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari’y lalong mahihina” (I Mga Taga Corinto 12:21–22).

2. Hinahangad ng mga miyembro ng council na magdagdag ng liwanag. Itinuro ni Propetang Joseph Smith “na bawat tao, bago tumutol sa anumang bagay na iniharap sa council para pag-aralan, ay dapat tiyaking makapagbigay ng liwanag sa paksa sa halip na magpalaganap ng kadiliman, at na ang kanyang pagtutol ay nakasalig sa kabutihan.”4

3. Hinahangad ng mga miyembro ng council na magkaisa. Sa kabila ng magkakaibang pananaw, nagkakaisa ang mga miyembro ng council sa paghahangad na “tumanggap ng patnubay ng Espiritu Santo.”5 Sinabing minsan ni Joseph Smith sa isang council na “upang makatanggap ng paghahayag at mga pagpapala ng langit, kailangang ituon natin ang ating isipan sa Diyos at sumampalataya at magkaisa sa puso at isipan.”6

Relief Society council meeting

Kapangyarihan sa mga Planong Gagawin

“Bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin na nauukol sa hinaharap, alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya” (D at T 101:78).

Hindi kumpleto ang isang council kung walang mga planong kumilos ayon sa paghahayag na natanggap. Dapat anyayahan ang mga kalahok sa council na gumawa ng partikular na mga pangako na kanilang gagawin. “Sa pagtatapos ng inyong mga council, kailangan kayong magkaroon ng mga assignment,” sabi ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President. “Ang pinakamahalagang gawain ay nangyayari sa pagitan ng mga pulong.”

Ginagabayan ng lider ang council para magkaunawaan at magkasundu-sundo. Pagkatapos ay namumuno siya sa paglikha at pagtatala ng mga assignment na ipa-follow-up kalaunan. Dagdag pa ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Ang kapangyarihan ay nasa atin. Kapag nangako tayong kumilos, pababanalin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap (tingnan sa D at T 43:9). Pagboboluntaryo at pagrereport tungkol sa mga assignment ang diwa ng pagtupad ng tipan.”

Tungkulin ng Lider

“Ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay” (Alma 1:26).

Para mapag-igi ang ating mga council, iwasan natin ang mga makamundong konsepto ng pamumuno. Sa kaharian ng Panginoon, ang lider ay “alipin ng lahat” (Marcos 10:44). Gayundin, ang lider ng council, siya man ay presiding authority o guro, ang nagbibigay ng tuon at hindi ang pinagtutuunan. Iniiwasan niya na siya palagi ang magsalita o magdesisyon bago makinig sa council.

Mahalaga ang tungkulin ng lider ng council sa pagbabalangkas ng layunin, pag-facilitate ng talakayan, at pag-anyaya sa mga kalahok na mangakong kumilos. Mas gumagana ang council kapag ang lider ng council ay nakikinig, gumagabay, nag-aanyaya, nagpoprotekta, at nagpapatibay.

1. Nakikinig. Ang mahuhusay na lider ay nakikinig sa tagapagsalita at sa Espiritu Santo. “Naniniwala ako na ang kaloob na makahiwatig ay mas napapakinabangan,” sabi ni Elder Bednar, “kung nakikinig tayo sa halip na nagsasalita.”7

2. Gumagabay. Ginagabayan ng isang lider ng council ang pag-uusap, na tinutulutang mabuo ang mga ideya. Kung kailangan, muling binabalangkas ng lider ang talakayan o mapagmahal niyang binabago ang direksyon nito.

3. Nag-aanyaya. Ikinakalat ng Panginoon ang paghahayag sa mga miyembro ng council. Ang pag-anyaya sa lahat—pati na sa walang imik—na magbigay ng mga ideya ay nagpapaibayo sa potensyal na malaman ang kalooban ng Panginoon.

4. Nagpoprotekta. Ang isang lider ng council ay lumilikha ng isang kapaligiran para ligtas at angkop na makapagbahagi sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga nagbabahagi at pagprotekta laban sa pamimintas at panghuhusga. Ang mga sensitibong paksa ay nangangailangan ng maingat na patnubay. Nananatiling kumpidensyal ang mga bagay na kumpidensyal.

5. Nagpapatibay. Habang nagbabahagi ng mga iniisip at ideya ang mga kalahok, pinagtitibay ng isang lider ang opinyon sa pamamagitan ng pasasalamat at pagkonekta nito sa kaugnay na mga ideya. Ang pagpapatibay na ito ay tumutulong sa mga kalahok na madama na bahagi sila ng proseso ng paghahayag at magsikap na tiyakin na nakakatulong ang kanilang ibabahagi.

Bagong Kurikulum, Bagong Pangako

Kasama ng bagong taon at bagong kurikulum na ito ang panahon ng bagong pangako. Biniyayaan tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Responsibilidad at pribilehiyo nating hangarin ang Kanyang patnubay at gawin ang Kanyang gawain. Ang pagsulong na ito sa ating mga miting sa Melchizedek Priesthood at Relief Society tuwing Linggo ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng isang lesson tungkol sa gawain; sa halip tayo ay “uupo sa kapulungan” at magtataguyod ng matwid na pagkilos—pagkilos na “i[su]sulong ang maraming tao sa Sion nang may mga awit nang walang hanggang kagalakan” (D at T 66:11).

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa “Minutes, 17 February 1834,” josephsmithpapers.org.

  2. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.4.4.

  3. Tingnan sa David A. Bednar, “Panel Discussion” (pandaigdigang pulong sa pagsasanay sa pamumuno, Nob. 2010), broadcasts.lds.org.

  4. Teachings of the Prophet Joseph Smith, pinili ni Joseph Fielding Smith (1976), 94.

  5. Handbook 2, 3.3.2.

  6. Joseph Smith, sa “Minutes, 27–28 December 1832,” 3, josephsmithpapers.org.

  7. David A. Bednar, “Panel Discussion.”