Isang Ipinangakong Pagpapala sa Pagdalo sa Templo
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Gusto kong dumalo sa templo nang mas madalas—hindi ko inakala na labis itong magpapala sa aking pamilya.
Ilang taon na ang nakararaan, binisita ni President Oldroyd, miyembro ng stake presidency, ang aming ward at may sinabing hinding-hindi ko malilimutan: “Ipinapangako ko sa inyo na kung dadalo kayo sa templo, bawat aspeto ng buhay ninyo ay pagpapalain.”
Habang iniisip ito, hindi ko mawari kung paano maaapektuhan ng pagdalo sa templo ang bawat aspeto ng buhay ko. Ngunit pagkatapos magsimba, nagpasiya akong tanggapin ang kanyang hamon at dumalo ako sa templo nang mas regular. Gusto kong subukan ang kanyang pangako. Gusto ng aking asawa na dumalo sa templo nang mas madalas, pero nag-atubili ako dahil maliliit pa ang aming mga anak. Kailangan naming magbiyahe nang isang oras at kalahati papunta sa templo sa San Antonio, Texas, USA, dumalo sa isang endowment session, at magbiyahe pauwi pagkatapos. Hindi puwedeng pabantayan sa ibang tao ang aming mga anak nang pito o walong oras.
Ang Simula ng Isang Pagpapala
Noong una, sinikap naming makipagpalitan ng pagbabantay sa mga bata sa isa pang pamilya, pero palaging may nagkakasakit o nangyayari. Nagpasiya kami na kailangan lang naming itakda ang mga petsa para sa buong taon at humayo! Pagkatapos ay naisip namin ang paraang “pizza at laro.” Magkakasama kaming magbibiyahe papunta sa templo. Magsesesyon ang isang magulang habang dadalhin naman ng isa pa ang mga bata para mag-pizza. Pagkatapos ay magpapalitan kami: magsesesyon ang isa pang magulang habang ipapasyal naman ng isa ang mga bata sa bakuran ng templo. Maayos naman ito. Alam ng aming mga anak na mahalaga sa amin ang templo—alam nila ang lahat ng iba pang mga bagay na maaari naming gawin sa araw ng Sabado—at nagkasama-sama kami bilang pamilya.
Hindi ko inakala na labis na magpapala sa aking pamilya ang pagpunta sa templo. Matapos naming dalasan ang pagpunta nang mahigit isang taon, nakaupo ako sa isang sesyon nang mapansin ko ang isang lalaking quadriplegic. Sa palagay ko, kamangha-mangha na naroon siya. Nang papalabas na ng templo, nakita ko siyang nakaupo malapit sa parking lot, kaya naisip naming mag-asawa na batiin siya.
Nagtanong ang lalaki sa amin ng asawa kong si Chad kung maaari namin siyang tulungang tumawag sa telepono. Pumayag kaming tumulong, at sinabi ng lalaki kay Chad kung nasaan ang telepono niya. Dinayal ni Chad ang numero para dito at saka iniabot dito ang telepono. Hindi ito maabot ng lalaki, bagama’t magiliw itong ngumiti. Tiningnan ni Chad ang mga bisig ng lalaki, na nakatali sa wheelchair nito, at agad niyang natanto na kailangan niyang hawakan ang telepono sa tainga nito. Hindi pa dumarating ang city bus service na dapat sumundo sa lalaki. Sinamahan namin siya at kinausap hanggang sa dumating ang bus niya. Namangha kami na, sa kabila ng kanyang mga hamon, naroon siya sa templo. Napakaganda ng pag-uugali niya. Napakasaya ng ngiti niya. Bago siya umalis, nagpalitan kami ng contact information at nalaman namin na ang pangalan niya ay Max Para.
Kung kayang magpunta ni Brother Para sa templo, kaya nating magpunta sa templo—walang dahi-dahilan!
Ang Halimbawa ni Brother Para
Nagpasiya kaming bisitahin siya nang sumunod na buwan bilang bahagi ng pagbisita namin sa templo. Tinawagan namin siya nang maaga, at pumasok na lang daw kami pagdating namin sa bahay niya. Nagbiyahe kami patungong San Antonio at natagpuan namin ang maliit na bahay ni Brother Para. Nakahiga siya sa kama at nakatakip ng puting kumot ang kanyang katawan hanggang sa kanyang baba. Ibinaling niya ang kanyang ulo at nakipag-usap sa amin, na masaya pa ring nakangiti. Sinabi niya sa amin kung paano siya naging quadriplegic matapos bumagsak mula sa bubong noong nasa mga 30 taong gulang siya. Ikinuwento niya ang kanyang paghihirap at ang kanyang patotoo.
Ang isang-beses na pagbisita kay Brother Para ay nauwi sa maraming taon ng pagbisita. Naging espesyal na bahagi siya ng aming buhay. Hindi namin alam kung ano ang magagawa namin para sa kanya—napakabigat ng kanyang mga hamon. Ang alam lang namin ay maaari niya kaming maging mga kaibigan. Maaari namin siyang dalhan ng maliliit na regalo: isang larawan ng Tagapagligtas, isang Book of Mormon CD sa Spanish, isang larawan ng templo, isang bag ng mga sariwang kahel. Maaari namin siyang bisitahin, kantahan ng mga awitin sa Primary, at pakinggan. Lubhang kahanga-hanga ang karanasang ito—hindi mo mabibigyan ng kakarampot na tinapay ang Panginoon nang hindi ka nakakatanggap ng isang buong tinapay bilang kapalit.1
Tinuruan niya kaming magpasalamat, na nagpabago sa bawat aspeto ng aming buhay. Natuto kaming magpasalamat para sa aming kaalaman tungkol sa ebanghelyo, sa aming kaugnayan sa Diyos; sa aming kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan; sa aming tahanan, mga sasakyan, at damit; sa kakayahan naming gamitin ang aming katawan; sa pagkakataong gumawa ng mabuti para sa aming komunidad; at para sa mabubuting tao sa aming paligid. Binago ni Brother Para ang aming pakahulugan sa mga salitang hirap at pagsubok. May dahilan kami para magalak sa maraming pagpapala sa amin at ginamit namin ang mga pagpapalang iyon upang mapasigla ang iba.
Pag-aaral kung Paano Maglingkod
Minsan noong nasa templo si Chad kasama ang isa sa aming mga kaibigan na si Brother Gonzales, muli niyang nakita si Brother Para sa templo na naghihintay sa pagdating ng van na susundo sa kanya. Matagal nang naghihintay si Brother Para. Ipinasiya nina Chad at Brother Gonzales na ihatid na sa bahay niya si Brother Para. May malaking itim na trak si Brother Gonzales. Sa sandaling iyon, pumarada ang isang kotseng puno ng mga priest mula sa stake namin, at tumulong silang buhatin ang mabigat na wheelchair sa likod ng trak. Pagkatapos ay binuhat nila si Brother Para paakyat ng trak, kinabitan siya ng seatbelt, at hinawakan siya para hindi siya tumaob. Tiyak na napakasayang araw niyon para kay Brother Para—aakalain ba niyang ihahatid siya pauwi mula sa templo sakay ng pangarap niyang trak!
Pinagpala sa Lahat ng Paraan
Sa huling pagbisita namin sa San Antonio Temple bago kami lumipat, nabisita namin si Brother Para. Sa natatanging huling pagbisitang ito, inanyayahan ni Brother Para ang buong pamilya namin sa hapunan.
Lubos akong nagpapasalamat na sinubukan ko ang pangako ni President Oldroyd. Hindi sana nakilala ng pamilya ko si Brother Para kahit kailan kung hindi kami dumalo sa templo. Iba na ako—nagiging tao na ako na nais ng Panginoon na kahinatnan ko. Nang unahin namin ang Panginoon at dumalo kami sa templo, pinagpala ang aming buhay sa lahat ng paraan.