Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Ang Layunin ng Paglikha
Mula sa “Celestial Marriages and Eternal Families,” Ensign, Mayo 1980, 15–18. Pinagpare-pareho ang pagbabaybay at pagbabantas.
Kaya ng bawat isa sa atin na gawin ang ating tahanan na langit sa lupa.
Isaalang-alang natin … ang layunin ng paglikha ng daigdig. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapalinaw na [iyon ay] … [upang] maglaan ng lugar na matitirhan ng mga anak ng Diyos sa mortalidad at patunayan ang kanilang sarili na karapat-dapat, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, na makabalik sa piling ng Diyos na kanilang pinagmulan.
Kasunod ng paglikha ng daigdig, “Sinabi ng Dios, lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis. …
“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.
“At sila’y binasbasan ng Dios, at sa kanila’y sinabi ng Dios, Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin” (Genesis 1:26–28).
Nang likhain ng Diyos ang babae at dinala siya sa lalaki, sinabi Niya na:
“Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman” (Genesis 2:24).
Oo, ang kasal ay inorden ng Diyos, at kasunod ng unang pagbanggit na iyon sa mag-asawang lalaki at babae, paulit-ulit nating nakikita sa mga banal na kasulatan ang katibayan na ang mga lalaki at babae ay naging mga mag-asawa sa mga seremonya ng kasal. … Hindi tayo naparito para lamang “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya” (2 Nephi 28:7).
Mahalagang maunawaan natin, gaya ng matututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan, na ang Diyos ay walang hanggan, na ang Kanyang mga nilikha ay walang hanggan, at ang Kanyang mga katotohanan ay walang hanggan. Samakatwid, nang ikasal Niya si Eva kay Adan, ang pagsasamang iyon ay magiging walang hanggan. …
… Kapag nauunawaan ng mga magulang ang layunin ng kanilang buhay, na sila ay literal na espirituwal na supling ng kanilang Ama sa Langit at na mayroon silang responsibilidad na maglaan ng mga mortal na katawan para sa iba, nagagalak sila sa himala ng pagsilang dahil natatanto nila na sila ay mga katuwang ng Diyos sa paglikha sa bawat anak na dumarating sa tahanang iyon. …
Alam ko na sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, at sa pagtupad sa mga utos ng Diyos at sa mga tipan na ginagawa natin sa Kanya, magagawang langit ng bawat isa sa atin ang ating tahanan sa lupa habang inihahanda natin ang ating sarili at ang ating mga anak sa pagbalik sa ating Ama sa Langit.