2018
Ikaw, ang mga Kabataan, at ang Tema ng Mutwal
January 2018


Ikaw, ang mga Kabataan, at ang Tema ng Mutwal

Paano tayo maaaring pagkaisahin ng tema ng Mutwal?

Young Women leaders

Taun-taon inaanyayahan ng mga Young Men at Young Women General Presidency ang mga kabataan na pag-aralan, matutuhan, at ipamuhay ang isang tema mula sa banal na kasulatan na inaprubahan ng Unang Panguluhan. Ang pag-aaral at pagsasabuhay ng mga turo sa tema ng Mutwal ay maaaring magpalakas sa pananampalataya at patotoo at pagkaisahin ang mga korum, klase, at pamilya.

Ang Tema para sa 2018

Itinuturo ng tema sa taong ito sa mga kabataan kung paano magkaroon ng kapayapaang nagmumula kay Jesucristo. Sa Doktrina at mga Tipan 19:23, nag-anyaya ang Panginoon, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.” Sa isang mundong puno ng pag-aalinlangan at takot, ito ay isang mabisang pangako.

Ang talatang ito sa banal na kasulatan ay naglalaan ng pagkakataon sa mga magulang, lider, mentor, at guro na magturo ng mga huwaran na magpapatatag sa mga kabataan sa mahihirap na panahon.

Paano Ko Magagamit ang Tema?

Inanyayahan tayo ng mga Young Women at Young Men General Presidency na isaulo ang talata, pag-aralan ang doktrina, at ipamuhay ang mga alituntunin. Bagama’t magagawa ng bawat isa ang mga bagay na ito, ang sama-samang paggawa nito ay makakatulong na pagkaisahin at patatagin ang mga kabataan at ang kanilang pamilya.

Maraming oportunidad para maisama ang tema sa buhay ng ating mga kabataan. Magagamit ito sa family home evening, sa mga lesson sa simbahan at sa seminary, bilang paksa sa mga mensahe ng mga kabataan sa sacrament meeting, para pagyamanin ang Mutual opening exercises, at para magtuon sa mga aktibidad ng mga kabataan, kabilang na ang mga camp, youth conference, sama-samang aktibidad, New Beginning, at debosyonal.

Mga Ideya para sa Ilang Aktibidad

Narito ang ilang ideya para maisama ang tema ng Mutwal sa buong taon. Para sa iba pang mga ideya, bisitahin ang youth.lds.org.

“Mag-aral Kayo sa Akin”

young men at church

Ang pag-aaral tungkol kay Jesucristo ay mahalaga para magkaroon ng kapayapaan sa Kanya. May kapayapaan at katiyakan sa pagkilala sa Kanya, sa pag-aaral kung paano Siya namuhay, at sa pag-unawa kung ano ang ginagawa Niya para sa atin.

Nang siya ay 14 na taong gulang, tinanong si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) kung nabasa na niya nang buo ang Biblia. “Marami na akong nabasang aklat noong panahong iyon, ang mga komiks, at mga libangang aklat, ngunit sinasabi sa akin ng nakokonsensiya kong puso, ‘Ikaw, Spencer Kimball, hindi mo pa nabasa kahit kailan ang banal na aklat na iyon. Bakit?’”1 Mula noon, siniguro na ni Pangulong Kimball na “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo” (2 Nephi 32:3).

  • Isiping sabihan ang mga kabataan na magkaroon ng study notebook para itala ang natututuhan nila tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

  • Maaari mong anyayahan ang mga kabataan na subukan ang hamon ni Pangulong Russell M. Nelson na “maglaan ng bahagi ng [kanilang] panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa [mga banal na kasulatan].”2 Sa klase o sa family home evening, maaari mo silang hilingang magreport tungkol sa natututuhan nila at kung paano nila ito sinusunod sa kanilang buhay.

Resources

  • Santiago 1:22; Moises 1

  • “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2.

  • Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 39–42.

  • David A. Bednar, “Ang Pagkataong Tulad ng Kay Cristo,” Liahona, Okt. 2017, 50–53.

“Makinig sa Aking mga Salita”

young men in Church class

Kasama sa pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas hindi lamang ang pakinggan kundi ang dinggin (o sundin) ang mga salita. Malaking kapayapaan at katiyakan ang maaaring magmula sa kaalaman na tayo ay namumuhay alinsunod sa Kanyang mga turo.

Noong siya ay walong taong gulang, nagpasiya si Pangulong Thomas S. Monson na mag-campfire sila ng kaibigan niyang si Danny. Isa lang ang problema—ang kaparangang gusto nilang gamitin ay tuyo, matinik, at puno ng mga damo. Noon nagkaroon ng ideya ang batang si Pangulong Monson: “Sinabi ko kay Danny, ‘Kailangan lang nating sunugin ang mga damong ito. Sunugin lang natin ang gitna ng damuhan!’ Agad siyang sumang-ayon, at tumakbo ako sa bahay namin para kumuha ng posporo. …

“… Naalala ko na naisip ko noon na susunugin lang ng apoy ang gusto naming sunugin at pagkatapos ay basta na lamang mamamatay ang apoy.

“Ikiniskis ko ang posporo sa bato at sinunog ang damo.” Nang matanto kaagad na hindi kusang mamamatay ang apoy, patakbong humingi ng tulong ang mga bata, at naapula ang apoy pagkaraan ng ilang oras.

“Natutuhan namin ni Danny ang ilang matitindi pero mahahalagang aral nang araw na iyon,” sabi ni Pangulong Monson, “ang malaking bahagi nito ay ang kahalagahan ng pagsunod.”3

  • Sabihin sa mga kabataan na pag-aralan ang pagsunod sa kabanata 6 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pati na ang bahaging pagsunod sa aktibiti patungkol sa katangian sa dulo ng kabanata.

  • Pag-usapan ang mga bagay na maaaring makagambala sa ating pakikinig sa mga salita ng Panginoon. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga kabataan na palitan ng 10 minutong pag-aaral ng banal na kasulatan ang 10 minutong panonood.

  • Magkaroon ng regular na mga pagkakataong tanungin ang mga kabataan kung ano ang gagawin nila dahil sa natutuhan nila.

Resources

  • Exodo 20; Mateo 5:1–12

  • “Pagsunod,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 140.

  • Hadley Griggs, “Sampung Minuto sa Isang Araw,” Liahona, Set. 2017, 58–61.

  • Robert D. Hales, “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,” Liahona, Mayo 2014, 35–38.

“Lumakad sa Kaamuan ng Aking Espiritu”

young women at church

Inilalarawan ng pag-aaral at pakikinig kung ano ang kailangan nating gawin. Inilalarawan ng paglakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu kung paano natin ito kailangang gawin.

Ang ibig sabihin ng pagiging maamo ay “tiisin ang sakit nang may pagtitiyaga at walang pagdaramdam,”4 isang bagay na nangangailangan kapwa ng lakas at pagpapakumbaba. Noong 1838, tumalikod sa Simbahan si Thomas B. Marsh, ang unang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, dahil sa pagdaramdam na hindi pumanig sa kanyang asawa ang mga pinuno ng Simbahan sa isang alitan tungkol sa gatas. Nang tumanda na siya, tinangisan niya ang mga pagpapalang nawala sa kanya at bumalik siya sa Simbahan, na sinasabing: “Madalas kong ginustong malaman kung paano ako nagsimulang mag-apostasiya, at nahinuha ko na nawala na siguro sa puso ko ang Espiritu ng Panginoon. …

“… Nagalit ako at napoot; at dahil wala na ang Espiritu ng Panginoon, sabi nga sa mga Banal na Kasulatan, nabulagan ako.”5

  • Hindi naging madali ang buhay ng Tagapagligtas. Maghanap ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga panahon na nagpakita ng kaamuan si Jesus sa harap ng mga hamon. Talakayin kung paano natin magagamit ang halimbawa ng Tagapagligtas sa mga sitwasyong maaaring kinakaharap natin ngayon.

  • Ang isang paraan para maging maamo ay sa paglilingkod sa iba. Isipin ang iba’t ibang paglilingkod na magagawa ng mga kabataan nang mag-isa o bilang grupo.

Resources

“Ikaw ay Magkakaroon ng Kapayapaan sa Akin”

young women outside of church

Maaaring iba-iba ang kahulugan ng kapayapaan sa iba’t ibang tao—pag-asang posibleng gumaling, katiyakang may paraan para makaraos sa mahihirap na panahon, o katiyakang tayo ay nasa tamang landas.

  • Hanapin ang mga kuwento kung paano nagkaroon ng kapayapaan kay Cristo ang ibang mga tao sa Mormon.org/easter at sa mga pahina 60 at 63 ng isyung ito. Paano kayo nagkaroon ng kapayapaan?

  • Isiping panoorin ang 2017 Easter video na, “Pangulo ng Kapayapaan,” sa Mormon.org/easter. Maaari mong anyayahan ang mga kabataan na ibahagi ang video online na may kasamang patotoo kung paano sila nagkaroon ng kapayapaan kay Cristo.

Resources

  • Juan 14:27; Mga Taga Filipos 4:7

  • W. Christopher Waddell, “Isang Huwaran para sa Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2016, 90–93.

  • Quentin L. Cook, “Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2013, 32–36.

Mga Tala

  1. Spencer W. Kimball, “Read the Scriptures,” Friend, Dis. 1985, panloob na pabalat sa harap; tingnan din sa “What I Read as a Boy,” Children’s Friend, Nob. 1943, 508.

  2. Russell M. Nelson, “Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017), broadcasts.lds.org.

  3. Thomas S. Monson, “Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng mga Pagpapala,” Liahona, Mayo 2013, 89–90.

  4. Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. (2003), “meekness,” merriam-webster.com.

  5. Thomas B. Marsh, sa Journal of Discourses, 5:206–7 (tingnan din sa “The Faith and Fall of Thomas Marsh,” sa Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants, Matthew McBride at James Goldberg, mga editor [2016], 57–59).