Hayaang Magliwanag ang Iyong Ilaw
Mula sa “Be a Light to the World” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 1, 2011), speeches.byu.edu.
Bawat isa sa atin ay naparito sa lupa na taglay ang Liwanag ni Cristo. Nasa atin na kung pananatilihin nating nag-aalab ang ating ilaw para makita at sundan ng ibang tao. Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para mapanatili ang pananampalatayang kailangan natin ay pag-aralan ang mga banal na kasulatan at manalangin.
Habang patuloy ninyong pinag-aalab ang ningas ng patotoo, kayo ay magiging isang hudyat na ilaw ng kabutihan na makikita ng lahat. Sinabi ng Tagapagligtas na, “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Walang hangganan ang ating mga pagkakataon na magliwanag. Nasa paligid natin ang mga ito sa bawat araw. Habang sinusunod natin sa halimbawa ng Tagapagligtas, tayo ay magiging isang ilaw sa buhay ng mga taong nasa ating paligid—mga miyembro man sila ng sarili nating pamilya, ating mga kaibigan, o estranghero.
Maaari tayong maging isang ilaw sa sanlibutan. Tulad ng pagsindi ng ilaw sa isang madilim na silid na pumupuno sa silid ng liwanag, ang pagiging halimbawa ng kabutihan ay makakatulong sa pagtanglaw sa isang mundong patuloy sa pagdilim.
Mga kaibigan, maaari tayong maging, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo, “isang uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Timoteo 4:12). Maaari tayong makilala palagi bilang mga alagad ni Cristo at maging “tulad sa mga ilaw sa sanglibutan” (Mga Taga Filipos 2:15).