Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pag-asikaso sa Aking Sanggol na Maysakit at sa Aking Tungkulin
Nang tawagin ako bilang counselor sa organisasyon ng Young Women sa aking ward, tinanggap ko ang tawag, ngunit nag-alala ako kung paano ko gagampanan ito. Naramdaman kong hindi ako handa, at nakikipaglaban ako sa isang pagsubok.
Tatlong buwan bago matanggap ang calling na ito, kasunod ang isang maselang pagdadalantao, naisilang ko na ang aking sanggol na lalaking si Nicolas. Kinailangan niya ang palagiang pagpapagamot. Ilang linggo matapos siyang isilang, isang maliit na pulang batik ang lumitaw sa talukap ng kanyang mata at unti-unti itong lumaki. Ipinaliwanag ng aming pediatrician na isang benign tumor iyon at mawawala rin kapag isang taong gulang na si Nicolas. Pero mabilis na lumaki ang tumor. Nasakop nito ang kanyang ocular cavity at magdudulot kalaunan ng permanenteng pinsala sa kanyang paningin kung hindi magagamot.
Mahirap man ay nagdesisyon kaming pasimulan ang chemotherapy. Nagkaroon ng negatibong reaksyon sa panggagamot ang maselang katawan ni Nicolas. Araw-araw siyang nilagnat, tuluy-tuloy ang impeksyon, at bumaba ang kanyang timbang. Napaiyak siya nang husto sa prosesong ito. Humirap nang humirap ang pagganap ko sa aking calling sa ilalim ng mga kundisyong ito. Hindi ko alam kung paano ko ito magagawa.
Salamat na lamang at sinuportahan ako ng aking asawa. Nadama naming dalawa na dapat akong magpatuloy. Sinuportahan din ako ng pangulo ng Young Women. Isa siyang matapat at mapagpasenyang babae. Tinulungan niya akong makita ang mga katangiang hindi ko alam na taglay ko at tinulungan akong humanap ng mga paraan para makapaglingkod na hindi ko naisip noon.
Natulungan ako ng pagsama sa mga kabataang babae bawat linggo na hindi magtuon sa paulit-ulit na iniksyon, pagpapasuri, at pagpapadoktor. Dahil dito hindi ako nagsayang ng oras na maawa sa sarili ko o magtanong kung bakit ito nangyayari sa aking munting anghel. Ang aking calling ay isang pagpapala, at bago ko pa natanto, lumalaki na si Nicolas at tapos na ang panggagamot. Si Nicolas ay naging isang masaya at malusog na bata na puno ng sigla.
Ang paglilingkod sa magigiting na anak na babae ng ating Ama sa Langit ay nakatulong sa akin para mapaglabanan ang damdamin ng kakulangan, makabuo ng walang-hanggang ugnayan ng pagkakaibigan, matuklasan ang aking mga talento, at mapaigi sa aking mga responsibilidad bilang ina at asawa.
Hindi palaging inaalis ng Panginoon ang mga pagsubok sa atin, ngunit alam ko nang buong puso na lagi Siyang handang tumulong para magkaroon tayo ng lakas na harapin ang mga ito.