Ang Bahaging para sa Atin
Ginamit Ko ang Aking Pananampalataya
Ang pakikipaglaro ko ng ping-pong sa kaibigan kong si Erfrey ay natigil dahil sa tatlong katok sa pinto sa harap ng kanyang bahay. Narinig ko ang isang hindi pamilyar na tinig na may kakaibang punto ng Hiligaynon, na aking katutubong wika.
Mabilis na lumapit si Erfrey sa pinto, halatang inaasahan ang pagdating nila. “Halika!” sabi niya sa akin. “Ipapakilala kita sa mga kaibigan ko!”
Nakasuot sila ng puting polo at nakakurbata at nagpunta para turuan ang nakababatang kapatid ni Erfrey para ihanda siya sa binyag. Kinausap ko sila sa Ingles, at humanga sila, sapat upang hilingin na kung maaari ay mag-interpret ako habang tinuturuan ang kapatid ni Erfrey.
Akala ko basta magiging interpreter lang ako. Ngunit ako ay naging aktibong participant habang natatanim sa puso ko ang kanilang mga salita. Nagkaroon ako ng hindi maipaliwanag na pakiramdam noon, isang masayang damdamin na noon ko lamang nadama.
Matapos ang karanasang iyon, inanyayahan ko ang mga missionary na turuan ang aking pamilya. Ngunit nang dumating sila, nanindigan ang aking mga magulang na hindi kailan man magkakaroon ng puwang ang isang Mormon sa aming pamilya.
Gusto kong magpabinyag, kaya’t ginamit ko ang aking pananampalataya. Ako ay nag-ayuno at nanalangin. Sinikap kong maging halimbawa sa kanila.
Makalipas ang dalawang taon, sa pamamagitan ng simple kong pananampalataya at sa mapagmahal na suporta ng aking Ama sa Langit, lumambot din sa wakas ang puso ng aking ama at pinirmahan niya ang pahintulot para mabinyagan ako. Natutuwa akong sabihin na ang patotoo ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang pinakamahalaga kong pag-aari.
Arnel M., Negros Occidental, Philippines
Mula sa Primary tungo sa Young Women
Noon pa man ay palagi na akong nahihirapang makibagay sa bagong mga situwasyon. Kaya nga kabado ako noong iwan ang Primary at magsimula sa Young Women. Noong una ay nanibago ako sa iskedyul. Ang Young Women ay talagang kakaibang kapaligiran—walang oras ng kantahan, walang oras ng pagbabahagi. Mayroon din kami noong Mutuwal kada linggo.
Gusto ko lang maging kabilang ako at maging komportable, kaya’t sinikap kong mag-adjust sa bagong iskedyul. Nagdasal ako nang nagdasal, at nagsimula akong mag-adjust sa bagong gawain at sa pakikihalubilo sa iba pang mga kabataang babae.
Sa paglipas ng mga linggo, nagsimula kong matanto kung bakit ako nasa Young Women program. Mas marami akong natututuhan tungkol sa ebanghelyo, nagkakaroon ako ng mas maraming pagkakataon upang magkaroon ng kaunting kabutihan sa bawat linggo, at nagawa kong makapunta sa templo at nadama ang Espiritu ng Panginoon sa Kanyang tahanan.
Ngayo’y labis ang pasasalamat ko para sa Young Women. Masaya ako na binigyan ko ng pagkakataon ang pagbabagong ito at tinulungan ako ng aking Ama sa Langit na gawin ito.
Bethany W., Florida, USA
Isang Malinis na Espiritu: Mas Mahalaga Kaysa Isang Paligsahan
Sa ikawalong grado ay kasali ako sa isang book club. Nagkikita-kita kami noon bawat buwan para pag-usapan ang isang aklat, at sa pagtatapos ng taon ay may paligsahan kami para malaman kung aling team ang pinakamaraming alam tungkol sa bawat aklat. Ang isang patakaran na palagi naming sinusunod noon ay malilinis na aklat lamang ang basahin.
Isang buwan, nang simulan kong basahin ang kasunod na aklat, nadama ko na parang hindi ito malinis. Ngunit kailangan kong basahin ito kung gusto kong manalo sa paligsahan ang aking team. Hindi ko sila maaaring biguin. Makalipas ang ilang kabanata, lumala ang nilalaman ng aklat. Sa huli, ibinaba ko ito. Alam kong hindi ko ito maaaring basahin—ang aking espirituwal na kalinisan ay mas mahalaga kaysa pagkapanalo sa isang paligsahan.
Pero masyado akong nag-alala na magsabi sa aking team. Sa gabi bago ang miting ng aming club, nagdasal ako sa Ama sa Langit na tulungan akong magkaroon ng lakas ng loob na harapin sila.
Kinabukasan ay talagang nag-alala ako. Naupo ako kasama ng aking team. Nang magsimula ang miting, ipapaliwanag ko na sana sa lahat na hindi ko maaaring basahin ang aklat. Ngunit bago ko ito nagawa, tumindig ang lider at humingi ng paumanhin. Ipinaliwanag niya na hindi niya nabasa ang aklat bago ito ilagay sa listahan ng aming mga aklat at hindi natanto kung ano ang nilalaman nito. Sinabi niyang aalisin niya ito sa listahan. Pagdating ko sa bahay, nagpasalamat ako sa Ama sa Langit.
Alam ko na kapag ipinamumuhay natin ang ating mga pamantayan, binabantayan tayo ng Panginoon. Hindi Niya laging nilulutas ang situwasyon na gaya ng ginawa Niya para sa akin, ngunit palagi Niya tayong bibigyan ng lakas ng loob na gumawa ng mabubuting desisyon.
Ashleigh A., Utah, USA