2018
Ang Kapitbahay Kong Kakaiba
January 2018


Ang Kapitbahay Kong Kakaiba

Ang awtor ay naninirahan sa Victoria, Australia.

Malungkot ang buhay ko noon, ngunit ang pagsisimba kasama ng aking kapitbahay ang nagpabago sa lahat.

peeking over fence

Paglalarawan ni Rafael Mayani

Ilang taon na ang nakalilipas, lungkot na lungkot ako dahil dama kong wala akong makausap. Nakatira sa malayo ang pamilya ko at wala akong mga kaibigan, kaya’t wala na akong makitang dahilan para mabuhay pa.

Nakatira ako noon sa aking tiya at tiyo, at ang tanging sinabi nila sa akin na huwag gawin ay ang makipag-usap sa kapitbahay. Sinabi nilang kakaiba siya, at gumawa sila ng mga kuwento tungkol sa kanya na ikinatakot ko.

Gayunman, isang Sabado, siya at ang dalawang batang babaing tinedyer na kaedad ko ay nagpatulong sa akin na gumawa ng bakod. Pumayag ako at nagtrabaho.

Matapos pagmasdan ang mga batang ito, napag-isip ko na mababait sila, kaya nagsimula akong makipag-usap sa kanila, na nauwi sa usapan tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Napakarami kong mga tanong, na sinagot nila. Naging interesado ako. Inimbita ako ng kapitbahay ko na sumama sa kanyang magsimba kinabukasan para malaman kung magugustuhan ko ito. Lungkot na lungkot ako noon sa buhay ko, kaya naisip ko na wala namang mawawala sa akin.

Sa pagdaan sa mga pintong iyon kinabukasan nang umaga, nakadama agad ako ng kapayapaan ng kalooban na hindi ko maunawaan, ngunit alam kong sa simbahang ito ako dapat mapabilang. Ipinakilala ako sa mga missionary nang umagang iyon, at nakita ko kung paano nila nalaman na ang Simbahan ay totoo.

Nagsimula akong makinig sa iba’t ibang lesson mula sa mga missionary. Iyon na ang pinakamagandang panahon para hilingin ko sa Ama sa Langit na ipadala sa akin ang dalawang missionary na iyon na mapagmahal, mapagmalasakit at espirituwal. Sa tulong nila nagkaroon ako ng kaalamang taglay nila tungkol sa ebanghelyo.

Matapos pakinggan ang pagbabahagi nila kung paano sila natulungan ng kanilang kaalaman tungkol sa Ama sa Langit sa mga pagsubok, nadama ko na dapat akong magdasal para malaman kung totoo nga ang sinabi nila. Pagkatapos magdasal, nakadama ako ng matinding kaligayahan, kapayapaan, at kapanatagan sa aking kalooban. Alam kong natanggap ko ang sagot sa akin nang gabing iyon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Sa pagkakaroon ng ganitong kaalaman, mabilis na lumago ang aking patotoo. Simula nang sumapi ako sa Simbahan noong 2013, talagang nakita ko ang mga pagpapala na ibinigay sa akin ng kaalaman tungkol sa ating Ama sa Langit. Nagpapasalamat ako sa mga missionary at sa kapitbahay ko sa pag-imbita sa akin na lumapit kay Cristo.