Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aking Panalangin sa Bubungan
Isang maulang araw ng taglagas, nagpunta ako sa aking attic at napansin ko ang isang tagas. Tumagas ang tubig sa dulo ng mga pinagpakuan sa bubong sa pagitan ng dalawang biga. Noong mga nakaraang taon, marami akong nakumpuni sa bahay ko at hindi ako natakot na sumubok ng mga bagong proyekto. Ngunit sa pagkakataong ito, naharap ako sa mga personal na pagsubok at nawalan ako ng tiwala sa sarili. Pakiramdam ko wala akong lakas-ng-loob na ayusin ang tagas, kahit alam ko na kailangan kong kumpunihin iyon bago magsimula ang taglamig.
Makalipas ang isa o dalawang linggo, umakyat ako sa bubungan dala ang isang utility knife, isang putty knife, at isang caulking gun na puno ng alkitran para sa bubong. Naisip ko na kailangan ko lang makita ang pinagmumulan ng tagas at lagyan ito ng malagkit na alkitran. Ngunit wala akong ideya kung nasaan ang butas. Pinanghinaan ako ng loob. Tumigil ako sandali at nagdasal, na hinihiling sa Panginoon na ituro sa akin ang mismong lugar para maayos ko ang tagas. Umasa ako na ipapakita lang Niya sa akin ang butas. Sa halip, pumasok ang isang salita sa aking isipan: magsiyasat.
Hindi iyon ang gusto kong sagot, ngunit nagsimula akong tumingin-tingin sa paligid. Natuon ang mga mata ko sa isang vent. Tinanggal ko ang dalawang maliliit na tisa malapit sa vent at nakita ko ang tila pinagmumulan ng tagas. Tinanggal ko ang tuyo at lumang alkitran at nagtapal ako ng maraming bagong alkitran. Pinalitan ko ang mga tisa, at wala pang isang oras ay natapos ko na ang trabaho. Nawala ang lungkot ko, at gumanda ang pakiramdam ko sa sarili sa nagawa ko para malutas ang problema. Nang sumunod na pag-ulan, tiningnan ko ang attic kung saan may mga tagas at nakita kong tuyo ito!
Naisip ko si Oliver Cowdery, na “[walang inisip] maliban sa [magtanong]” (D at T 9:7). Tulad niya, umasa ako na bibigyan ako ng Panginoon ng agarang sagot sa aking dasal nang walang kahirap-hirap. At naisip ko kung gaano ako sumigla nang kailanganin kong magsikap na “pag-aralan ito” (D at T 9:8)—na magsiyasat. Natutuhan ko na hindi gagawin ng Panginoon ang lahat para sa atin. Tutulungan at gagabayan Niya tayo, ngunit inaasahan ding gagawin natin ang ating makakaya dahil nagdudulot ito ng personal na paglago.