2018
Mga Sagot sa Panalangin ng Isa’t Isa
January 2018


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Sagot sa Panalangin ng Isa’t Isa

missionary on plane

Paglalarawan ni Allen Garns

Patapos na ang misyon ko sa Illinois Chicago South Mission nang matanggap ko ang espesyal na pahintulot na bisitahin ang isang dati kong area at maghapunang kasama ng pamilya Tremillo. Naglingkod ako sa kanilang ward nang isang buong taon at napalapit ako sa kanila.

Sa hapunan, hinikayat ako ni Brother Tremillo na magbahagi ng kahit isang mensahe ng kaligayahan sa pag-uwi ko. Sabi niya maglalagay ng isang tao ang Panginoon sa sasakyan kong eroplano na mangangailangan ng tulong ko. Nangako ako na gagawin ko iyon.

Mula noon hanggang sa lisanin ko ang Chicago, ipinagdasal ko ring makatanggap ng katibayan na tatanggapin ng Panginoon ang aking sakripisyo sa pagmimisyon.

Tatlong linggo kalaunan, sumakay ako ng eroplano pauwi. Habang papalapit ako sa aking upuan, tumingala ang taong katabi ko sa upuan. “Imposible!” sabi nito. “Hindi ako makapaniwala.”

Ang una kong naisip ay, “Wow, galit siya sa mga Mormon!” Pag-upo ko, sinabi niya sa akin na siya si Kelly at bagong binyag siya. Napakasaya raw niya na isang missionary ang makatabi niya sa upuan. Sinabi sa akin ni Kelly na ang huling taong nakatabi niya sa upuan ay anti-Mormon at masungit sa pagpapahayag ng kanyang opinyon tungkol sa bagong-tuklas na pananampalataya ni Kelly. Nabalisa si Kelly at nagkaroon ng mga tanong. Matagal na niyang ipinagdarasal na masagot siya at mapanatag.

Taimtim akong nagdasal at pinatotohanan ko ang katotohanan ng ebanghelyo at ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak, pati na sa kanya. Sinabi ko sa kanya ang payo sa akin ni Brother Tremillo. Sinabi ko na inihanda ng Diyos ang espesyal na sandaling ito para lang sa kanya.

May luha sa kanyang mga mata, pinasalamatan ako ni Kelly. Sinabi rin niya, “Masasabi ko na isa kang mabuting missionary at na tinatanggap ng Panginoon ang iyong sakripisyo.” Sa sandaling iyon, nadama ko ang matinding pagmamahal ng Diyos sa akin. Ako naman ang umiyak. May luha sa aking mga mata, pinasalamatan ko si Kelly at sinabi ko sa kanya na siya ang sagot sa aking panalangin. Sinagot ko ang ilan pang mga tanong niya, at nagpalitan kami ng email address.

Lumapag ang sinasakyan naming eroplano at kumaway kami sa isa’t isa bilang pamamaalam habang naglalakad siya papunta sa sumunod niyang eroplano. Lagi akong magpapasalamat na handa ang Ama sa Langit na pagpalain tayo sa magiliw na paraan.