2018
Ang Walang-Hanggang Kahalagahan ng Pamilya
January 2018


Ang Walang-Hanggang Kahalagahan ng Pamilya

Mula sa isang mensaheng ibinigay noong Oktubre 27, 2015.

Sa kanyang mensaheng ibinigay sa ikasiyam na World Congress of Families sa Salt Lake City, Utah, USA, sinabi ni Elder M. Russell Ballard na kailangang tipunin ng mga naniniwala sa tradisyonal na kasal ang lahat ng suportang makukuha nila para palakasin at protektahan ang kanilang pananampalataya, pamilya, at kalayaan.

Larawan
family in the city

Napakahalaga ng mga templo sa mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa loob ng mga ito, ikinakasal ang mga magkasintahan para sa panahon at sa kawalang-hanggan, hindi lamang hanggang paghiwalayin sila ng kamatayan. Tulad ng ipinahayag ng Simbahan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” 23 taong na ang nakararaan, “Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”1

Ipinaliliwanag ng doktrinang ito ang ating matatag na paninindigan tungkol sa pamilya. Naniniwala rin tayo na dapat nating tulungan ang lahat ng tao nang may pag-unawa, pagmamahal, at habag. Ang mensahe ko ay magtutuon muna sa mga doktrinal na dahilan kung bakit napakahalaga ng mga pamilya sa ating Simbahan. Pangalawa, ipaliliwanag ko ang kaugnayan sa pagitan ng mga lubusang pagpapahalaga ng relihiyon sa pamilya at ng kalayaang pangrelihiyon. Sa huli, magmumungkahi ako ng ilang tuntuning gagabay sa pagtulong sa mga tao sa ating paligid, sa kabila ng anumang mga di-pagkakaunawaan o di-pagkakasundo.

Ang mga Paniniwala ng Simbahan tungkol sa Pamilya

Para makapaglaan ng konteksto sa mga paniniwala ng ating Simbahan tungkol sa pamilya, gusto kong banggitin ang mga titik ng awiting madalas kantahin ng ating mga anak na pinamagatang “Sa Langit Ako’y Nanirahan.” Binabalangkas ng awiting ito kung saan tayo nanggaling, bakit tayo narito, at saan tayo pupunta. Ito ay tinatawag ng mga Banal sa mga Huling Araw na plano ng kaligtasan—isang walang-hanggang plano ng ating Ama sa Langit.

Totoo ngang sa langit ako’y nanirahan;

Sa piling ng mga taong nagmamahalan. At Ama sa Langit

plano ay inilaan,

Para sa ating walang hanggang kaligtasan.

Isang sapat magmahal kailangan ng Ama

Na mamatay nang tayo’y mabalik sa Kanya.

Sakripisyong ito nais gawin ni Cristo.

Sabi N’ya, “Ama, kal’walhatia’y sa Inyo.”

Si Jesus ang pinili, at bilang Mesiyas,

Kamataya’y ginapi sa Kanyang pangalan,

Pag-asang sa hinaharap buhay gaganda—

Sa tahanan sa langit sa piling ng Ama.2

Nasasaisip ang awiting ito, hayaan ninyong ipaliwanag ko ang ilang mahahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan na magbibigay-diin sa kawalang-kamatayan at kawalang-hanggan natin at ng ating pamilya.

Bago ang buhay na ito, nabuhay tayo sa piling ng Diyos, na ating Ama sa Langit. Siya ang literal na Ama ng ating espiritu, at tayo ay Kanyang mga espiritung anak. Kaya nga, lahat ng isinisilang sa buhay na ito ay magkakapatid sa espiritu.

“Ang buong layunin ng Diyos—Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian—ay ang magawa nating tamasahin ang lahat ng Kanyang mga biyaya.” Ang pagpili nating sundin o suwayin ang Kanyang mga utos ang nagpapasiya sa ating walang-hanggang tadhana. “Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, natupad ni Jesucristo ang layunin ng Kanyang Ama at ginawang posible na makamtan ng bawat isa sa atin ang imortalidad at buhay na walang hanggan.”3 Ang kasal at mga ugnayan ng pamilya ay ibinibigkis ng awtoridad ng priesthood upang magpatuloy hanggang sa kabilang-buhay kung tayo ay ikinasal “sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan” sa templo (D at T 132:7).

Sana’y makatulong sa inyo ang maikling buod na ito upang maunawaan ninyo kung gaano lubos na nakaugnay ang ating teolohiya sa tradisyonal na pamilya. Maaaring magbago ang lipunan, batas, at opinyon ng nakararami, ngunit ang bersyon ng lipunan tungkol sa pamilya ay hindi maaaring palitan at hindi mapapalitan ang layunin at plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Sa mundo ngayon, kung saan ang kasal at ang mga anak ay lalong binabalewala, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nag-iisa sa pagtukoy sa tradisyonal na pamilya bilang isa sa pinakamahahalagang bahagi ng doktrina nito.

Sinabi ni Pope Francis, “Ginawa Niya [ng Diyos] ang mga lalaki at babae para lumigaya, para makasama sa kanilang paglalakbay ang isang taong bumubuo sa kanila, para magkaroon ng kamangha-manghang karanasang magmahal: magmahal at mahalin, at makitang magbunga ang kanilang pagmamahalan sa mga anak.”4

Ipinahayag ng Southern Baptist Church: “Ang kasal ay ang pag-iisang dibdib ng isang lalaki at isang babae sa tipan na maging tapat habambuhay. … Ang mag-asawa ay pantay ang kahalagahan sa harapan ng Diyos, dahil kapwa sila nilikha sa wangis ng Diyos.”5

Dahil sa ating mga doktrinal na paniniwala tungkol sa walang-hanggang pamilya at sa mga pahayag ng iba pang kilalang mga pinunong Kristiyano, nagiging madaling maunawaan kung bakit tayo napakatapat sa pangangalaga, pagprotekta, at pagtataguyod sa mga tradisyonal na pamilya.

Sekular na Suporta para sa mga Opinyon tungkol sa Relihiyon

May mga taong nag-iisip na ang gayong doktrina at mga pahayag ay mga opinyon tungkol sa relihiyon na wala sa katwiran. Gayunman, pinagsikapang tanggapin ng U.S. Supreme Court noong Hunyo 2015 na maaaring may ibang opinyon ang tapat at makatwirang mga tao, kahit sa pagkilala sa pagpapakasal ng magkaparehong kasarian:

“Ang kasal ay sagrado sa mga taong ipinamumuhay ang kanilang relihiyon. …

“… May hindi nailahad na mga reperensya sa kagandahan ng kasal sa mga teksto ng relihiyon at pilosopiya na sumasaklaw sa panahon, mga kultura, at mga pananampalataya, gayundin sa sining at literatura sa lahat ng anyo nito. Nararapat at kailangang sabihin na ang mga reperensyang ito ay batay sa pagkaunawa na ang kasal ay pag-iisang-dibdib ng dalawang taong magkaiba ang kasarian. …

“… Ang kasal, sa kanilang opinyon, ay likas na pag-iisang-dibdib ng magkaibang kasarian na lalaki at babae. Matagal nang pinaninindigan ang opinyong ito—at patuloy na pinaninindigan—nang walang masamang hangarin ng makatwiran at tapat na mga tao dito at sa buong mundo.”6

Tama ang pagkaunawa ng Supreme Court na patuloy na kinikilala ng maraming tapat at makatwirang tao sa mundo ang tradisyonal na kasal.

Larawan
family sitting together

Pananampalataya, Pamilya, at Kalayaan

Nauunawaang maaaring ang opinyon ng makatwiran at tapat na mga tao sa kasal ay sa pagitan lamang ng mga taong magkaiba ang kasarian, kailangang bigyang-puwang ng publiko, at kailangang protektahan ng kalayaang pangrelihiyon, ang mga opinyong iyon. Tunay ngang dahil maaapektuhan ng mga paniniwala sa relihiyon ang pananaw ng mga nananalig sa mismong layunin ng buhay, ipapaalam ng mga pananaw na iyon kung paano sila makitungo sa lipunan.

Naaalala ko ang balita tungkol sa maliliit na bata na binasahan ng kanilang guro ng kuwento tungkol sa dalawang prinsipeng nag-iibigan. Inilahad ng guro ang materyal na ito nang walang babala o pabatid. Nang hilingin ng mga magulang na ipabatid sa kanila kung babasahing muli ang kuwentong ito sa hinaharap, tumanggi ang paaralan.7

Mapapasama ba talaga ang school administrators kapag pinayagan nilang alisin ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag salungat sa kanilang mga paniniwala ang mga materyal na itinuturo? Ang desisyon ng paaralan ay parang deretsahang pag-atake sa tungkulin ng mga magulang sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Nabubuhay tayo sa panahon ng mga kasukdulan. Madalas ay parang mahirap at malayong magkasundu-sundo. Nakakarinig tayo ng mga kuwento ng mga taong nagsikap na maging tapat sa kanilang mga pamantayan, para lang maparatangan ng pagkapanatiko o hindi pagpaparaya o maparusahan nang tila hindi makatwiran.

Karamihan sa halos 200 bansa sa mundo, pati na sa Estados Unidos, ay kinilala ang tanging karapatan ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak nang lagdaan nila ang International Covenant on Civil and Political Rights. Nakasaad sa Article 18 ng treaty na, “Nangangako ang … mga Partido … na igagalang ang kalayaan ng mga magulang … na tiyaking ituro sa kanilang mga anak ang relihiyon at moralidad na naaayon sa sarili nilang mga paniniwala.”8

Ang proteksyong ito sa karapatang pantao sa buong mundo ay naaayon sa posisyon ng Simbahan, na nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya: “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan … [at] turuan silang magmahalan at maglingkod sa isa’t isa, [at] sundin ang mga kautusan ng Diyos. … Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito.”9

Maaaring parang laban sa atin ang nananaig na opinyon, pero marami tayong suporta para patuloy na panindigan ang ating mga pananaw tungkol sa tradisyonal na kasal. Iilang mapagkukunan lamang ang aking tinukoy. Marami pang iba.

Kailangan nating tipunin ang lahat ng suportang makukuha natin para palakasin at protektahan ang ating pananampalataya, pamilya, at kalayaan. Ang ilang tao ay aktibong nagsisikap na alisan tayo ng mga karapatang ito. Isang balita ang nagreport na milyun-milyong dolyar ang naibuhos sa pagpapawalang-bisa sa mga proteksyon sa kalayaang pangrelihiyon sa Estados Unidos.10

Sa ganitong klaseng mga banta, naniniwala ako na napakaganda ng sinabi ng kasamahan kong si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kahit hangad nating magpakumbaba at umiwas na makipagtalo, hindi natin dapat ikompromiso o pag-alinlanganan ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin. Dapat patuloy nating panindigan ang ating mga pinaniniwalaan o mga pinahahalagahan.”11

Kung tapat ang mga kumakalaban sa atin sa kanilang katapatan sa kahalagahan ng pagkakaiba-iba at pagkakapantay-pantay, dapat tayong magtulungang makasumpong ng pakikisimpatiya at kapayapaan. Kapag ipinilit ng isang tao ang kanyang mga paniniwala sa iba, tulad ng nangyari sa mga batang binasahan ng materyal na salungat sa nais ng kanilang mga magulang, nababawasan ang pagkakaiba-iba at nawawala sa ayos ang mga sukatan ng pagkakapantay-pantay. Sa pakikipagkasundo at pagpapaabot ng pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos, na ating mga kapatid, makalilikha tayo ng payapang pagsasama ng iba’t ibang mga pamantayan at paniniwala.

Larawan
family walking and holding hands

Mga Tuntuning Gumagabay sa Pagmamahal sa Isa’t Isa

Ngayong nailarawan ko na ang kahalagahan ng tradisyonal na kasal at na kailangan nating ipagtanggol ang ating mga karapatan, hayaan ninyong ipaliwanag ko kung bakit tayo dapat makisama sa mga taong hindi natin kasundo. Iniutos ni Jesucristo:

“Ngunit masdan sinasabi ko sa inyo, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo;

“Upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:44–45).

Tulad ng hindi natin iniiwasan at nararapat iwasan ang mga miyembro ng pamilya na hindi natin kasundo, hindi natin maaari at nararapat na iwasan ang mga taong naiiba sa atin ang itsura o iniisip o ikinikilos. Ipinapakita natin ang ating pinakamabuting pagkatao kapag nagpapakita tayo ng pagmamahal at kabaitan sa lahat ng mga anak ng Diyos. Ipinapakita natin ang ating pagkadisipulo kapag tumatanggi tayong magtaas ng boses, kapag tumatanggi tayong mang-insulto, at kapag pumapasok tayo sa liwasang-bayan na naghahanap ng magagandang resulta sa pamamagitan ng pag-unawa at paggalang sa isa’t isa.

Kamakailan ay sinuportahan ng Simbahan ang pagsasabatas na nagbalanse sa mga alalahanin ng komunidad ng LGBT sa mga alalahanin ng mga sumusunod sa mga tuntunin ng tradisyonal na relihiyon. Pinoprotektahan ng pagsasabatas ang mga LGBT mula sa pagkatanggal sa trabaho o hindi paupahin ng bahay dahil sa kanilang kasarian o pagkatao. Kasabay nito, protektado ng matatag na pagsasabatas na ito ang konsiyensya ukol sa relihiyon at ang karapatang ipamuhay nang lubusan ang mga paniniwala sa relihiyon.12

Hindi nakamit ng sinuman sa mga partido ang lahat ng gusto nila, ngunit nabawasan ng pakikipagtulungan natin sa komunidad ng LGBT at sa Utah Legislature ang hindi pagkakasundo sa ating mga komunidad nang hindi ikinokompromiso ang mahahalagang tuntunin.13 Maaari nating mahalin ang isa’t isa nang hindi ikinokompromiso ang personal na mga banal na pamantayan. At makapagsasalita tayo tungkol sa mga pamantayang iyon nang hindi binabalewala ang iba.

Si Jesucristo ang pinakadakilang halimbawa ng pagmamahal sa iba. Ilang oras lamang bago Niya sinimulan ang masakit na proseso ng pagbabayad para sa mga kasalanan ng bawat isa sa atin, nakipagkita Siya sa Kanyang mga Apostol upang makibahagi sa Pista ng Paskua—ang Kanyang Huling Hapunan—at para ibigay sa kanila ang huling mga tagubilin na ibibigay Niya sa buhay na ito. Kasama sa Kanyang mga turo ang nagbibigay-inspirasyon at nagpapabago ng buhay na pahayag na “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa” (Juan 13:34).

Maaari tayong maging partikular at marubdob tungkol sa mga pakinabang ng pagpapakasal ng isang lalaki sa isang babae nang hindi winawalang-galang o sinasaktan ang mga tao na iba ang paniniwala. Anuman ang paniniwala o kaugalian, bilang magkakapatid dapat nating sikaping unawain ang isa’t isa. Alalahanin na sa huli, may asawa man o wala, bawat isa sa atin ay isang kakaibang bahagi ng dakilang plano ng Diyos.

Konklusyon

Si Propetang Joseph Smith at ang kapatid niyang si Hyrum ay pinaslang noong Hunyo 27, 1844, ng mga mandurumog habang sila ay nakabilanggo. Matapos silang paslangin, nagbanta ang mga mandurumog na uusigin at lilipulin ang mga miyembro ng Simbahan habang itinatayo nila ang Nauvoo Temple. Ngunit nagpatuloy sila kahit batid nila na kailangan nila itong iwanan. Bago sila naitaboy ng mga mandurumog, dumalo sila sa templo gabi’t araw para gumawa ng mga sagradong pangako na magbubuklod sa kanila nang walang hanggan bilang mga pamilya.14

Sa paglalakbay patungong Salt Lake Valley, malaki ang naging kapalit ng pagdurusa at kasalatan ng mga kanunu-nunuan ko kapwa sa panig ng aking ina at ng aking ama. Pinaghiwalay ng kamatayan ang mga pamilyang pioneer, at sa kabila ng paglilibing sa mga anak, asawa, magulang, lolo’t lola, at kaibigan habang naglalakbay sila sa tigang na lupa pakanluran, nagpatuloy sila.

Pinatapang sila ng kanilang pananampalataya sa banal na planong dinisenyo ng mga Magulang sa Langit na nagmamahal sa atin sa gitna ng matitinding hamon. Naghanap sila ng isang lugar kung saan maituturo nila sa kanilang pamilya, nang walang nang-uusig, na mahalin ang Diyos at paglingkuran Siya. Nagpapasalamat ako sa kanila sa pangunguna sa daan.

Ang doktrina at teolohiya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay talagang nagsisimula at nagtatapos sa pamilya. Inuulit ko ang una kong sinabi: naniniwala kami na nabuhay tayo bago tayo isinilang sa mundong ito bilang mga miyembro ng espirituwal at premortal na mag-anak ng Diyos; at na bilang mga anak ng mga Magulang sa Langit, dapat tayong maghandang bumalik habang narito tayo sa lupa upang tanggapin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos.

Ang kaalamang ito ay maghahanda sa bawat isa sa atin para sa araw na iyon kapag tayo ay namatay at saka natin tiyak na malalaman, pagbalik natin sa banal na presensya ng Diyos, ang tunay na layunin ng Kanyang plano para sa atin. Kaya nga, ayon sa nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, “Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan.”15

Mga Tala

  1. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  2. “Sa Langit Ako’y Nanirahan,” Liahona, Dis. 2010.

  3. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 53.

  4. “Pope Francis’s Homily at the Family Synod’s Opening Mass,” Catholic Herald, Okt. 4, 2015, catholicherald.co.uk.

  5. “Basic Beliefs: Family,” Southern Baptists Convention, sbc.net/aboutus/basicbeliefs.asp.

  6. Obergefell et al. v. Hodges, 576 U.S. (2015), supremecourt.gov.

  7. Tingnan sa “Teacher, School Sued over Gay Fairy Tale,” NPR, Abr. 27, 2006, npr.org.

  8. “International Covenant on Civil and Political Rights,” Article 18, United Nations Human Rights, ohchr.org.

  9. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 129.

  10. Tingnan sa Kevin Jones, “LGBT Grant-maker Wants to Win Religious Liberty Fight within Three Years,” Catholic News Agency, Hulyo 29, 2015, catholicnewsagency.com.

  11. Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Liahona, Nob. 2014, 26.

  12. Tingnan sa Dennis Romboy, “LDS Church, LGBT Advocates Back Anti-Discrimination, Religious Rights Bill,” Deseret News, Mar. 4, 2015.

  13. Tingnan sa “Utah Lawmakers Introduce Bill Balancing Religious Freedom and Nondiscrimination Protections,” Mar. 4, 2015, .

  14. Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, 2nd ed. (Church Educational System Manual, 2003), 302–04.

  15. “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” 129.

Print