2018
2018-mutual-theme-peace-in-christ
January 2018


Tema ng Mutwal para sa 2018

Kapayapaan kay Cristo

Anuman ang inyong sitwasyon, lagi kayong makasusumpong ng kapayapaan kay Jesucristo.

Sa isang mundong puno ng kaguluhan, paligsahan ng mga mithiin, mga tukso, at nakalilitong mga pilosopiya, hindi laging madaling makasumpong ng kapayapaan. Ngunit ang pangako ng Tagapagligtas na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 19:23 (ang tema ng Mutwal para sa 2018) ay naglalaan ng isang landas tungo sa kapayapaan: “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”

Bilang Young Women at Young Men General Presidencies, pinatototohanan namin na iyan ay totoo. Nakita namin ito sa sarili naming buhay, at kung tutularan ninyo ito, tutuparin din ng Diyos ang Kanyang pangako na magkakaroon kayo ng kapayapaan sa buhay.

Maaaring nababalisa at nag-aalala ang marami sa inyo tungkol sa inyong kinabukasan. Nag-iisip ang marami sa inyo tungkol sa inyong mga hitsura, kakayahan, at potensyal. Ngunit anuman ang inyong sitwasyon, makasusumpong kayo ng kapayapaan. Hindi ibig sabihin niyan na agad maglalaho ang lahat ng tanong o pag-aalala, kundi madarama ninyo ang payapang katiyakan na magiging maayos ang lahat. Ang pinakamahalaga, madarama ninyo ang pagmamahal ni Jesucristo para sa inyo mismo, at maghahatid iyan ng malaking kapayapaan.

Pag-usapan natin ang bawat bahagi ng talatang ito.

Matuto Ka sa Akin

Ang pagkakilala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay mahalagang bahagi ng inyong paglalakbay sa buhay. Sabi ng Panginoon, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo” (Juan 17:3). Kapag nakilala pa ninyo nang husto si Cristo, mauunawaan ninyo kung gaano Siya kabuti, katalino, kabait, at kung gaano Siya magmahal. Ang inyong pananampalataya sa Kanya ay lalago, at magkakaroon kayo ng mas malaking hangaring sundin Siya at ang Ama sa Langit.

Makinig sa Aking mga Salita

Nangungusap sa atin si Jesucristo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, mga buhay na propeta, at Espiritu Santo. Kailangan tayong magpakabusog, magnilay-nilay, at mamuhay ayon sa mga salitang ito. Sa pag-aaral ninyo ng mga salita ng Tagapagligtas, magtuon sa Aklat ni Mormon dahil ito “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon,” pagtuturo ni Joseph Smith, “at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”1 Ang matinding paanyaya ni Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2017 na basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw ay makakatulong para mapakinggan at maunawaan natin ang mga salita ni Cristo.2

Lumakad sa Kaamuan ng Aking Espiritu

Sinisimulan lamang tayong baguhin ng pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas kapag handa tayong sundin ang mga ito. Kailangan dito ang ating kaamuan. Kailangan nating talikuran ang ating sariling landas at sundan ang Kanyang mga yapak. Kung minsa’y iniisip natin na mas mabuti ang ating landas. Ngunit kapag tayo ay maamo at sumusunod sa Kanya saanman Niya tayo akayin, lagi tayong tatahak sa pinakamabuting landas.

Ikaw ay Magkakaroon ng Kapayapaan sa Akin

Ito ang dakilang pangako: kung gagawin ninyo ang tatlong bagay na ito—matuto, makinig, at lumakad na kasama ng Tagapagligtas—magkakaroon kayo ng kapayapaan sa buhay. Magkakaroon kayo ng katiyakan na ang Diyos ay nasa inyong tabi at babantayan kayo, sa kabila ng anumang mga takot, kawalang-katiyakan, o kahinaan ninyo. Maaari kayong magkaroon ng tiwala—hindi lamang sa inyong sarili kundi maging kay Jesucristo at sa Kanyang pagmamahal at kapangyarihan.

Inaanyayahan namin ang lahat ng kabataan ng Simbahan na isaulo ang talatang ito. Gamitin ito bilang gabay sa inyong buhay. Kapag pinalibutan kayo ng mga abu-abo ng kadiliman at tila napakalawak nito, maaalala ninyo ang talatang ito, matutularan ninyo ito, at maiaangkla ninyo ang inyong sarili sa sigurado at tiyak na pundasyon ni Jesucristo.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 74.

  2. Tingnan sa Thomas S. Monson, “Ang Kapangyarihan ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2017, 86.