2018
Doktrina at mga Tipan 19:23
January 2018


Taludtod sa Taludtod

Doktrina at mga Tipan 19:23

Inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang ilang mga susi sa pagtanggap ng kapayapaan kay Jesucristo.

Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.

Matuto ka sa akin

Pangulong Thomas S. Monson

Alam natin na itong ‘guro na nagbuhat sa Diyos’ [Juan 3:2] ay hindi lamang isang guro. Siya na nagturo sa atin na mahalin ang ating Panginoong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong isipan, at mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili, ang Dalubhasang Guro at Uliran ng sakdal na buhay. …

“Kapag tumutugon tayo sa magiliw na paanyaya ng Panginoon, na ‘Mag-aral kayo sa akin,’ nagiging kabahagi tayo ng Kanyang banal na kapangyarihan.”

Pangulong Thomas S. Monson, “Mag-aral Kayo sa Akin,” Liahona, Mar. 2016, 4, 6.

Makinig sa aking mga salita

Ang pakikinig ay mahalaga sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. “Ang [pananampalataya’y] nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Mga Taga Roma 10:17).

“Ang mga anak ng Diyos ay dapat matutong makinig, at pagkatapos ay makinig upang matuto mula sa Panginoon” (Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Listen to Learn,” Ensign, Mayo 1991, 24).

Lumakad

Ang pagkatuto at pakikinig ay kailangan upang tunay na masunod si Jesucristo. Ngunit ang mga iyon ay hindi pa sapat. Kailangan din tayong lumakad, o kumilos, alinsunod sa natututuhan at naririnig natin.

“Laging ito ang tamang panahong mamuhay sa Kanyang landas. Hindi pa huli ang lahat” (Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2009, 77).

Kaamuan

Kasama sa pagiging maamo ang pagiging “matiyaga sa pagdurusa” (Guide to the Scriptures, “Meek, Meekness,” scriptures.lds.org). Kung buong kaamuan nating titiisin ang ating mga pagsubok nang hindi nagkakaroon ng sama-ng-loob sa Diyos, hindi lamang tayo magbabalik-loob, kundi pagagalingin din Niya tayo (tingnan sa D at T 112:13).

Aking Espiritu

Ang kaamuan ay nagdadala ng “pagdalaw ng Espiritu Santo” (Moroni 8:26) at ito ay “bunga ng Espiritu” (tingnan sa Mga Taga Galacia 5:22–23).

Kapayapaan sa akin

Elder Quentin L. Cook

“Ang kapayapaan ay hindi matatagpuan sa pagkakamit ng malaking kayamanan, kapangyarihan o katanyagan. Ang kapayapaan ay hindi matatagpuan sa mga kasiyahan, paglilibang, o pagliliwaliw. Wala sa mga ito, natamo man ito nang sagana, ang makapagdudulot ng walang hanggang kaligayahan o kapayapaan.

“… Ang Tagapagligtas … [ang] siyang pinagmumulan at Diyos ng kapayapaan. Siya ang ‘Prinsipe ng Kapayapaan’ [Isaias 9:6].”

Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2013, 34.