2018
3 Ideyang Magagamit sa Family Home Evening Para Ma-recharge ang Inyong Mga Espirituwal na Baterya
January 2018


3 Ideyang Magagamit sa Family Home Evening Para Ma-recharge ang Inyong Mga Espirituwal na Baterya

isang ama na tinuturuan ang mga anak

Kailangan nating lahat na i-recharge ang ating mga espirituwal na baterya araw-araw. Nagsulat si Elder W. Mark Bassett ng Pitumpu tungkol sa pangangailangang ito sa “Tumingin at Mabuhay” (Liahona, Ene. 2018). Ang mga ideyang ito na batay sa kanyang mensahe ay maaaring iangkop ng mga pamilyang may mga bata anuman ang edad para gamitin sa family home evening.

  1. Katulad ng mga anak ni Israel, kailangan din nating mag-ipon ng “espirituwal na manna” araw-araw—magdasal, mag-aral ng mga banal na kasulatan, sundin ang mga kautusan, at paglingkuran ang iba upang mapanatili natin ang Espiritu. Humanap ng isang bagay na maaari ninyong gamitin bilang “manna” (mga butones, laruan, bolang gawa sa papel, atbp.) at ikalat ito sa sahig. Hayaang ipunin ng mga bata ang manna at ilagay ito sa isang mangkok. (Para gawing masa mahirap ang laro, maaari ninyong itago ang manna.) Sa tuwing maglalagay sila ng isang piraso ng manna sa mangkok, maaari silang magbigay ng halimbawa ng isang gawain na nakakapagpalakas ng espirituwalidad. Maaari ninyong basahin ang Exodo 16:19–21 at magkaroon ng isang talakayan. Bakit mahalaga para sa mga Israelita na mag-ipon ng manna araw-araw? At bakit mahalaga ito para sa atin?

  2. Katulad ng baterya ng kotse na kinailangang i-recharge palagi sa kuwento ni Elder Basset, kailangan din nating ma-recharge sa espirituwal. Humanap ng isang wind-up na laruan o trumpo—isang bagay na kailangang susian o paikutin para gumana. Paikutin o susian ang laruan nang ilang beses. Paano ito nauugnay sa pagpapagana ng ating espirituwalidad? Ano ang nangyayari kapag itinitigil nating paikutin ang trumpo? Katulad nito, ano ang nangyayari kapag itinitigil natin ang pagdarasal o ang pagsisimba? Maaari ninyong tukuyin ang “Espirituwal na Manna” na bahagi ng mensahe ni Elder Bassett.

  3. Kung ang ating mga “espirituwal na baterya” ay nai-charge at malakas, maaari nating maging kasama sa tuwina ang Banal na Espiritu. Bago ang family home evening, gumawa ng dalawang listahan ng mga gawain: (1) mga bagay na nakakaubos ng ating mga espirituwal na baterya (katulad ng pagsisinungaling, pagiging masama sa kapatid, hindi pag-aaral ng mga banal na nakasulatan) at (2) mga bagay na nakakapag-charge sa mga ito (katulad ng pagbabayad ng ikapu, pagbibisita sa maysakit, pakikibahagi sa sakramento). Basahin nang malakas ang bawat aytem. Hilinging pumunta ang mga bata sa kaliwang bahagi ng silid kung ang gawain ay nakakaubos ng ating mga espirituwal na baterya at sa kanan kung ito ay nakakapag-charge sa kanila. Hikayatin silang piliin ang tama.