2019
Pagdaig sa Kawalan ng Pag-asa
Hulyo 2019


Pagdaig sa Kawalan ng Pag-asa

Lahat ay nawawalan ng pag-asa, ngunit ang pangmatagalang pag-aalala tungkol sa pagkabigo ay hindi lamang nakakahadlang sa iyong pag-unlad kundi nakakasama rin sa iyong kalusugan sa pangkaisipan.

Maling pananaw #1: Ipinanganak tayong lahat na maging masaya.

Maling pananaw #2: Kailanman ay hindi natin makukuha kung ano ang kailangan natin upang maging masaya, kaya bakit pa kailangang subukan?

Ang resulta ng dalawang maling pananaw na ito ay kawalang pag-asa—ang nararamdaman natin kapag hindi natin nagagawa ang inaasahan natin sa ating mga sarili, o kapag wala na tayong inaasahan at tinatanggap na lamang natin ang ating kasalukuyang kalagayan. Karaniwang nauuna ang pagkabigo sa kawalang pag-asa, kung nararamdaman natin na itinadhana tayong mabigo palagi, na hindi natin kayang gawin ang inaasahan natin sa ating mga sarili o ang inaasahan ng iba sa atin, o na ginawa na natin ang lahat ng ating makakaya ngunit hindi pa rin nangyayari ang ninanais natin.

Ngunit bahagi ng buhay ang kawalang pag-asa, at maaari itong maging kapaki-pakinabang kung alam natin kung paano ito dadaigin. Kaya narito ang 10 payo kung paano gagawing pag-unlad ang kawalang pag-asa:

  1. Tanggapin ang kabiguan at panagutan ang iyong bahagi rito. Oo, may mga pagkakataong hindi nangyayari ang mga bagay na inaasahan natin, ngunit kadalasan, may maaari tayong gawing kakaiba tungkol dito. Hangaring matuto mula sa iyong mga kabiguan.

  2. Ipagdasal ito. Magdasal, hindi lamang upang maging maayos ang lahat para maging masaya ka ulit, kundi upang maintindihan mo, mahanap mo ang aral, at magkaroon ka ng positibong pananaw para makapagpatuloy ka sa buhay.

  3. Solusyunan ang mga problema. Ang pag-aalala ay hindi kapaki-pakinabang. Subukan mong ibaling ang iyong pag-iisip mula sa emosyonal na bahagi ng iyong utak papunta sa makatwirang bahagi—para makapangalap ka ng mga resource sa paggawa ng plano.

  4. Magdasal ulit. Kapag nakaisip ka na ng magandang plano na makakatulong sa iyo na madaig ang kawalang pag-asa, manalangin para sa kumpirmasyon na tama ang iyong plano. Tutulungan ka ng Panginoon na makabangon mula sa kabiguan na naging sanhi ng kawalan ng pag-asa.

  5. Gawin mo kung ano ang makakaya mo. Kung nawalan ka ng trabaho, maghanap ka ng bagong trabaho sa loob ng parehong oras na ginugugol mo noong nagtatrabaho ka pa. Kung relasyon ang problema, subukang ayusin ang hidwaan. Anuman ang dinadaig mo—lalo na kung kasalanan ang nagdudulot sa iyo na mawalan ng pag-asa—sikaping magbago at tuparin ang maliliit na mithiin.

  6. Huwag magmadali. Maging ang mga mithiin na bahagi ng iyong plano ay dapat maliliit at magdala sa iyo sa tamang direksyon.

  7. Humingi ng tulong sa mga taong sumusuporta sa iyo. Ang iyong mga kaibigan at pamilya ay magandang pagkunan ng lakas. Ipaalam sa kanila ang tungkol sa iyong kalagayan sa paraang hindi mapagmalabis o sobra. Pakikinggan at susuportahan ka ng mga tunay na kaibigan. Minsan, makakagawa ng malaking kaibhan kung may taong makikinig sa iyo.

  8. Humingi ng basbas ng priesthood. Walang hangganan ang bilang ng mga basbas ng priesthood na maaari mong matanggap. Kung kailangan mo nito, humingi ka.

  9. Magtiis nang may pagtitiyaga. Minsan, hindi kaagad natatapos ang mahihirap na sandali.

  10. Bilangin ang iyong mga pagpapala. Gumawa ng isang listahan ng mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Dagdagan ito araw-araw at unawain na sa huli, may kaligayahang naghihintay sa ating lahat.

Oo, mahirap ang buhay. Mahirap ito para sa ating lahat. Gayunman, lalago ang ating pananampalataya kung haharapin natin ang mga pagsubok sa isang positibong paraan. Mas mararamdaman natin ang pagmamahal ng Diyos para sa atin dahil umuunlad tayo, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya, at hinihiling natin ang Kanyang tulong.