Paano Ko Natutuhang Tumugon Kapag Inamin ng Isang Tao na May Problema Siya sa Pornograpiya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ilang buwan ko nang alam na mayroong nangyayari, pero sa sandaling ito lamang inamin nang hayagan sa akin ng aking kaibigan ang katotohanan: maraming taon na siyang may problema sa pornograpiya, halos sa buong panahon na nakilala ko siya.
Habang nakaupo sa kotse at nakikinig sa kanyang pagtatapat, nagpasalamat ako. Nawa’y maintindihan ninyo—napakasakit malaman na matagal na pala siyang nahihirapan sa problemang ito nang hindi ko alam—ngunit masaya ako na may sapat na akong pang-unawa ngayon para tumugon nang may pagmamahal sa halip na manghusga.
Ang Pagiging Masama ay Hindi Kailanman Makatwiran
Kung minsan, ang kaalaman na masama ang pornograpiya ay maaaring makaimpluwensya sa ating pananaw sa iba. Alam ko na minsan nang naimpluwensyahan ng kaalamang iyon ang aking pananaw. Noong mas bata pa ako, kapag nakakarinig ako ng mga bagay tungkol sa mga taong may problema sa pornograpiya, nakakaramdam ako ng galit at maging ng pagkasuklam. Ngunit nang ikuwento sa akin ng aking kaibigan ang tungkol sa kanyang mga problema, nagkaroon ako ng mas matinding pagkahabag upang panatagin siya dahil mas batid ko na ang aking sariling mga kasalanan at kahinaan sa pagdaan ng mga taon.
Alam ko na ngayon na ang pagiging masama ay hindi kailanman makatwiran. Minahal ni Jesucristo, na ating perpektong huwaran, ang mga taong hinahamak ng iba. Nakipag-usap siya sa mga Samaritano at sa mga makasalanan. Si Cristo, na “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (Doktrina at mga Tipan 1:31), ay nakatingin “sa atin, gayong hindi tayo perpekto, nang hindi nasisindak at namumuhi”1 Kaya habang kausap ko nang masinsinan ang aking kaibigan, sinikap kong isipin kung paano tutugon si Jesus. Ang kuwento tungkol sa babaeng nahuli sa pangangalunya ay nakatulong sa akin na malaman kung paano tutugon.
Pagtugon nang May Pagkahabag
Hindi gaanong mahabagin ang mga eskriba at Fariseo na sumusunod sa batas ni Moises sa panahon ng ministeryo ni Jesus. Noon ay mayroong partikular, kadalasan ay napakalupit, na mga kaparusahang nakatalaga para sa mga kasalanan, at ang pangangalunya ay nangangailangan ng pagpukol ng bato hanggang sa mamatay ang maysala. Ngunit nang dalhin kay Jesus ang babaeng nangalunya, hindi Siya nasuklam—nagpakita Siya ng habag sa babae. Sa halip na batiin ang mga nagparatang dahil sa paghuli sa akto sa isang tao, ipinaalala Niya sa mga nagparatang ang kanilang sariling mga kasalanan (tingnan sa Juan 8:3–7). Sa katunayan, tayong “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Mga Taga Roma 3:23). Hindi kinondena ni Cristo ang taong nagkasala, at talagang hindi rin natin sila dapat ikondena (tingnan sa Juan 13:34–35).
Nang umalis ang mga nagparatang, na nadaig ng kanilang konsiyensya, kinausap ni Cristo ang babae. Kaunti lang ang Kanyang sinabi ngunit malalim ang kahulugan nito. Una Niyang itinanong, “Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?” At nang sumagot ang babae na wala na ang mga nagparatang, sinabi lamang Niya, “Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:10–11).
Hindi makakatulong ang pagkondena upang magbago ang babaeng ito, ngunit alam ng Tagapagligtas na makakatulong ang pagmamahal.
Humayo, at Huwag nang Magkasala
Pagmamahal ang siyang unang hakbang sa pagtulong sa isang tao na madaig ang pornograpiya. Ang proseso ng paggaling ay palaging natatangi gaya ng indibiduwal, ngunit may ilang pangunahing hakbang na kailangang gawin ng bawat taong may problema sa pornograpiya. Hikayatin silang makipagkita sa kanilang bishop; mayroon itong mga mapagkukunan at kagamitan na makakatulong. Kapag angkop, tulungan silang tukuyin ang mga bagay na nag-uudyok sa kanila na gumamit ng pornograpiya at gumawa ng plano na makakatulong sa kanila na iwasan ang mga ito. Hikayatin silang makipagkita sa isang propesyonal o sumali sa isang support group. At patuloy silang mahalin at tulungan sa buong proseso.
Nagpakita si Cristo ng pagmamahal sa babae at tiniyak Niya na alam ng babae na ayaw Niyang magpatuloy ito sa mga kasalanan nito. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi nangangahulugan na binabalewala natin ang mga pagkakamali ng iba; sa halip, ito ay nagiging dahilan para mapagtanto natin ang kanilang potensiyal at naghihikayat sa atin na tulungan silang sumulong.
Isang Paglalakbay ng Pananampalataya
Mahal ko na noon ang aking kaibigan, ngunit mas lalo ko pa siyang minahal matapos niyang ipagtapat ang kanyang lihim. Anuman ang nagawa mo o ng isang taong mahal mo, “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”2
Kung may kilala kang may problema sa pornograpiya, huwag siyang sukuan! Tumulong nang may pagmamahal at pagkahabag tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Hindi ito palaging magiging madali; ang mga problemang ito ay hindi kaagad nawawala. Maging matiyaga sa iyong mahal sa buhay at sa iyong sarili. Ang matutuhang mahalin at unawain ang isang taong may gayong kahirap na pinagdaraanan ay hindi palaging kanais-nais o madali. Ngunit nagtitiwala ako na ang lahat ng pagmamahal na ibinibigay natin ay hindi masasayang, anuman ang haba o bunga ng paglalakbay ng ating mahal sa buhay.