Pagdedeyt at Pornograpiya
Tulong at pag-asa kung paano pag-uusapan ang pornograpiya sa pagdedeyt.
Bilang mga young adult, alam nating lahat na ang pagdedeyt ay maaaring maging kapana-panabik, nakakatakot, masaya, at napakahirap o maaaring sama-sama ng mga ito. Kapag nagsimula tayong magtapat sa isa’t isa, hangad nating makilala pa ang isa’t isa, at mahalaga na lalo pa tayong maging tapat sa isa’t isa sa pagbuo at paglalim ng relasyon. Ano ang ating mga pangarap, pangamba, at paniniwala? Ano ang damdamin natin tungkol sa kasal at pamilya? Anong mga hamon o problema ang naranasan natin noon o ngayon na dapat nating sabihin sa isa’t isa?
Nakakatakot man na pag-usapan (o magtanong) tungkol sa mga problema sa pornograpiya, ang hindi pag-uusap ng tungkol dito ay maaaring humantong sa nakapipinsalang mga problema kalaunan. Ang problema ng bawat indibiduwal sa pornograpiya ay magkakaiba at mahirap, at maaaring hindi alam ng taong iyon kung dapat nga ba itong pag-usapan o kung paano mo ito babanggitin sa taong idinideyt mo, kaya mahalaga na hingin ang patnubay ng Espiritu. Walang isang solusyon para sa bawat sitwasyon, ngunit sa artikulong ito, magbibigay kami ng ilang mungkahi para sa inyo na maaaring pinag-iisipan ito:
-
Paano ko sisimulang banggitin ang paksang pornograpiya sa taong idinedeyt ko? At kailan angkop na magtanong/magsabi?
-
Paano ko malalaman kung dapat kong ipagpatuloy ang pakikipagdeyt sa taong gumamit o gumagamit ng pornograpiya?
-
Paano kami magtutulungan para maiwaksi ang pornograpiya?
Para sa mga Taong Nagkaroon ng Problema o May Problema sa Pornograpiya
Kung nagkaproblema ka noon o may problema ka ngayon sa pornograpiya, ang pagdedeyt ay maaaring magpadama sa iyo ng kawalang pag-asa o pagkabalisa. Ngunit kung tapat ang hangarin mong iwaksi ang pornograpiya sa iyong buhay (o naiwaksi mo na ito), dapat mong malaman na dahil sa sarili mong pagsisikap at tulong ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, posible ang isang masaya, at walang hanggang relasyon para sa inyo. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong kapag nais mong makipagrelasyon.
1. Talaga Bang Kailangan Naming Pag-usapan ang Tungkol Dito?
Ang karaniwang tanong ay, “Talaga bang kailangan kong sabihin sa taong idinedeyt ko na gumamit ako ng pornograpiya, kahit pinagsisihan ko na ito?” O “Kailangan ko bang sabihin na may mga problema ako ngayon sa pornograpiya sa taong idinedeyt ko?” Karaniwan, kinakailangan talaga itong pag-usapan—sa tamang panahon at sa maingat na paraan. Kapag pinag-usapan ninyo ito, isaisip ang ilang mahahalagang alituntunin:
-
Tamang panahon—Ang pag-uusap na ito ay dapat mangyari kapag nagiging seryoso na ang relasyon.
-
Katapatan—Ang relasyon ay dapat nakabatay sa tiwala at katapatan. Bagama’t maaaring ipasiya ng kadeyt mo na tapusin ang pakikipagdeyt sa iyo, kailangan nilang maunawaan kung ano talaga ang problema, ang ginagawa mo sa kasalukuyan para maiwaksi ito, at ang plano mong gawin kung sakaling makaharap mo itong muli balang-araw.
-
Pagpapatawad—Ang pagiging tapat tungkol sa paggamit mo ng pornograpiya sa taong idinedeyt mo ay hindi nangangahulugang idedetalye mo ang tungkol dito. Kung pinagsisihan mo na ito at nadamang ikaw ay pinatawad na, hindi ka na kailangang makonsensya. Hindi na naaalala ng Panginoon ang ating mga kasalanan kapag pinagsisihan na natin ang mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42), kaya ang pag-uusapan ninyo ay hindi na gaanong tungkol sa “pagtatapat” kundi mas marami ang tungkol sa pagtitiwala, pagbabahagi ng inyong mga plano para sa patuloy na paggaling, at pagtatamo ng kanilang suporta.
-
Paggaling—Kahit nagsisi ka na ka, ang matagal o napakadalas na paggamit ng pornograpiya ay maaaring magdulot ng matagalang epekto sa biolohikal, sikolohikal, sosyal, at espirituwal na aspeto ng buhay. Ang paggaling ay maaaring mahirap at matagal, ngunit ang lubos at tunay na paggaling ay posible. Sa prosesong iyan, mangangailangan ka ng angkop na tulong at suporta, dapat kasama rito ang iyong mapapangasawa.
2. Handa na ba Ako para sa Isang Seryosong Relasyon?
Ang isa sa mga pinakamalaking pagkakaiba ng isang taong handa na para sa isang seryosong relasyon at ng isang taong hindi pa handa ay ang pagnanais nila na maging tapat sa idinedeyt nila. Kung may problema ka sa pornograpiya, maaari mong hayaang manaig ang takot na mauuwi sa hindi pagtitiwala sa iyo o manampalataya para maharap nang magkasama ang problemang ito.
Bagama’t maaaring hindi komportable at nakakatakot sabihin ang tungkol sa paggamit mo ng pornograpiya, ang hindi pagsasabi nito ay maaaring magpatindi ng iyong takot at hiya. Ang takot na mawala sa iyo ang taong iyon ay maaari ring mag-udyok sa iyo na ikaila o hindi sabihin ang buong pangyayari, na sisira sa tiwala at relasyon kalaunan.
Sa kabilang banda, kapag iginagalang mo ang kalayaang pumili ng kadeyt mo, igagalang mo ang kanilang pasiya na ituloy ang relasyon na nalalaman ang positibo at ang negatibo. Maaaring takot ka pa rin sa mangyayari, ngunit mahalagang maunawaan na, sa lahat ng impormasyong ibinigay mo, matutulungan ka rin ng taong iyon sa iyong pagsisikap at hangaring iwaksi ang pornograpiya sa iyong buhay. Matuloy man o hindi ang inyong relasyon, sa tulong ng Diyos, makapagpapatuloy ka sa landas ng paggaling.
Para sa mga Nakikipagdeyt sa Taong may Problema sa Pornograpiya
Dahil ang karaniwang edad ng unang pagkalantad sa pornograpiya ay mga edad 11 at napakadali nitong ma-access, karamihan sa mga kabataan ay nalantad na sa pornograpiya sa ilang paraan pagsapit ng edad 18. Maaaring pag-usapan ito sa pagdedeyt. Ngunit ang pagkalantad ay hindi kapareho ng adiksyon, at may iba’t ibang antas ng pagkasangkot sa pornograpiya (tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 50–55). Ang magandang balita ay nagpapalakas at nagpapagaling ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa lahat ng tao na naghahangad nito. Narito ang ilang mga tanong na pag-iisipan habang nagiging seryoso ang relasyon ninyo.
1. Kailan at Paano Ako Magtatanong Tungkol sa Pornograpiya?
Ang pasiya kung kailan at paano ito babanggitin sa kadeyt mo ay isang bagay na maaari mong talakayin sa iyong mga magulang, nakatatandang kapatid, lider ng Simbahan, o sinumang pinagkakatiwalaan mo na magbibigay ng mabuting payo. Maghanap ng paraan na sa pakiramdam mo ay tama para sa iyo at pagkatapos ay simulan ang pag-uusap sa angkop na panahon, kapag nagkakaintindihan na kayo o nagiging mas seryoso ang inyong relasyon.
Hindi ibig sabihin niyan na kailangan mong magtanong sa unang pagdedeyt ninyo tungkol sa kanilang nakaraan, ngunit habang lumalalim ang inyongrelasyon, maaari mong hingin ang inspirasyon ng Espiritu na tulungan ka na malaman kung paano at kailan magtatanong tungkol sa paggamit nila ng pornograpiya.
2. Paano Ako Dapat Tumugon?
Kapag ikaw at ang iyong idinedeyt ay nagsimula nang magtapat sa isa’t isa, magdudulot ito ng paggaling. Mahalagang alam mo ang iisipin at madarama mo kapag ipinagtapat ang paggamit ng pornograpiya—maaaring dahil dito ay manumbat ka, magalit, masindak, o madamang ikaw ay niloko. Ngunit maaari ring ang pagtatapat nila ay magpatindi ng tiwala, habag, pagmamahal, at pagdamay ninyo sa isa’t isa. Isaalang-alang ang kanilang damdamin at ang iyong damdamin sa pagtugon mo.
3. Paano Ako Magpapatuloy sa Buhay?
Ang malaman na may problema sa pornograpiya ang iyong idinedeyt ay dapat mong ikabahala, pero huwag sirain ang tiwala nila sa iyo sa pagsasabi nito sa ibang tao. Ang pagsasabi sa bishop o therapist, o, nang may pahintulot ng taong idinedeyt mo, sa isang kaibigan o mapagkakatiwalaang lider ay makatutulong din.
Sa pagpapasiya kung ipagpapatuloy o hindi ang relasyon, dapat palagi mong hingin ang patnubay ng Espiritu. Gayunman ang mga sumusunod na mungkahi ay maaari ring makatulong:
-
Itanong sa kanila kung gaano nakaapekto ang pornograpiya sa kanilang buhay at nasaan na sila sa proseso ng paggaling. Kinakailangan nilang ipakita ang kanilang hangaring iwaksi ang pornograpiya sa kanilang buhay sa pamamagitan ng paggawa at pagkilos nang angkop.
-
Alamin na ang ilang uri ng paggamit ng pornograpiya (halimbawa, child pornography) ay malinaw na indikasyon na kinakailangan ng tao ang tulong ng propesyonal at na mapanganib ito.
-
Unawain na ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay totoo. Maaari kang magpatawad, at maaari silang mapagaling.
-
Maging determinado na wala kang iba pang hangad kundi ang lubos na katapatan sa inyong relasyon at pagiging karapat-dapat na makasal sa templo.
-
Unawain na ang paggaling ay nangangailangan ng mahabang panahon. Maaaring maulit ang paggamit ng pornograpiya, at yaong nagsisikap na mapagaling ay nangangailangan ng suporta. Kabilang dito ang pag-alam sa mga bagay na nag-uudyok sa kanila (na gumamit ng pornograpiya) at ang pagsuporta o pagtulong na maitatag ang angkop na pananggalang.
-
Kung nagiging seryoso ang inyong relasyon na hahantong sa pagpapakasal, tiyakin na kapwa kayo sumasang-ayon na masama ang pornograpiya at hindi makabubuti sa seksuwal na relasyon ng mag-asawa.
Ang pinakamahalagang bahagi sa pagpapatuloy ng buhay ay pagtitiwala sa ipinagagawa sa inyo ng Espiritu Santo, na maaaring anumang bagay mula sa pagpapatuloy ng relasyon na may pag-unawang ang paggamit ng pornograpiya ay dapat tumigil na sa pagtapos ng relasyon ngunit patuloy na sumuporta sa pagsisikap nila na magbago. Anuman ang pasiya mo, dapat maunawaan ng taong idinedeyt mo na mababago lamang ang mga bagay-bagay batay sa ginagawa o hindi nila ginagawa para maiwaksi ang pornograpiya.
Pagtutulungan para Maiwaksi ang Pornograpiya
Mahabang panahon at matinding pagsisikap ang kailangan para maiwaksi ang pormograpiya, ngunit posible ito. At sa huli, ang pagtutulungan para maiwaksi ito ay magpapatibay sa inyong relasyon kapag kapwa ninyo malalim na naunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at natutuhang suportahan ang isa’t isa sa nararanasang paghihirap. Pag-isipan ang sumusunod habang nagtutulungan kayong maiwaksi ito:
-
Ang web page ng Simbahan na overcomingpornography.ChurchofJesusChrist.org ay nagbibigay ng maraming resources (kabilang ang impormasyon tungkol sa programa ng Simbahan na paggaling sa adiksyon) na makatutulong sa inyo na pag-aralan ang prosesong ito sa paggaling.
-
Pag-isipan ang lugar at panahon para pag-usapan ang pornograpiya para hindi ito maging pokus ng inyong relasyon. Kapag pinag-usapan ninyo ito, huwag hamakin o hiyain ang tao. Dapat madama sa relasyon ninyo na minamahal at sinusuportahan ninyo ang isa’t isa, hindi nagsisiyasat o nanghahamak.
-
Ang mga espirituwal na gawain ay makatutulong para hindi matukso. Hikayatin ang isa’t isa na panatilihin at pag-ibayuhin ang mga regular na gawaing espirituwal—kabilang ang makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagsamba sa templo (kung posible), paggalang sa araw ng Sabbath, paglilingkod sa kapwa, palagiang pag-aayuno, taimtim na pagdarasal—na may matinding hangaring patibayin ang ugnayan ninyo sa Tagapagligtas at Ama sa Langit. Makakatulong ang ugnayang iyan para mapahina ang impluwensya ng pornograpiya sa inyong buhay. Ang pagiging disipulo ay habambuhay na mithiin, at ang lakas na nakukuha natin bilang mga tagasunod ni Cristo ay tutulong sa atin para madaig ang lahat ng hamon sa buhay, hindi lamang pornograpiya.
-
Kung ang sarili mong pagsisikap ay hindi nagtatagumpay, huwag matakot o mahiya na hingin ang tulong ng isang mahusay na propesyonal sa kalusugang pangkaisipan sa aspetong seksuwal na adiksyon. Makatutulong sila para marami pa kayong malaman kung paano gagamutin ang problema sa pornograpiya at malutas ang mga sanhi nito.
-
Tandaan na napaliligiran tayo ng hindi angkop na media na tumutukso sa atin na magkasala. Kung gumamit muli ng pornograpiya ang idinedeyt mo, ang kaagad na pagbabalik nila sa landas ng pag-unlad ay magandang indikasyon na determinado sila na iwaksi ang pornograpiya sa kanilang buhay. Ngunit kung nagsisimula kang makadama na mas nagaganyak ka na makakita ng pagbabago kaysa makita sila, dapat mo nang pag-isipan kung ipagpapatuloy pa ang inyong pagdedeyt.
-
Maaaring napakalakas ng iyong impluwensya sa taong idinedeyt mo, ngunit hindi ito ang dapat na pangunahing dahilan para magbago sila ng pag-uugali. Ang hangarin nilang magbago ay dapat manggaling sa kanila, at hindi sa iyo.
Higit sa lahat, hingin ang patnubay ng Ama sa Langit at pakatandaan na laging may pag-asa sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Ang Kanyang biyaya ay sapat para mapagaling at mabago tayo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay magagamit mo para mabigyan ka ng lakas at matulungan ka na magpatawad. Gayunman, ang taong may problema sa pornograpiya ay kinakailangang patuloy na humingi ng tulong sa Tagapagligtas para maiwaksi ito. Walang sinuman ang gagawa nito para sa kanila. Manampalataya, at magtiwala sa Ama sa Langit. Gagabayan ka Niya sa iyong kakaibang kalagayan.