Nagsikap Ako na Madaig ang Pornograpiya. Bakit Hindi Niya Ito Gawin?
Nang malaman ko na ang aking kasintahan ay may problema sa pornograpiya, sinikap kong gawin ang lahat para tulungan siyang bumaling sa Panginoon para humingi ng tulong.
Ang awtor ay naninirahan sa Guatemala.
Humigit-kumulang isang taon na akong nakikipagdeyt noon sa isang binatang mahal na mahal ko. Inakala ko talaga na siya ang mapapangasawa ko! Ngunit kailanman ay hindi ko naisip na ang pakikipagdeyt ko sa kanya ay magiging dahilan para harapin ko ang isang problema na minsan ko nang pinagsikapang madaig gamit ang aking buong lakas.
Noong naghahanda ako para magmisyon, kinailangan kong magpunta sa aking bishop at ipagtapat na nagkaroon ako noon ng problema sa pornograpiya. Matapos kong pagsisihan at alisin ang pasaning ito sa aking espiritu, kailanman ay hindi ko naisip na muling maaapektuhan ng pornograpiya ang aking buhay. Pero nagkamali ako.
Nang malaman ko na ang lalaking ito na balak kong pakasalan ay gumagamit ng pornograpiya, nasabik akong tulungan at suportahan siya sa pagdaig dito. Naranasan ko na noon ang proseso ng pagsisisi at ang pagsisikap na madaig ang pornograpiya, at alam ko kung ano ang magagawa ng Panginoon para sa kanya. Ngunit tila sa tuwing sisikapin kong gabayan siya tungo sa tulong na kailangan niya para madaig ang kanyang problema, palaging may hindi magandang nangyayari. Parang ayaw niya ng tulong. Hindi nagtagal, napagtanto ko na hindi magkatulad ang mga ideya namin tungkol sa pornograpiya. Oo, pareho kaming miyembro ng Simbahan, ngunit tila magkaiba ang kahulugan ng mga turo ng ebanghelyo sa aming dalawa.
Nakadama ako ng kabiguan. Minahal ko siya, at naniwala ako na sa pamamagitan ng tulong, madaraig niya ang problemang ito. Nakadama rin ako ng panghihina dahil kinailangan ko na namang harapin ang gayong problema na pinagsikapan kong madaig noon. Isang gabi ay nagpasiya akong manalangin at humingi ng karunungan mula sa aking Ama sa Langit kung paano susulong dahil kailangan ko noon ng lakas para mapaglabanan ang tukso, at gusto ko ring malaman kung paano tutulungan ang taong balak kong makasama habambuhay.
Nang sa wakas ay dumating ang sagot, nakadama ako ng kapayapaan at alam kong kailangan kong kausapin ang lalaking kadeyt ko noon na taglay sa isipan ang isang layunin. Ninais kong ipaalam sa kanya kung ano ang inaasahan ko sa pakikipagdeyt sa isang tao, na ikasal sa templo at magkaroon ng mga anak. Kinailangan kong malaman kung tugma ba ang aming mga mithiin at kung sumusulong ba siya tungo sa Tagapagligtas. Kinailangan kong malaman kung dapat ba naming ipagpatuloy ang aming relasyon. Talagang umasa at naniwala ako na pagkatapos naming mag-usap, magiging maayos ang lahat.
Isang maaraw na hapon iyon nang ibahagi ko sa kanya ang aking mga pangarap at mithiin tungkol sa aking magiging pamilya at sa pagpapalaki sa aking mga anak sa ebanghelyo. Laking gulat ko nang matapos niya akong pakinggan ay nainis siya sa akin. Napagtanto ko na magkaibang-magkaiba ang aming mga ideya tungkol sa hinaharap. Nanlumo ako, ngunit nakakagulat na nakadama ako ng kapayapaan, at nalaman ko na ang sagot sa akin ay wakasan na ang aming relasyon. Wala siya sa isang lugar kung saan handa siyang magsikap na daigin ang kanyang mga problema sa pornograpiya o humingi ng tulong sa Tagapagligtas, at hindi ko siya matutulungan kung ayaw niyang magpatulong.
Sa loob ng ilang panahon, nagtaka ako kung bakit kahit matapos gawin ang tama at gawin ang lahat ng aking makakaya para tulungan siya, sobrang lungkot ko na nagwakas na ang aming relasyon. Pero kalaunan, iniyakan ko siya sa huling pagkakataon at pinagtuunan ko ng pansin ang kapayapaang iyon na nadama ko nang wakasan ko ang aming relasyon. Alam ko na mula sa langit ang sagot na iyon.
Ilang taon na rin ang lumipas mula nang wakasan ko ang aking relasyon sa lalaking iyon. At itinuturing ko pa rin siya bilang isang mabuting tao gaya ng dati. Ngunit alam ko na kailangang siya ang lumapit sa Tagapagligtas para humingi ng tulong—hindi ko siya mapipilit na gawin iyon. Mayroon siyang kalayaang pumili at mayroon din ako niyon. Simula nang mangyari ang karanasang ito, sinikap ko nang sundin ang tinig ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan. Alam ko na may plano ang Ama sa Langit para sa ating lahat at na maaari tayong magtiwala na kapag nagpapasiya tayo batay sa mga pahiwatig ng Espiritu, hinding-hindi Niya tayo hahayaang maligaw ng landas. Lagi niya tayong inihahanda para sa mabubuting bagay na darating.