2019
Paghahanap kay Cristo mula sa Kadiliman ng Pornograpiya
Oktubre 2019


Paghahanap kay Cristo mula sa Kadiliman ng Pornograpiya

couple on a beach

Larawan mula sa Getty Images, ginamit para sa mga paglalarawan, ginamitan ng mga modelo

Sa pagpaplano ng mga ilalathala para sa mga young adult, nag-uukol kami ng maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga isyung kinakaharap nila ngayon. Napakarami ng mga ito. Pero habang tinatalakay at pinag-iisipan namin ang gagawin para sa Liahona sa buwang ito, napunta kami sa isang paksa na personal na nakakaapekto sa amin, sa aming mga kaibigan, at sa marami pang iba: pagdedeyt at pornograpiya. Alam namin na magiging kumplikado ang pagpaplano ng bahaging ito. Sapagkat nakakaapekto ang pornograpiya sa maraming tao sa mga paraang nakakalungkot at kung minsan ay nakakasira ng buhay. At para sa mga young single adult, tila dinaragdagan pa nito ang kawalang-katiyakan ng hinaharap, lalo na sa paghahanda para sa pag-aasawa.

Totoong nakita namin ang kamay ng Ama sa Langit na ginagabayan ang aming gawain nang magsimula kaming makatanggap ng mga kuwento mula sa mga young adult na naapektuhan ang relasyon dahil sa pornograpiya. At nakita namin na malaki ang pag-asa na magkaroon ng mga kasal na pangwalang-hanggan na masaya at malaya sa pagkalulong. Bakit? Dahil ang bawat kuwento ay nagpapatotoo na ang kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala ay nagpapabago ng buhay, nagbibigay ng pag-asa, at nagpapagaling.

Kaya kung ang inyong relasyon ay apektado ng pornograpiya, inaanyayahan namin kayong basahin ang bahaging ito ng Liahona sa buwang ito, na may mga artikulo na matapat na ibinahagi ng iba na lubos na nakakaalam na totoong mahirap malulong sa pornograpiya. Nakapaloob sa mga artikulong ito ang mga paksang tulad ng kung paano magsimula ng isang talakayan tungkol sa pornograpiya kapag nakikipagdedeyt kayo at kung paano ninyo ito haharapin (pahina 44), kung paano tumugon kapag inamin ng isang tao na may problema siya sa pornograpiya (digital lamang), kung paano maaaring mapatawad at mapagaling kapwa ang mga taong ito (digital lamang), at kung paano kayo magagabayan ng Espiritu na malaman kung paano magpapatuloy sa inyong relasyon (digital lamang).

Alam namin na kung kayo ay magtitiwala sa Tagapagligtas at aanyayahan ninyo ang Espiritu sa inyong buhay habang naghahanap kayo ng mga sagot, aakayin kayo ng Ama sa Langit sa tamang direksyon para sa inyong natatanging sitwasyon. Maaaring laganap sa mundo ang mga mapanirang epekto na dulot ng pornograpiya, ngunit ang nakapagpapagaling na liwanag ng Tagapagligtas ay mas malakas kaysa sa anumang kadiliman. Ang kailangan lamang nating gawin ay hanapin Siya.

Tapat na sumasainyo,

Chakell Wardleigh at Mindy Selu

Mga patnugot ng bahagi para sa mga young adult ng mga magasin ng Simbahan