Ang Kabiguan ay Bahagi ng Plano
Apat na aralin na matututuhan natin mula sa paboritong “mga kabiguan” sa mga banal na kasulatan.
Malaking bahagi ng internet ang tila nakaukol sa pagbubunyi ng “epic fail”—mula sa mga Pinterest fail hanggang sa mga video ng mga sumemplang na backflip. Siguro gusto lang talaga nating malaman na hindi tayo nag-iisa kapag ang ating pinakamahusay na pagsisikap ay tila hindi sapat. Mayroon pa namang isang paraan para malaman ito.
Kapag pakiramdam mo na ang mga araw mo ay puno ng kabiguan, palakasin ang iyong loob mula sa mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay puno ng hindi gaanong perpektong pagsisikap ng ilang kamangha-manghang mga tao. Narito ang ilan sa kanilang mga turo na makakatulong sa iyo na maintindihan na maaaring mas mahusay ka kaysa inaakala mo.
1. Hindi pinipigilan ng pananampalataya ang kabiguan; ginagawa nito itong makabuluhan.
Si Nephi ay punung-puno ng pananampalataya sa pagbabalik niya at ng kanyang mga kapatid para sa mga laminang tanso, ngunit hindi nito napigilan si Nephi na mabigo—nang dalawang beses (tingnan sa 1 Nephi 3). Ngunit ang kanyang pananampalataya sa harap ng kabiguan ay nakatulong upang ibaling niya ang kanyang pagkabigo sa paghahanda para sa tagumpay. Nakatulong ba ang naunang mga bigong pakikiharap niya kay Laban sa paghahanda ni Nephi na makilala siya, gayahin siya, mahanap ang tirahan niya, at makalabas dala ang mga banal na kasulatan? Hindi tayo nakatitiyak. Ngunit alam natin na ang tagumpay natin sa hinaharap ay kadalasang nagaganap sa kabila ng mga nakaraang kabiguan.
2. Inasahan ng Diyos ang ating mga kabiguan at nagplano nang maaga.
Matapos malaman ni Joseph Smith na ang 116 na mga pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon ay nawawala, tumangis siya, “Nawala na ang lahat!”1 Alam niyang nabigo siya. Alam niya na kagagalitan siya at posibleng itakwil. Ngunit hindi nawala ang lahat. Inasahan na ng Diyos ang pagkabigo ni Joseph 2,000 taon pa bago ito nangyari at naghanda para rito.
Gayundin, inasahan na ng Diyos ang ating mga kabiguan bago pa man ginawa ang daigdig.2 Nagagawa niyang baguhin kahit ang ating mga pagkakamali na maging mga biyaya (tingnan Mga Taga Roma 8:28). At nagpadala Siya ng Tagapagligtas upang kapag sa ating mga kabiguan ay sangkot ang kasalanan, maaari tayong magsisi, pinahihintulutan tayong “matuto sa [ating] karanasan nang hindi hinahatulan dahil dito.”3
3. Huwag sumuko; hindi natin palaging nakikita ang ating tagumpay.
Si Abinadi ay tinawag para mangaral ng pagsisisi sa mga tao. Kung ibinatay ni Abinadi and kanyang tagumpay sa bilang ng mga tao na nagsisi, maaaring namatay siyang naniniwala na siya ay isang malaking kabiguan. Sa unang pagkakataon na binalaan niya ang mga tao ni Haring Noe na magsisi, tinanggihan siya at halos hindi siya nakatakas nang buhay. (Tingnan sa Mosias 11:20–29.) Sa halip na sumuko, sinubukan niyang muli, kahit na alam niya na maaari siyang mapatay—at pinatay nga siya.
Ngunit dahil hindi siya sumuko, ang mga tao ay nagsisi rin sa huli (tingnan sa Mosias 21:33). Dagdag pa rito, si Alma ay nagbalik-loob, nagturo, at nagbinyag ng maraming tao, at inorganisa ang Simbahan sa mga Nephita. Ang mga inapo ni Alma ang namuno sa Simbahan, at minsan sa bansa, hanggang sa pagdating ni Jesucristo, na binabago ang loob ng libu-libo, kabilang ang karamihan sa mga Lamanita (tingnan sa Helaman 5:50). Ang isang tao na hindi sumusuko sa harap ng kabiguan ay maaaring gumawa ng hindi kapani-paniwalang kaibhan.
4. Minsan ang paglutas sa problema ay hindi kasing-importante ng pagkatuto mula dito.
Si Oliver Granger ay nasanay sa pagkakaroon ng awtoridad upang magawa ang mga bagay. Bago siya sumapi sa Simbahan noong 1830s, siya ay naging county sheriff, koronel sa milisya, at isang lisensyadong tagahikayat sa kanyang simbahan. Matapos sumapi, nagmisyon siya nang dalawang beses at naging miyembro ng Kirtland high council. Ngunit noong panahon na iyon, binigyan ni Joseph Smith si Oliver ng halos imposibleng gawain na isaayos ang mga gawain ng mga lider ng Simbahan na pinaalis sa Kirtland.4
Ramdam na tila isa siyang bigo, pumunta si Oliver kay Joseph at narinig na sinabi ng Panginoon, “naaalaala ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Granger; … at kapag siya ay bumagsak siya ay babangong muli, sapagkat ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa sa kanyang yaman” (D at T 117:12–13). Mula kay Oliver, natututuhan natin na ang resulta na hinahanap ng Diyos ay hindi ang lagi tayong makakita ng tamang solusyon sa ating mga problema, kundi ang matuto tayo mula sa pagharap sa mga iyon.
Maaaring maging magulo ang progreso
Nandito tayo upang matuto at lumago, ngunit ang paglago ay hindi dumarating nang walang oposisyon. Lahat tayo ay nagkakamali, sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ngunit “ang ating tadhana ay hindi nasusukat sa dami ng pagkadapa natin kundi sa dami ng ating pagbangon, pagpagpag ng dumi sa ating sarili, at pagpapatuloy.”5