2019
Pag-alam Kung Sino Ka—at Kung Sino Ka Noon Pa
Nobyembre 2019


Pag-alam Kung Sino Ka—at Kung Sino Ka Noon Pa

family with two daughters

Kamakailan, ang aking 16 na taong gulang na pamangkin na babaeng si Megan at dalawa sa kanyang mga kaibigan ay pumunta sa bahay upang makitulog. Habang nagkukuwentuhan kami nang gabing iyon, ang isa sa kanila ay nagtanong sa akin kung ano ang pakiramdam na lumaki sa isang sakahan noong unang panahon. … Sinabi ko kay Megan at sa kanyang mga kaibigan na “noong unang panahon,” masyado akong mahiyain at walang tiwala sa sarili.

“Paano ninyo napaglabanan ang pakiramdam na iyon?” tanong ni Megan. Isang maikling sagot ang ibibigay ko sana nang matigilan ako at naramdaman na ang mga kahanga-hangang young women na ito ay nagnanais ng sagot na higit pa rito. Kaya sinabi ko na ito ay dahil sa isang espirituwal na dahilan: Nagbago lamang ang pananaw ko sa sarili ko at sa buhay nang naintindihan ko ang pagtingin sa akin ng Panginoon. Mabilis silang nagtanong: Paano ko nalaman ang pagtingin ng Panginoon? At paano nila malalaman ang pagtingin Niya sa kanila?

Sa loob ng ilang oras, hawak ang mga banal na kasulatan, pinag-usapan namin ang tungkol sa kung paano makinig sa tinig ng Espiritu, tungkol sa kaluguran ng Panginoon na ipaalam ang kaalaman na nakatagong mabuti sa loob ng ating mga kaluluwa na may kinalaman sa kung sino tayo at ano ang misyon natin, at ang tungkol sa nakakapagpabago ng buhay na pagkakaibang nagagawa ng kaalamang ito.

… Walang bagay na mas mahalaga pa sa ating tagumpay at kaligayahan dito kaysa sa matutong makinig sa tinig ng Espiritu. Ang Espiritu ang nagbubunyag sa atin ng ating pagkatao—na hindi lamang kung sino tayo ngayon kundi kung sino tayo noon pa. At kapag nalaman natin ito, nagkakaroon ang buhay natin ng layunin na nakamamangha na hindi na tayo maaaring maging tulad ng dati.

… Ang ating mga kaluluwa ay lubos na nagnanais na matandaan ang katotohanan tungkol sa kung sino tayo, dahil ang pagtingin natin sa ating sarili, ang ating pagkatao, ay naaapektuhan lahat ng ginagawa natin. … Naaapektuhan nito ang paraan ng pamumuhay natin. Kaya, ngayon, iniimbita ko kayo na pagnilayan sa isang bagong paraan hindi lamang kung sino kayo ngayon kundi sino kayo noon pa man.

… Naisip ba ninyo na ang Diyos, na nakakikilala sa atin nang lubos, ay inireserba tayo na maparito ngayon, kung saan mas malaki ang nakataya at ang oposisyon ay higit na mas matindi? Kung kailan kakailanganin niya ang kababaihan na tutulong upang iangat at pamunuan ang isang piniling henerasyon sa pinakadelikadong espirituwal na kapaligiran? Naisip ba ninyo na pinili Niya tayo dahil alam Niya na tayo ay walang takot na magtatatag ng Sion?

… Marangal at dakila. Matapang at determinado. Puno ng pananampalataya at walang takot. Iyan ang kung sino kayo, at kung sino kayo noon pa. Ang pagkaunawa sa katotohanan na ito ay makapagpapabago ng inyong buhay, dahil ang kaalaman na ito ay nagdadala ng kumpiyansa na hindi maaaring gayahin sa kahit ano pang paraan.

… Kapag naunawaan ninyo na kayo ay pinili at inireserba para sa panahon ngayon, at kung kayo ay mamumuhay nang tapat sa misyon na iyon, kayo ay magiging mas masaya nang higit pa sa nadama na ninyo.

… Ang Diyos ang ating Ama, at ang Kanyang Bugtong na Anak ay si Cristo. Nawa’y magalak tayo na muling matikas na nakatayo para sa Tagapagligtas at naglilingkod nang may giting at lakas sa Kanyang ubasan. At nawa’y maging matapang tayo sa pagtataguyod ng Sion ng ating Diyos—dahil alam natin kung sino tayo ngayon at noon pa man.