Limang Katotohanan na Nakatutulong para Magkaroon ng Tamang Pananaw Ukol sa Nakaraan
Ang pag-unawa sa ating kasaysayan ay isang proseso ng pag-aaral at pagtuklas na maaaring magpalakas sa ating patotoo, tumulong sa atin na iwaksi ang pagdududa, magsalaysay ng pinakamagagandang kuwento, mahiwatigan ang totoong doktrina, at mapagbuti ang ating pag-iisip. Gayunman, kung walang tamang pananaw, ang nakaraan ay maaaring pagmulan ng pagkalito na bumubura sa patotoo at lumilikha ng pagdududa.
Ang limang alituntuning ito mula kay Keith Erekson, direktor ng Church History Library, ay makatutulong sa atin na maunawaan ang nakaraan.
1. Wala na ang nakaraan—mga bahagi na lang ang natira. Sa pananaw natin sa kasalukuyan, halos wala na ang nakaraan. Gayunman, may natirang mga bahagi ng nakaraan. Kailangan nating pag-aralan ang mga talaang natira habang isinasaisip na hindi nito kinakatawan ang kabuuan ng nakaraan.
2. Hindi nagsasalita ang mga pangyayari, ngunit nagsasalita ang mga nagkukuwento. Dahil hindi kumpleto ang mga naiwang bahagi ng nakaraan, sinisikap ng ilang tao na pag-ugnay-ugnayin ang mga bahaging iyon para makabuo ng isang kuwento. Kailangan nating isipin palagi kung sino ang nagkukuwento, paano nila ikinukuwento ang mga iyon, at bakit nila ikinukuwento ang mga iyon.
3. Ang nakaraan ay iba sa kasalukuyan (at OK lang iyan). Sa paghahangad nating maunawaan ang mga bahagi ng nakaraan at ang mga kuwento tungkol dito, matutuklasan natin na ang pananaw noon ay naiiba sa ating pananaw. Bawat temporal na aspeto ng karanasan ng tao ay nagbabago sa paglipas ng panahon sa kapwa maliliit at malalaking paraan.
4. Pinasasama ng mga opinyon ngayon ang nakaraan. Dahil iba ang nakaraan kaysa sa ating panahon, kailangan nating mag-ingat nang husto sa pagbibigay ng opinyon tungkol sa nakaraan batay sa kasalukuyan nating mga ideya at pinahahalagahan. Kadalasan, ang tinatawag na mga problema ng nakaraan ay talagang masasamang palagay lamang ng kasalukuyan.
5. Kailangan ang pagpapakumbaba sa pag-aaral ng kasaysayan. Sa pananaw natin ngayon, malinaw na mas marami tayong alam kaysa sa mga tao sa kasaysayan tungkol sa resulta ng nakaraan, ngunit wala rin tayong gaanong alam tungkol sa mga naranasan nila nang mangyari ito sa kanila noon. Nangangailangan ng pagpapakumbaba na amining hindi natin alam ang lahat, na matiyagang maghintay sa iba pang mga sagot, at patuloy na matuto.