Higit pa Tayo sa mga Bansag sa Atin
Ang inyong halaga ay hindi natutukoy sa inyong magagawa o hindi magagawa.
Mahilig tayong mga tao na bansagan ang ating sarili—anak, artist, estudyante, runner. Bagama’t binibigyang-lakas tayo ng mga bansag, pinasisigla ang pagkakilala natin sa sarili, at binibigyan tayo ng mga pagkakataong lumago, may delikadong aspeto rin ang mga ito. Kapag ikinumpara natin sa iba ang mga bansag sa atin, gumamit tayo ng mga bansag na dumadaig o sumasalungat sa ating likas na kabanalan, o tinulutan natin ang ilang bansag na ipadama na mahina tayo, maaaring lubos na mawasak ang ating pagpapahalaga sa sarili at espirituwalidad.
Ngunit, paano kung sabihin namin sa inyo na may isang makabuluhan, walang hanggan, at pambihirang bansag sa ating lahat?
Narito ang ilang kabatiran mula sa tatlong magkakapatid na babae na talagang magkakaiba, na may tatlong magkakaibang buhay. Ngunit nasa ating lahat ang pinakamahalagang bansag sa lahat.
Chantele:
Kung minsan mahirap ang hindi ikumpara ang sarili mo sa iba, lalo na sa loob ng pamilya. Ang isang halimbawa ng kinaharap ko sa buong buhay ko ay na palagi akong ikinukumpara ng mga tao sa dalawang kapatid ko. Magkakaiba talaga kami. Magkakaiba ang mga yugto ng aming buhay at magkakaiba ang aming mga talento at personalidad. Halos 15 taon na akong may asawa, apat ang anak ko, nakapagsulat at nakapaglathala na ako ng limang nobela sa pambansang merkado at halos 30 taon na akong tumutugtog ng alpa. Napakarami kong mithiin na nais kong maisakatuparan. Kapag naiinis ako dahil hindi ko nagawa ang ilan sa mga gusto kong gawin, naaalala ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin, kahit hindi ko magawa ang mga iyon kailanman. Bagama’t iniisip ko nga ang iba’t ibang mga talentong humuhubog sa amin, kung aalisin ninyong lahat iyan—lahat ng talento at bansag, wala ni isa riyan ang mahalaga. Ang pinakamahalaga—ang ating identidad bilang mga anak ng Diyos. Basta’t ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya, papatnubayan ako ng Ama sa Langit. Tinutulungan ako ng katotohanang iyan sa aking paglalakbay at binibigyan ako ng tunay na kapanatagan, anumang mga bansag ang ibato sa akin ng mundo o maging ang mga bansag ko sa aking sarili.
Chaleese:
Ako’y isang ina na namamalagi sa bahay. Mayroon akong tatlong anak na lalaki at isang asawa na siyang buhay ko. Ako ang pinakamagaling nilang tagasuporta. Sila ang kumakatawan kung sino ako. Wala akong trabaho maliban sa aking pamilya. Ang ate ko ay isang inang namamalagi sa bahay na may apat na anak, ngunit isa rin siyang kamangha-manghang manunulat. Ang bunsong kapatid kong babae ang tanging nakatapos ng kolehiyo sa pamilya, masaya sa kanyang pinagtatrabahuhan, at wala pang asawa. Lahat tayo ay magkakaiba. Magkakaiba man ang mga bansag sa atin, ang mga bansag na iyon ay hindi tayo ginagawang mas mahalaga o di-gaanong mahalaga kaysa sa isa’t-isa. Sa kabila ng ating mga pagkakaiba, lahat tayo ay anak ng Diyos, at mahal Niya tayong lahat. Sa huli, iyon lang talaga ang mahalaga. Iba man ang mga bansag sa akin kaysa sa mga kapatid ko, kapag inalis ninyo ang mga iyon, magkakapareho lang kami. Magkakapareho ang aming walang-hanggang potensyal.
Chakell:
Marami akong hinangad na mga bansag. Tapos ako ng kolehiyo, isang manunulat, at tagapagtaguyod ng cheesecake bilang mahalagang panghimagas. Ngunit marami ring bansag sa akin na hindi ko gusto. Wala akong asawa, mahina ang kalusugan ko, at madalas, pakiramdam ko ay may kakulangan ako. Tinutulutan ko ang ilan sa tinatawag kong “mahihinang” bansag na kontrolin ako nang higit kaysa nararapat. At kung minsan, kahit ang mga bansag na ipinagmamalaki ko ay maaaring madaig ang tunay kong identidad. Ngunit kapag talagang iniisip ko kung sino ako at naaalala ko na ako ay anak ng Diyos, nagbabago ang lahat. Ang isang bansag na talagang nagbibigay ng kahulugan sa buhay ay ang ating banal na identidad. Hindi ko alam ang lahat ng mangyayari sa akin o kung anong mga bansag ang mayroon o wala ako sa buhay na ito, ngunit panatag ako na maaari kong sabihing, “Ako ay anak ng Diyos” at malaman na mas makahulugan iyan kaysa anupaman. At hindi ko kailangang paghirapang matamo ang bansag na iyan o ang Kanyang pagmamahal—malaya itong ibinigay sa akin. Alam ko na kung sisikapin kong mamuhay ayon sa Kanyang kalooban, at kung lagi kong aalalahanin kung sino talaga ako, pagpapalain Niya ako (tingnan sa D at T 82:10). Kapag umuugnay ang lahat ng iba pang mga bansag sa akin doon sa tunay na mahalaga, makasusumpong ako ng tunay na galak, lakas, at kadakilaan sa lahat ng ito.