Apat na Regalo mula sa Tagapagligtas
Mula sa Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan noong 2018.
Minamahal kong mga kapatid, ang Kapaskuhan ay talagang itinatangi natin! Sama-sama nating pag-aralan ang dumarating na mga pagpapala sa atin kapag nagtuon tayo sa buhay, misyon, doktrina, at Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.
Sa panahong ito inaanyayahan ko kayong pag-aralan ang inyong mga sariling pagnanais. Nais ba ninyo talagang maging higit na katulad ni Jesucristo? Nais ba ninyo talagang mamuhay kasama ng Ama sa Langit [at] ng inyong pamilya magpakailanman at mamuhay na gaya Niya? Kung oo, nanaisin ninyong tanggapin ang maraming regalong inihahandog ng Panginoon para tulungan kayo sa panahon ng inyong mortal na pagsubok. Pagtuunan natin ang apat sa mga regalong ibinigay ni Jesucristo sa lahat ng handang tumanggap ng mga ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:33).
Una, ibinigay Niya sa inyo at sa akin ang walang hanggang kakayahang magmahal. Kabilang doon ang kakayahang magmahal sa mga mahirap mahalin at sa mga taong hindi lamang hindi nagmamahal [sa inyo] kundi sa mga umuusig at sinasadyang gamitin kayo (tingnan sa Mateo 5:44–45).
Sa tulong ng Tagapagligtas, maaari nating matutunan na magmahal tulad ng pagmamahal Niya. Maaaring kailanganin ang pagbabago ng puso—tiyak na kailangan [nating palambutin ang] ating puso—habang tayo ay tinuturuan ng Tagapagligtas [kung paano] tunay na alagaan ang isa’t isa. Mahal kong mga kapatid, tayo ay tunay na makapaglilingkod sa paraan ng Panginoon kung tatanggapin natin ang Kanyang regalong pagmamahal.
Ang ikalawang regalong inihahandog ng Tagapagligtas sa inyo ay ang kakayahang magpatawad. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, maaari ninyong patawarin ang mga nakasakit sa inyo at maaaring hindi tumanggap ng pananagutan kailanman sa kalupitang ginawa nila sa inyo. Pagkakalooban kayo ng Tagapagligtas ng kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo ng masama sa anumang paraan.
Ang ikatlong regalo mula sa Tagapagligtas ay ang pagsisisi. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na baguhin ang ating isipan, ang ating kaalaman, ang ating espiritu, maging ang ating paghinga. Halimbawa, kapag tayo ay nagsisisi, humihinga tayo nang may pasasalamat sa Diyos, na nagpapahiram sa atin ng hininga sa bawat araw (tingnan sa Mosias 2:21 At ninanais nating gamitin ang hiningang iyon sa paglilingkod sa Kanya at sa Kanyang mga anak. Ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at gamitin—masigasig na gawin—sa bawat araw habang sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas.
Ang ikaapat na regalo ng Tagapagligtas ay talagang isang pangako—isang pangako ng buhay na walang hanggan. Lahat ay mabubuhay na mag-uli at makararanas ng imortalidad. Subalit ang buhay na walang hanggan ay higit pa sa pagtatakda ng oras. Ang buhay na walang hanggan ay ang uri at kalidad ng pamumuhay ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Kapag hinahandugan tayo ng Ama ng buhay na walang hanggan, ang sinasabi Niya talaga ay, “Kung pipiliin ninyong sundan ang aking Anak—kung ang hangarin ninyo talaga ay maging higit na katulad Niya—darating ang panahon na mamumuhay kayo na tulad namin at mamumuno sa mga mundo at kaharian tulad namin.”
Ang apat na natatanging regalong ito ay magdaragdag nang magdaragdag ng kagalakan sa atin kapag tinanggap natin ang mga ito. Naging posible ang mga ito dahil nagpakababa si Jehova para pumarito sa lupa bilang ang sanggol na si Jesus. Siya ay anak ng isang imortal na Ama at isang mortal na ina. Ipinanganak siya sa Betlehem sa pinakahamak na kalagayan. Si Jesucristo ang pinakadakilang regalo ng Diyos—ang regalo ng Ama sa lahat ng Kanyang anak (tingnan sa Juan 3:16).
Habang ang ating puso’t isipan ay nakatuon sa Tagapagligtas ng mundo, ano, kung gayon ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga regalong ito na bukas-palad na inihandog sa atin ni Jesucristo? Ano ang susi para magmahal tayo na tulad Niya, magpatawad na tulad Niya, magsisi upang maging higit na katulad Niya, at sa huli ay mabuhay sa piling Niya at ng ating Ama sa Langit?
Ang susi ay ang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan. Pinipili nating mamuhay at umunlad sa landas ng tipan ng Panginoon at manatili roon. Hindi ito isang kumplikadong landas. Ito ang landas patungo sa tunay na kagalakan sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan sa kabilang buhay.
Mahal kong mga kapatid, ang aking pinakamasisidhing pagnanais ay ang magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng anak ng Ama sa Langit na marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo at masunod ang Kanyang mga turo. At ninanais ko na paniniwalaan at tatanggapin natin ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. Ang Kanyang walang hanggan at perpektong pagmamahal ang nagtulak sa Kanya na magbayad-sala para sa inyo at sa akin. Ang regalong iyon—ang Kanyang Pagbabayad-sala—ang nagtutulot na mapasaatin ang lahat ng iba pa Niyang regalo.