Araw-araw Kong Paglaban sa Kalungkutan
Ang awtor ay naninirahan sa Prague, Czech Republic.
Sa maraming paraan, ang pagsapi sa Simbahan ay nakaragdag sa lungkot na nadama ko mula nang magdiborsyo ang aking mga magulang. Pero tinulungan din ako nitong makahanap ng paraan para mawala ang aking kalungkutan.
Halos buong buhay kong nadama na parang nag-iisa ako. Noong una, panibagong damdamin ang kalungkutan para sa akin, dahil galing ako sa isang pamilyang may limang miyembro, kaya noong bata ako, masaya ako kapag maraming tao at maingay ang paligid sa bahay namin. Alam ko na hindi ako nag-iisa.
Ang malungkot, noong tinedyer na ako, naghiwalay ang mga magulang ko. Pagkatapos niyon, talagang naramdaman ko nang nag-iisa ako. Sinikap kong alamin kung ano ang gagawin, kaya gumawa ako ng mga bagay na hindi ako komportableng gawin para magkaroon ng mga kaibigan sa paaralan. Umasa ako na masisiyahan ako sa pagiging pamilyar sa maraming tao sa paaralan, tulad ng dati sa bahay namin. Pero kahit napapalibutan ako ng mga tao, pakiramdam ko nag-iisa pa rin ako. Nabawasan ang damdaming ito ilang taon kalaunan nang matagpuan ko ang Simbahan.
Isang araw kumatok ang mga sister missionary sa pintuan ko at si Inay ang nagbukas. Naaalala ko na sinabi niya sa kanila, “Naku, hindi ako interesado, pero magiging interesado ang anak ko. Teka lang, tatawagin ko siya.”
Nang magsimula akong kausapin sila, nadama ko na sinasabi sa akin ng Espiritu na makinig. Pagkaraan ng ilang buwan ng pakikinig at pag-aaral, nalaman ko na ito ang matagal ko nang hinahanap. Kahit parang hindi ko gusto noong una, nakatulong sa akin ang desisyon kong magpabinyag hindi lamang para mas mapalapit sa Panginoon kundi para matapos na rin ang paglaban ko sa kalungkutan.
Pagkalungkot Bilang Isang Convert
Nang magdesisyon ako na gusto kong magpabinyag, hindi talaga natuwa ang pamilya ko. Bagama’t dumalo ang nanay ko at ang isa sa mga kapatid kong lalaki, itinakwil ako ng iba kong mga kapamilya dahil magkaiba na kami ng relihiyon.
Noong una, medyo mahirap ito, at mas nadama ko na nag-iisa ako kaysa rati. Ngunit makalipas ang ilang sandali, nagpasiya ang isa sa mga pinsan ko na maging debotong Hindu, na naiiba rin sa relihiyon ng iba pa naming mga kapamilya. Iginalang niya ang desisyon kong sumapi sa Simbahan dahil gayon din ang ginawa niya. Dahil sa kanyang halimbawa ng pagmamahal sa akin, tumigil ang ilan sa iba ko pang mga kapamilya sa pagtatakwil sa akin.
Sa paaralan, natanto ko na hindi na ako talaga akma roon. At sa trabaho, kakaiba ang tingin sa akin ng mga tao nang sabihin ko sa kanila na nabinyagan na ako. Hindi ako nahiya—hindi mali ang desisyon ko, at alam ko iyon sa kaibuturan ng puso ko—ngunit hindi naunawaan ng mga kaibigan ko ang mga pagbabago sa pamumuhay ko, at karamihan sa kanila ay nagpasiyang tumigil sa pakikipagkaibigan sa akin.
Pagkakaroon ng mga Bagong Kaibigan
Sa lahat ng mahihirap na karanasang ito, patuloy akong nagdasal, at nadama ko ang kapanatagang ipinangako sa akin ng Espiritu sa isang priesthood blessing na natanggap ko. Isang araw nangahas akong magtanong, sa panalangin, “Bakit pakiramdam ko, nag-iisa ako?” At natanggap ko ang isang sagot o, manapa’y isang pangako—na magkakaroon ako ng mga bagong kaibigan, mga kaibigang makakaunawa sa akin.
At totoo nga! Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, ang ilan ay hindi mga miyembro ng Simbahan ngunit iginagalang at mahal pa rin ako. Nagkaroon din ako ng mga kaibigan sa Simbahan na naging parang kapamilya ko na.
Ang pagiging mahiyain at pangangailangang kausapin ang mga tao ay hindi napakadaling bagay para sa akin. Kadalasa’y hinahayaan kong ang mga tao ang lumapit sa akin, pero sa high school kakaunti ang ginustong kausapin ako. Kaya natuwa ako na naalala ko ang lumang kasabihang natutuhan ko—ngumiti ako. Kapag mas nakangiti ang isang tao, mas madali siyang lapitan. Natanto ko na kapag mas ngumiti ako sa mga tao, mas nagsisimula silang kausapin ako at naging mas madali para sa akin na kaibiganin sila.
Pagsunod sa Ama sa Langit
Ang isang mas magandang sagot sa aking panalangin ay ang mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) na “Tapang na Manindigang Mag-isa” (Liahona, Nob. 2011, 60–67). Sa paglipas ng panahon, ang mensaheng ito ay nagturo sa akin ng isang napakahalagang bagay tungkol sa kalungkutan: hindi ka nag-iisa kailanman kapag sumusunod ka sa Panginoon.
May mga araw pa rin na mahirap para sa akin ang sumunod sa Kanya. Ang takot sa panlalait ng ibang mga tao sa akin at sa aking mga paniniwala ay mahirap. May mga taong nagsasabi sa akin na walang katuturan ang anumang relihiyon at inaakay ako na parang piping tupa. Matapos malaman ang relihiyon ko, itinuring na ako ng ilang tao na parang may nakakatakot at nakakahawang sakit. Lahat ng karanasang ito ay nagpadama sa akin ng kaunting pangamba at lungkot. Araw-araw ang labanang iyon, ngunit araw-araw akong nagwawagi, nang paulit-ulit, sa tulong at buong suporta ng Panginoon.
Araw-araw, sinisikap kong sundin ang Espiritu. Tuwing nakikinig ako sa Espiritu at nakikipag-usap sa mga tao, napaglilingkuran ko ang iba dahil sa inspirasyong nagmumula sa Espiritu. Binibigyan ako nito ng pagkakataong maalaala na hindi ako nag-iisa. Higit sa lahat, ang pakikinig sa Espiritu ay palaging nagbibigay sa akin ng pagkakataong ibahagi ang aking patotoo. Natanto ko na sa pagbabahagi ng aking paniniwala sa ganitong paraan, nababawasan ang takot ko at mas nauunawaan ako ng iba. Bago ko pa namalayan, hindi na ako nag-iisa—nakikipag-usap sa sinumang kausap ko sa sandaling iyon—nasa tabi ko ang Espiritu. Kapag nasa tabi mo ang Espiritu, hindi ka mag-iisa kailanman.
Sa maraming taon at sandali na nadarama ko ang kalungkutan, sinabi na sa akin ng Panginoon nang paulit-ulit na ako ay Kanyang pinakamamahal na anak at na mahal Niya ako. Paano ko madarama na nag-iisa ako kung nasa tabi ko ang aking Ama? Paano ko madarama na nag-iisa ako kung isang simpleng panalangin lamang ang layo namin?
Sa araw-araw na paglaban ko sa kalungkutan, nananawagan ako sa aking Ama sa Langit na huwag lamang tumayo sa tabi ko kundi tulungan akong manatili sa Kanyang tabi. Alam ko na hindi Niya ako iniwan kailanman na labanang mag-isa ang anumang bagay at palagi Siyang nasa tabi ko, na minamahal ako.