2019
Jesucristo: Ang Pinagmumulan ng Tumatagal na Kagalakan
Disyembre 2019


Jesucristo: Ang Pinagmumulan ng Walang-Hanggang na Kagalakan

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Upang Sila ay Magkaroon ng Kagalakan,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Disyembre 04, 2018.

Bawat miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon na nagsisikap na alalahanin at tuparin ang mga sagradong tipan at sundin ang mga kautusan ay pagkakalooban ng walang-hanggang kagalakan.

Nativity scene

Nativity [Kapanganakan ni Jesus], by Michael Malm

Kamakailan dumalo ako sa isang napakaespirituwal na testimony meeting at nakinig nang mabuti habang sinasabi ng matapat na miyembrong babae na, “Labis ang aking kagalakan dahil sa plano ng kaligtasan ng Ama.”

Kaagad na naging malinaw sa akin ang katotohanan na ang babaeng ito ay hindi lamang nagsasabi ng mga pamilyar na salita. Ang liwanag na nagningning sa kanyang mga mata, ang tono ng kanyang boses na pinadangal ng espiritu, ang kanyang maaliwalas at payapang mukha—lahat ng bagay tungkol sa kanya ay nagpatunay ng katotohanan ng sinasabi niya. Puno siya ng kagalakan. Nabanaag sa kanya ang kagalakan. Sa katunayan, mas nagiging katulad siya ng Tagapagligtas at natatanggap ang Kanyang larawan sa kanyang mukha (tingnan sa Alma 5:14), na bahagi ng kagalakan.

Ang paghahayag niya ng pananampalataya ang nagpapaalala sa akin ng mga salita ng ilang mga pamilyar na himno:

Nananalig naming tangan t’wina

Ebanghelyo ng ligaya.1

Mga Banal, halina’t gumawa;

Maglakbay sa tuwa. …

Makabubuting magsikap

Nang pighati’y ‘di malasap;

Ligaya ay madarama—

Kay inam! Ng buhay!”2

Ligayang aking matalos:

“Buhay, aking Manunubos!” ”3

At sa Paskong ito, kakantahin natin ang:

“Kagalakan ang dala ko

Sa ‘yo at sa lahat ng tao.”4

At

O magsaya, ‘sinilang na;

Ang Hari ng lahat! …

Muling inaawit,

Muling inaawit,

Inaawit muli, maligayang himig.5

Mula nang maging Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, madalas magbigay ng paanyaya si Pangulong Russell M. Nelson sa mga tao ng mundo na kinapapalooban ng pangako ng kagalakan: “Ang ating mensahe sa mundo ay simple at taos-puso: inaanyayahan natin ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit sa kanilang Tagapagligtas, tanggapin ang mga pagpapala ng banal na templo, magkaroon ng walang-hanggang kagalakan, at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.”6

Christ reaching out

He Healed Them All [Pinagaling Niya Silang Lahat], ni Michael Malm

Ano ba talaga ang kagalakang ito na kinakanta at itinuturo natin at obligasyon nating ibigay sa lahat ng tao? At paano ito matatamo? Magkakasama nating sagutin ngayon ang dalawang mahalagang tanong na ito.

Ano ang Kagalakan?

Ang karaniwang kahulugan sa diksyunaryo ng kagalakan ay “isang damdamin ng malaking kasiyahan [o] kaligayahan.”7 Bilang paghahambing, inilarawan ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan ang kagalakan bilang “isang kalagayan ng malaking kaligayahan na nagmumula sa mabuting pamumuhay.”8 Nakatatawag-pansin na ang mga pananaw natin sa ebanghelyo ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang kagalakan ay higit pa sa isang panandalian na damdamin o emosyon; sa halip, ito ay isang espirituwal na kaloob at isang antas ng kalagayan ngayon at ng kahihinatnan. Dahil dito, inilarawan ko ang sister na nagpapatotoo na puno ng kagalakan at kinakikitaan nito.

Bilang isang matalino at mapagmahal na ama, itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak na lalaki na ang pinakalayunin ng mortal na buhay ay ang magkaroon ng kagalakan ang lahat ng tao:

“Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

‘Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” (2 Nephi 2:24–25).

Ibinuod nina Adan at Eva ang mahahalagang aral na natutuhan nila mula sa Amang Walang Hanggan at mula sa sarili nilang karanasan. Ipinahayag ni Adan, ‘Purihin ang pangalan ng Diyos, sapagkat dahil sa paglabag ko ang aking mga mata ay namulat, at sa buhay na ito ako ay makatatamo ng kagalakan, at muli sa laman aking makikita ang Diyos’ (Moises 5:10).

At sinabi ni Eva: “Kung hindi dahil sa ating paglabag tayo sana ay hindi nagkaroon ng mga binhi, at kailanman ay hindi nalaman ang mabuti at masama, at ang kagalakan ng ating pagkakatubos, at ang buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng masunurin’ (Moises 5:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang plano ng kaligayahan ng Ama ay nagbibigay sa Kanyang mga anak ng kakayahang magtamo ng pisikal na katawan at karanasan sa buhay na ito, mapili ang kabutihan sa harap ng kasamaan at tukso, at makatulong sa Ama sa Langit sa Kanyang dakilang plano sa pamamagitan ng marangal na pag-aasawa at pagiging magulang.9 Sa huli, sa panahon na mabubuhay tayong muli, “ang espiritu at ang katawan [ay] pagsasamahin upang hindi na kailanman muling maghihiwalay, upang sila ay makatanggap ng ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 138:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Paano Natatamo ang Kagalakan?

Naniniwala ako na ang pagkakaiba ng mabuting kagalakan at makamundong kasiyahan ay nagtuturo at tumutulong sa atin na mas maunawaan ang katangian ng tunay na kagalakan. Nagmumula ang kagalakan sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, marapat na tinatanggap at matapat na tinutupad ang mga sagradong ordenansa at tipan, at nagsisikap na lubos na magbalik-loob sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga layunin. Ang kasiyahan ay resulta ng “paglilibang,” “mapaglaro [at] karaniwang maingay at maharot na kilos o pananalita,” o kaaliw-aliw na palipasan.10 Ang isang araw na paglilibang sa Disneyland ay kasiya-siya. Ang marapat na paghahanda at pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento ay kagalak-galak.

Ang kagalakan, higit sa lahat, ay espirituwal; ang kasiyahan ay temporal. Ang kagalakan, higit sa lahat, ay nagtatagal; ang kasiyahan ay pansamantala lamang. Ang kagalakan, higit sa lahat, ay malalim at sagana; ang kasiyahan ay mababaw. Ang kagalakan, higit sa lahat, ay buo at ganap; ang kasiyahan ay bahagya lamang. Ang kagalakan, higit sa lahat, ay mas nauukol sa mortalidad at sa kawalang-hanggan; ang kasiyahan ay sa mortalidad lamang.

Napakahalaga para sa atin na huwag malito o ipagpalit ang tumatagal at malalim na kagalakan ng matapat na pagkadisipulo sa pansamantala at mababaw na kasiyahan.

Ang Manunubos ang tunay at tanging pinagmumulan ng tumatagal at walang hanggang kagalakan. Pinatotohanan ni propetang Jacob: “Datapwat, masdan, ang mabubuti, ang mga Banal ng Israel, sila na nangagsipaniwala sa Banal ng Israel, sila na nangagsipagtiis sa mga pasakit ng daigdig, at nasuklam sa kahihiyan nito, sila ay magmamana ng kaharian ng Diyos, na inihanda para sa kanila mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at ang kanilang kagalakan ay malulubos magpakailanman” (2 Nephi 9:18; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang Tunay na Pinagmumulan ng Kagalakan

Dahil sa plano ng Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang taos-pusong pagsisisi ang aanyaya sa atin na bumaling at umasa kay Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng kagalakan. Mangyaring pag-isipang mabuti ang tugon ng mga tao kay Haring Benjamin sa kanyang mga itinuro tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas:

“At ngayon, ito ay nangyari na, nang si haring Benjamin ay matapos sa pangungusap sa mga salitang ibinigay sa kanya ng anghel ng Panginoon, ay iginala niya ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at masdan, sila ay nangapalugmok sa lupa, sapagkat ang pagkatakot sa Panginoon ay nanaig sa kanila.

“At nakita nila ang sarili sa kanilang makamundong kalagayan, maging higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao.

“At ito ay nangyari na, na matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo na paparito” (Mosias 4:1–3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Dahil sa plano ng Ama sa Langit at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nag-aanyaya sa atin ang pagsunod na sundin si Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng kagalakan. Ipinahayag ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo:

“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig.

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:10–11;idinagdag ang pagbibigay-diin).

“At walang taong tatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan.

“Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 93:27–28).

Dahil sa plano ng Ama sa Langit at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang paglilingkod ay nag-aanyaya sa atin na tularan ang mga katangian ni Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng kagalakan. Kamakailan ay nabasa ko ang isang pahayag ni Kevin J Worthen, Pangulo ng Brigham Young University, tungkol sa lubos na kagalakan. Sabi niya, “Naniniwala ako na ang isang sukatan ng ating walang hanggang pag-unlad ay kung gaano kalaki ang kagalakang matatamo natin mula sa paglilingkod.”11

Sinabi ni Nakababatang Alma sa kanyang anak na si Helaman: “Ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman; upang sila rin ay isilang sa Diyos, at mapuspos ng Espiritu Santo” (Alma 36:24; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Maaalala ninyo ang kagalakan ni Ammon nang isalaysay niya ang kanyang ginawang misyon sa mga Lamanita:

“Masdan, ang aking kagalakan ay lubos, oo, ang aking puso ay nag-uumapaw sa kagalakan, at ako ay nagsasaya sa aking Diyos. …

“Masdan, kayrami sa libu-libo nating mga kapatid ang pinawalan niya mula sa mga pasakit ng impiyerno; at sila ay nadala na magsiawit ng mapagtubos na pag-ibig, at ito ay dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita na nasa atin, kaya nga hindi ba may malaking dahilan upang tayo ay magsaya? …

“… Ngayon, ito ang aking kagalakan, at aking labis na ipinagpapasalamat; oo, at ako ay magbibigay-pasasalamat sa aking Diyos magpakailanman” (Alma 26:11, 13, 37; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Portrait of Christ

No Harm Can Befall With My Comforter Near [Hindi Mapapahamak sa Piling ng Aking Mang-aaliw], ni Michael Malm

Dahil sa plano ng Ama sa Langit at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang mga pagsubok at paghihirap ay nag-aanyaya sa atin na itaas ang ating mga mata (tingnan sa Isaias 40:26; Awit 123:1–2) kay Jesucristo, ang tunay na pinagmumulan ng kagalakan. Ang natatanging pananaw na ibinigay sa pamamagitan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagtutulot sa atin na matutuhan ang mga aral na naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng mga paghihirap ng mortalidad. Ang ating mga pagdurusa at kasawian ay maaaring “malulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31: 38) at itinalaga para sa ating kapakinabangan (tingnan sa 2 Nephi 2:2), “nang ang [ating] pagganap ay maging para sa kapakanan ng [ating] mga kaluluwa” (2 Nephi 32: 9). Sa gayon ang kagalakan ay nagtatagal sa paglipas ng panahon at sa pamamagitan ng karanasan na kapwa mabuti at masama dahil sa ating kaalaman sa plano ng Ama at ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagsunod, paglilingkod, at isang pananaw ng ebanghelyo tungkol sa mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay na ito ay nag-aanyayang lahat sa atin na lumapit sa pinagmumulan ng walang hanggang kagalakan—si Jesucristo. Inaanyayahan ko kayong tukuyin, pag-aralan, at mapanalanging pag-isipan ang karagdagang alituntunin na makatutulong sa atin na matanggap ang mahahalagang espirituwal na kaloob na ito ng kagalakan.

Isang Pangakong Puno ng Kagalakan

Ang walang hanggang kagalakan ay pagpapala na hindi lamang nakalaan sa iilang pinili. Bagkus, bawat miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon na nagsisikap na alalahanin at tuparin ang mga sagradong tipan at sundin ang mga kautusan ay makatatanggap ng kaloob na ito, alinsunod sa kalooban at takdang panahon ng Diyos. Sa Kapaskuhang ito, nawa ang bawat isa sa atin ay pagsikapang pahalagahan nang mas lubusan ang dakilang kaloob na kagalakan. Kapag ginawa natin ito, nawa’y simulan nating tingnan ito nang may bagong pananaw at pakinggan nang may bagong pang-unawa tulad ng “mga Santo at anghel [na nag-aawitan],” sa ating “[pag-awit] muli [ng] maligayang himig,” at sa ating “palaging [pagsamba] sa Diyos.”12

Buong kagalakan kong ipinapahayag ang aking tiyak na patotoo na buhay at banal ang Panginoong Jesucristo.

Mga Tala

  1. “Bilang mga Kabataang Sion,” Mga Himno, p.158.

  2. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  3. “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.

  4. “While Shepherds Watched Their Flocks,” Hymns, no. 211.

  5. “O Magsaya,” Mga Himno, blg. 121.

  6. Russell M. Nelson, “Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 118–19.

  7. English Oxford Living Dictionaries, “joy,” en.oxforddictionaries.com; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  8. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “kagalakan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  9. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  10. Merriam Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “fun,” merriam-webster.com.

  11. Kevin J Worthen, “Enter to Learn; Go Forth to Serve” (Brigham Young University commencement address, Ago. 16, 2018), 3, speeches.byu.edu.

  12. “O Magsaya.”