2019
Ang Paghahanap ng Kaligayahan
Disyembre 2019


Ang Paghahanap ng Kaligayahan

Isinasabuhay ko ang ebanghelyo. Bakit mailap pa rin ang kaligayahan?

blocks

Mga larawang kuha ng Getty Images

Sa gitna ng gabi. Biglang didilat ang mga mata ko, iniistorbo ang balisa kong pagtulog. “Naku,” naisip ko. “Ito na naman.”

Ngunit halos biglaang nagsisimula ang pangangatog. Sa isang nakakatakot na panginginig na kasing hirap at kakaiba tulad ng biglaang panghihina, ang buong katawan ko ay nagsimulang kumisay-kisay na parang isang siezure. Nag-iinit ang mga kamay at paa ko mula sa hindi makitang pinanggagalingan. Nagising ang asawa ko at hinawakan ako nang mahigpit, pinapanatag ako sa kanyang tahimik na presensya.

Kaligayahan, na minsan ko nang itinuring na normal kong kalagayan, ay hindi ko na matagpuan ngayon.

Kung mayroon akong isang tanong sa madilim na gabing iyon—bukod sa kung ano ang pisikal na nangyayari (na kalaunan ay nalaman ko na)—ito ay kung bakit nalulungkot ako kahit na sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Maraming posibleng hadlang sa kaligayahan. Tiyak na isa na dito ang kasamaan (tingnan sa Alma 41: 10). Subalit maging sa matatapat, kung minsan ay tila ba mahirap makuha ang kaligayahan.

Lahat tayo ay may mga sandali kung kailan kailangan nating marinig na darating din ang maliligayang araw. Siguro pinagdadaanan mo ito ngayon. Kung gayon, hayaan mong sabihin ko sa iyo nang buong taimtim na tiyak na darating din ang maliligayang araw sa buhay mo. Umaasa ako na itutuloy mo muna ang pagbabasa nito bago mo sabihing mangmang o walang muwang ang maikling pahayag na iyan.

Talagang naniniwala ako, anuman ang pinagdaraanan mo, maaari mong matamo ang higit na kaligayahan.

Hayaan mo akong ipaliwanag kung bakit.

Ano ang Kaligayahan?

Ano nga ba ang kaligayahan? Iyan ba ang nadarama mo kapag may isang tao na patagong naglagay ng paborito mong meryenda sa iyong lunch box? Ito ba ay pagtaas ng sweldo sa trabaho? Pagpapakasal sa iyong walang hanggang kabiyak? Pakiramdam na nalinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Lahat ba ng sagot sa itaas?

Ipapakita ng talakayang ito kung ano ang maaaring ituro ng ebanghelyo, pati na rin ng sikolohiya, tungkol sa kaligayahan. Sa pahina 18 ng isyung ito, itinuturo sa atin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mahalagang katotohanan na ang tunay na kagalakan ay isang buhay na nakasentro kay Jesucristo.

Gayundin, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang sukdulangkaligayahan, ang tunay na kapayapaan, at anumang di nalalayo sa kagalakan sa banal na kasulatan ay matatagpuan una, higit sa lahat, at magpakailanman sa pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maraming iba pang mga pilosopiya at sistema ng paniniwala ang nasubukan na. Sa katunayan, masasabi ko na halos bawat iba pang pilosopiya at sistema ay sinubukan na sa paglipas ng mga siglo ng kasaysayan.”1

Kung ang bawat pilosopiya ay nasubukan na, magiging imposible na magsama ang isang detalyadong listahan. Gayon pa man, narito ang ilang mga paniniwala ng mundo tungkol sa kung paano maging maligaya.

Ayon sa mundo, ang walang hanggang kaligayahan ay matatagpuan sa:

  • Pagkakamit ng kasaganaang pinansyal, lalo na kung ito ay higit pa sa mga nasa paligid mo.

  • Pagiging sikat.

  • Pamumuhay na puno ng kaginhawaan, paglilibang, at kasiyahan.

  • Paglalakbay nang malayo at maranasan mismo ang mga hiwaga ng mundo.

  • Pagkakamit ng posisyon ng kapangyarihan o awtoridad sa propesyon mo, komunidad, o anumang iba pang mga sitwasyon.

  • Pagbabago sa iyong katawan upang maging mahubog at maganda ito.

Ano ang pagkakapare-pareho ng mga estratehiyang ito? Una sa lahat, nakabatay ang lahat ng ito sa mga sitwasyon. Ngunit tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”2

Muli, ano ang dapat nating pagtuunan upang mahanap ang kagalakang iyon? Itinuro ni Pangulong Nelson, “Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ang kagalakan!”3

Ang kagalakan ay hindi isang emosyon na masaya lamang kung makuha mo ito. Hindi, inilarawan ni Pangulong Nelson ang kagalakan bilang “isang alituntunin na mahalaga sa ating espirituwal na kaligtasan.”4

Kaya‘t ang galak at kaligayahan ay malinaw na karapat-dapat na paghirapan. At karamihan sa atin ay handang pagsikapan ito. Kung gayon, bakit marami—kabilang na ang mabubuti—ang patuloy na nahihirapan?

Una, ang mismong paghihirap na iyan ang susi sa kung bakit tayo narito sa simula pa.

Narito upang Umunlad

Kung minsan iniisip natin na ang kaligayahan ay isang buhay na walang problema o paghihirap. Gayunman, ang buhay na walang paghihirap ay hindi nagtutulot sa atin ng pag-unlad na siyang kailangan nating maranasan dito.

Minsang itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926-2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang buhay ng isang tao … ay hindi maaaring kapwa puno ng pananampalataya at walang paghihirap. …

“… Paano natin iniisip na magiging madali ang buhay, na parang sinasabi sa Panginoon, pahingi po ng karanasan, ngunit huwag ng pighati, lungkot, pait, oposisyon, pagtataksil, at huwag po akong pabayaan. Ilayo po ninyo, Panginoon, ang lahat ng karanasang humubog sa Inyo! At hayaan akong lumapit at manahan sa Inyong piling at makabahagi sa Inyong kagalakan!’”5

Malinaw na kailangan natin ang mga paghihirap sa buhay para umunlad, at ang pagiging mabuti ay hindi nag-iiwas sa atin sa pagdurusa. Suriin ang buhay nina Joseph Smith, Job, mga tao ni Alma, at lalo na ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.6

Hindi, ang matwid na pamumuhay ay hindi nag-iiwas sa atin mula sa lahat ng problema at pagsubok. Walang sinuman ang nakaiiwas. Ngunit maaari din nating asahan ang tulong at pagpapagaling mula sa Diyos (tingnan sa Alma 36: 3, 27). Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Para sa inyo, na mabubuti, ang Manggagamot ng ating kaluluwa, sa Kanyang panahon at pamamaraan, ay pagagalingin ang iyong mga sugat.”7

Kung pakiramdam mo ay sugatan ka, abot-kamay ang paggaling. Diyan makakatiyak ka (tingnan sa Mosias 14:4–5).

Kaligayahan at Genetika

Isang bagay na maaaring isaalang-alang habang maaga pa: ipinapakita ng pananaliksik na malaking bahagi ng ating basehan ng nararamdaman, kalusugang pangkaisipan at kaukulang kaligayahan sa araw-araw na mga gawain ay naiimpluwensyahan ng genetika.

Hindi lahat ay may parehong uri ng katawan o kulay ng buhok. Gayundin, hindi lahat ay natural na masayahin. Ngunit iyan ay isang piraso lamang ng puzzle.

Isinulat ng Brigham Young University professor na si Hank Smith, “Ano kaya kung kayo ay talagang minalas sa DNA? Ibig ba nitong sabihin na ikaw ay wala nang pag-asa—na hindi ka kailanman magiging masaya at wala kang magagawa tungkol dito? Siyempre hindi. … Kung ang mga kemikal sa iyong utak ay hindi kumikilos sa paraang inaasahan sa mga ito dahil sa mga namanang ugali (tulad ng depresyon, pagkabahala, atbp.), may mga gamot at gawain na maaaring magpalusog sa mga kemikal na iyon”8

Suriin natin ang ilan sa mga estratehiya—ilan mula sa ebanghelyo, at ang iba mula sa siyentipikong pag-aaral—na makadadagdag sa ating mga oportunidad para sa kaligayahan.

mother with children

Siyam na Estratehiya ng mga Taong Masaya

Estratehiya 1. Ipamuhay ang Ebanghelyo

Tulad ng itinuturo nina Pangulong Nelson, Elder Holland, Elder Bednar, at ng iba pa, ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tinatawag ding “plano ng kaligayahan” (tingnan sa Alma 42: 8). Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga payo tungkol sa pangangailangan sa kabutihan para sa tunay na kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:13 at Mosias 2:41 para sa dalawang halimbawa maliban sa marami) pang iba.

Simple lang ito, malakas, at pangunahing kailangan. Ang lubos na pagtanggap at pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang pinakamahalagang hakbang na maaari mong gawin upang magkaroon ng mas malaking kagalakan at kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Estratehiya 2: Gugulin ang Inyong Araw “Sa Paggawa ng Mabuting Bagay” (Doktrina at mga Tipan 58: 27)

Ang pagmamana ng kayamanan upang makapagpahiya ka sa dalampasigan magpakailanman ay halos tiyak na makakapinsala sa iyong kaligayahan—kahit ang kabaliktaran ang sinisigaw ng lohika ng mundo. Ang totoo, kailangan nating manatiling nakatuon sa makabuluhang gawain para maging masaya.

“Tama si Franklin D. Roosevelt: ‘ Ang kaligayahan ay hindi lamang nakasalalay sa hawak na pera; nakasalalay ito sa kagalakan ng tagumpay, sa kagalakan ng malikhaing pagsisikap.’”9

Ang makabuluhang gawain ay lumilikha ng isang kasiyahan na hindi natin makukuha sa iba pang paraan.

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “kaligayahan ay karaniwang kinapapalooban ng matagal na pagsisikap para sa isang bagay na mas mahalaga sa buhay.”10 Ang makabuluhang gawain ay higit pa sa uri ng trabaho o propesyon. Kabilang dito ang pagpapalaki sa mga anak, paglilingkod sa Simbahan, o boluntaryong pagbibigay ng iyong oras at talento.

Estratehiya 3: Piliin ang Pasasalamat

Ang kapangyarihan ng pamumuhay nang may pasasalamat ay kayang makapagpabago sa araw-araw sa pag-iisip kaya iyon ay kadalasang tinutukoy na isang paraan para “baguhin ang iyong isipan.”

Maging matapat—kahit tila maayos na tumatakbo ang buhay, ang mapagmatiyag na mata ay makakahanap pa rin ng isang bagay na mairereklamo. Ang kabaligtaran nito, gayunman, ay totoo rin: gaano man kahirap ang mga bagay, lagi tayong may mahahanap na bagay na maipagpapasalamat.

At dito may magandang mangyayari.

Narito ang isang simple ngunit mabisang eksperimento: subukanng magsulat sa journal ng pawang pasasalamat lamang. Bawat araw sa loob nang hindi kukulangin sa tatlong linggo, magsulat ng tatlong bagay na ipinagpapasalamat mo na nangyari noong araw na iyon. Bukod pa riyan, huwag mag-atubiling magdagdag ng ilang karaniwang bagay na pinasasalamatan mo tulad ng mga bulaklak, pamilya, o pagkain.

Hindi nagtagal makikita mo na hindi mo lamang madaling mapapansin ang mga bagay na maaari mong idagdag sa iyong listahan, kundi nagsisimula kang tunay na umasang mahahanap mo ang mga ito. Sa pamumuhay nang may higit na pasasalamat, matutulungan kang mas makahanap ng kagalakan sa iyong kasalukuyang sitwasyon, na may makabuluhan at tuwirang epekto sa iyong kaligayahan.11

Iniulat ng Forbes magazine, “Ang paggiging mapagpasalamat ay hindi kailangan ng pera at tiyak hindi kumukuha ng maraming oras, ngunit ang mga benepisyo ay napakalaki.”12

Ano ang pinagpapasalamat mo ngayon?

Estratehiya 4: Mag-ukol ng Oras sa Labas

man jogging

Ang pag-uukol ng oras sa labas, lalo na sa kalikasan, ay nag-aalok ng lahat ng uri ng mga benepisyo, tulad ng pagbaba ng stress at tibok ng puso, o pagbabawas ng iyong mga iniisip.

Iniulat ng Time magazine ang isang pag-aaral tungkol sa likas na kakayahan ng kalikasan na muli tayong pasiglahin. Ayon sa pag-aaral, “Nagsisimulang makadama ang mga tao ng lakas pagkatapos ng 15 minuto lang na pagkakaupo sa labas sa mga parke at gubat.”13

Mahirap maging masaya kung patuloy tayong nawawalan ng lakas at naii-stress. Subukang lumabas nang mga kalahating oras sa ilang araw sa loob ng isang linggo, mas maraming araw kung maaari. Bakit hindi ka mamasyal at magsaya nang mas madalas?

Estratehiya 5: Bawasan ang Oras sa Screen

Ang napakaraming oras sa screen ay hindi mabuti para sa ating kaligayahan. Ang panahong inuukol mo na nakatitig sa TV screen, computer, tablet, o phone ay nakakadagdag at maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa ating kalusugan, lalo na pagdating sa social media. Ipinaliwanag ng sikat na manunulat na si Jean M. Twenge, na nag-aral nang husto sa paksang ito: “Kapag mas maraming oras na ginugugol [ang mga tao] sa pagtingin sa screen mas malamang na makitaan ng mga sintomas ng depresyon.”14

Sinabi ni Pangulong Nelson, “Kung mas binibigyan ninyo ng atensyon ang mga feed ninyo sa social media kaysa sa mga bulong ng Espiritu, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa espirituwal na kapahamakan—gayundin ang kapahamakan ng pagdanas ng matinding pag-iisa at depresyon.”15

Kaya sige, bigyan ng ilang oras ang sarili mo na malayo sa screen. Pasasalamatan mo ang sarili mo kinalaunan.

Estratehiya 6: Isipin ang Kasalukuyan

Kung ikaw ay tao, malamang na halos 100 porsiyento na may nagawa o nasabi kang pinagsisihan mo. Malamang, maraming bagay. Ang kakatwa, gayunpaman, ay mas madalas pang gustong paulit-ulit na isipin ng mga tao ang mga bagay na iyon.

Ang manunulat na Banal sa mga Huling Araw na si John Bytheway ay nagsulat tungkol mga problema ng paglingon sa nakaraan: “Ang mga kahabag-habag na tao ay may isang basurahan sa puno ng pagkakamali. Bawat araw iniisip nila nang paulit-ulit ang kanilang mga pinanghihinayangan at paulit-ulit na nagsisisi. Ang kanilang pananalita ay puno ng mga pariralang tulad ng, ‘Dapat ginawa ko,’ ‘Sana ginawa ko,’ ‘Kung ginawa ko lang,’ ‘Bakit hindi ko ginawa?’ at ‘Kung lamang.’ Hindi nila tinitingnan kung saan sila pupunta dahil hindi nila inaalis ang kanilang paningin sa pinanggalingan nila.”16

Isinulat din niya ang tungkol sa magkaugnay na problema ng masyadong pag-iisip sa hinaharap: “Ang mga kahabag-habag na tao ay naghahanap ng kasiyahan sa mga hindi pa nangyayari. ‘Kapag nakatapos ako, magiging masaya ako.’ Kapag nakatapos na, sasabihin nila, ‘Kapag nagkatrabaho ako, magiging masaya ako.’ Matapos silang makakuha ng trabaho, sasabihin nila, ‘Sige, kapag ikinasal ako, magiging masaya ako.’ … Kung determinado kang maging miserable, isipin mo na ang buhay na isang waiting room, at kaligayahan ang doktor mo.”17

Mahahanap natin ang pinakadakilang kaligayahan at kapakanan kung mabubuhay tayo at magtutuon sa kung ano ang nangyayari sa ating buhay ngayon.

Sa mga eksperto sa kalusugan at pangkaisipan, ang katagang pag-iisip ay maikling paglalarawan nang lubos na pagiging abala sa sandaling iyon.

Payo ng mga eksperto sa kalusugan at pangkaisipan, “Ang takot at kawalan ng kapanatagan tungkol sa nakaraan at sa hinaharap ay magpapahirap nang lubos na makahanap ng kasiyahan sa kasalukuyan.”18

Narito ang ilang payo kung paano mamuhay nang may pag-iisip:

  1. Magsulat sa journal ng pawang pasasalamat lamang (tingnan sa estratehiya 3 sa itaas), isa-isahin lalo na ang ilang bagay na pinasasalamatan mo sa araw na iyon.

  2. Mag-ukol ng oras na magnilay-nilay araw-araw. Maghanap ng isang mapayapang lugar kung saan walang mga gambala. Pumikit at pagtuunan ng pansin ang iyong paghinga. Kung may maisip, tanggapin ang mga ito, palayain ito, at pagkatapos ay bumalik sa pagtutuon sa iyong paghinga. Maaaring tila kakaiba ito, ngunit ito ay magandang ensayo sa isip para sa pagtutuon sa kasalukuyan.

  3. Mas magbigay-pansin sa mga bagay na karaniwang ginagawa mo na hindi mo namamalayan, tulad ng paghuhugas ng mga pinggan, pagmamaneho, o maging ang pagkain. Damhin ang tubig na may sabon sa inyong mga kamay. Masdan ang mga puno, mga tao, at mga gusali habang nagmamaneho. Lasapin at namnamin ang bawat pagkagat.

  4. Ipagdasal na mapansin ang mga taong nangangailangan ng tulong mo sa araw na iyon. Pagkatapos ay makinig na mabuti at maging handang kumilos.

  5. Palitan ang iyong mga gawain paminsan-minsan at subukan ang isang bagong ruta pauwi, sa hindi pamilyar na disenyo ng iba’t ibang tindahan, o pag-iba ng mga karaniwang ginagawa mo sa gabi.

Estratehiya 7: Makipag-ugnayan sa Iba

Sa kaligayahan at pangkalahatang kalusugan, ang pagtutuon sa makabuluhang pakikipag-ugnayan ay mahalaga.

Isinulat ni Emma Seppälä, PhD, na “ang matibay na pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha ay:

  • humahantong sa 50% na tyansang humaba ang buhay

  • nagpapalakas sa iyong immune system …

  • tumutulong sa iyo para mas gumaling kaagad sa sakit.”

Pagpapatuloy pa niya, “Ang mga tao na nakadadama na mas konektado sila sa iba ay may mas mababang antas ng pagkabalisa at depresyon.”19

Pagdating sa makabuluhang relasyon, ang ilang malalim na relasyon ay malamang na mas matatag kaysa sa maraming mababaw na relasyon. Hindi natin kailangan punuin ang mga libreng oras natin sa patuloy na pagkikipag-usap, ngunit kailangang-kailangan natin ang pakikikipag-ugnayan sa tao. Maging sa mga mahiyain, maraming paraan na mapapalalim ang koneksyon ninyo sa mga kaibigan at pamilya.

Patungkol sa pamilya, itinuro minsan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa ugnayan sa pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras.”20

Dahil nagbawas ka na ng oras sa paggamit ng screen (tulad ng nabanggit ko na), maaari mong palitan ang ilan sa mga ito ng harapang pakikipag-usap. Ang mga pagbisita, mga liga, samahan ng mga nangongolekta ng stamp … o anumang bagay na tutulong sa iyo na makipag-ugnayan sa iba ay makadaragdag sa iyong kaligayahan at kapakanan.

Estratehiya 8: Pangalagaan ang Iyong Templo

Ang pagtulog nang mahimbing, wastong nutrisyon at sapat na ehersisyo ay nagbubunga ng malaking kaligayahan. Ang ating damdamin ay nakasentro sa ating utak, kung saan, tulad ng iba pang organ sa iyong katawan, ay nakikinabang nang malaki sa mabuting kalusugan.

Kabilang sa mga hakbang para mapabuti ang iyong pisikal na kalusugan ang pag-aalaga sa iyong utak, na bahagi ng iyong pisikal na katawan. Ito ay makatutulong sa iyo na makapag-isip nang mas malinaw, mas makapag-focus, at mapatibay ang iyong damdamin.

Sa mga gawi na pangkalusugan, isang mabuting gawin ay magsimula nang paunti-unti at gumawa ng paisa-isang pagbabago. Magsimula sa maliliit na bagay katulad ng dagdag na paglalakad o gawing mas masustansiya ang iyong kinakain, kapag maaari. Malaking bagay ang maliliit na pagbabago.

Estratehiya 9: Tumingin sa Labas

Ang nakaraang walong estratehiya ay tila mas malinaw kaysa sa huling ito, ngunit ang kaligayahan ay kadalasang matatagpuan kung kayo ay hindi nakatuon dito mismo.

Itinuro ni Elder Holland: “ang kaligayahan ay hindi madaling mahanap sa diretsong pagtakbo papunta doon. Ito ay karaniwang masyadong mailap, masyadong panandalian, masyadong tuso. Kung hindi mo pa ito alam, malalaman mo sa darating na mga taon na kadalasan ang kaligayahan ay dumarating sa atin sa panahong bahagyang-bahagya lang natin inaasahan, kapag abala tayo sa paggawa ng ibang bagay. Ang kaligayahan ay halos palaging resulta ng iba pang gawain.”21

Sa lahat ng paraan, gawin ang lahat ng maaari upang magkaroon ng pamamaraan at gawi para sa kaligayahan. Matapos natin gawin ang lahat ng makakaya natin, gayunman, ito ang panahon upang tumingin sa labas at hayaang kaligayahan ang maghanap sa iyo sa paghahangad nating tulungan ang iba.

Kaligayahan at Sakit sa Pag-iisip

Pagdating sa mga karamdaman tulad ng kalungkutan at pagkabalisa, ang kaligayahan ay nagiging isang mas kumplikadong bagay. Ang mga hatinggabi ng panginginig na binanggit ko kanina ay sintomas pala ng pag-aalala na dulot ng sakit na depresyon.

Sa buhay ko, nang ako’y ganap na naghihingalo sa kadiliman at kawalan ng katiyakan, ang tawag diyan ay depresyon, hindi ko na magawang “piliing maging masaya” tulad ng hindi ko mapipili ang aking taas o kulay sa mata.

Ang lagi kong mapipili, gayunpaman, ay labanan ang kadiliman. Maaari akong magsumamo sa Diyos. Magagamit ko ang lahat ng bagay para sa sarili ko, mula sa pananampalataya at panalangin hanggang sa makabagong medisina.

Para sa akin, ang matagumpay na pagdaig sa mga pag-atake ng depresyon ay laging kinapapalooban ng iba’t ibang pamamaraan. Kailangan kong bantayan ang aking pisikal na kalusugan (pag-eehersisyo, nutrisyon, pagtulog), mga medikasyon sa kalusugan (gamot, bitamina, konsultasyon sa doktor), emosyonal na kalusugan (counseling, pakikipag-ugnayan sa iba) at ang espirituwal na kalusugan (panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, paglilingkod sa Simbahan, oras sa templo) sa balanseng paraan.

Sa kabila ng ilang masasakit na naranasan ko sa paglipas ng mga taon mula sa depresyon, napakapalad ko na maranasan ang kaligayahan at positibong bagay sa halos lahat ng panahon! Nakikiramay ako sa inyo na mas malakas at mas matinding naapektuhan ng karamdaman sa pag-iisip kaysa sa akin, ngunit kahit para sa inyo, lubos akong naniniwala na pagagalingin ng Pangulo ng Kapayapaan ang lahat ng inyong kalungkutan (tingnan sa Juan 14:27).

Maraming kasinungalingan ang sinasabi ng depresyon pagdating sa kaligayahan. Iginigiit nito na ang mga bagay ay hindi kailanman bubuti pa. Isang malakas na panlaban sa kasinungalingang ito—para sa akin—ay matatagpuan sa paborito kong himno na, “Pumayapa, Aking Kaluluwa.”

Pumayapa, aking kaluluwa:

Diyos ang patnubay mo at kalinga.

Pag-asa mo ay h’wag mapaparam,

Bawat hiwaga’y may kasagutan.22

Magagandang katotohanan, hindi ba? Habang inaalala ko ang aking buhay, walang duda na binasbasan ako ng Diyos, pinalakas at ginabayan sa lahat ng aking ginagawa. Kaya, alam kong naririyan Siya para sa akin sa hinaharap, tulad ng alam ko na gagabayan kayo ng Diyos sa inyong landas papunta sa mas masasayang araw.

Sa pamamagitan Niya, ang inyong kaligayahan ay magagawang ganap balang-araw.

Mga Tala

  1. Jeffrey R. Holland, “Ang Landas ng Ebanghelyo Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Set. 2017, 17.

  2. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  3. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan.” 82.

  4. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan.” 81.

  5. Neal A. Maxwell, “Lest Ye Be Wearied and Faint in Your Minds,” Ensign, Mayo 1991, 88.

  6. Tingnan sa Isaias 53:7; Mosias 23–24; at Joseph Smith—Kasaysayan 1.

  7. Neil L. Andersen, “Sugatan” Liahona, Nob. 2018, 86.

  8. Hank Smith, Be Happy (2017), 17–18.

  9. Arthur C. Brooks, “A Formula for Happiness,” New York Times, Dis. 14, 2013, nytimes.com.

  10. Ulisses Soares, “Mga Landas patungo sa Tunay na Kaligayahan,” Liahona, Abr. 2018, 46.

  11. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 81–84.

  12. Amy Morin, “7 Scientifically Proven Benefits of Gratitude That Will Motivate You to Give Thanks Year-Round,” Forbes, Nov. 23, 2014, forbes.com.

  13. Florence Williams, “How Just 15 Minutes in Nature Can Make You Happier,” Time, Peb. 7, 2017, time.com.

  14. Jean M. Twenge, “Have Smartphones Destroyed a Generation?” The Atlantic, Set. 2017, theatlantic.com.

  15. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  16. John Bytheway, How to Be Totally Miserable (2007), 57.

  17. John Bytheway, How to Be Totally Miserable, 33.

  18. “Minfulness,” psychologytoday.com.

  19. Emma Seppälä, “Connectedness & Health: The Science of Social Connection Infographic,” Abr. 11, 2014, emmaseppala.com.

  20. Dieter F. Uchtdorf, “Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 22.

  21. Jeffrey R. Holland, “Ang Landas ng Ebanghelyo Tungo sa Kaligayahan,” Liahona, Set. 2017, 16.

  22. “Pumayapa, Aking Kaluluwa,” Mga Himno, blg. 71.