2020
Pagtanggap at Pag-unawa sa Miyembrong Hindi Magkaanak
Marso 2020


Pagtanggap at Pag-unawa sa Miyembrong Hindi Magkaanak

Nadama kong wala akong puwang sa simbahan dahil sa hindi pagkakaroon ng anak.

church bench

Mga paglalarawan ni J. Beth Jepson

Hindi ko kailanman nadama na hindi ako tanggap sa Simbahan hanggang sa magkaroon kami ng aking asawang si Cameron ng problema sa hindi pagkakaroon ng anak. Ang mga bata at pamilya na karaniwang nagbibigay sa akin ng kagalakan sa tuwing nakikita ko sa Simbahan ay nagsimula na ngayong magdulot sa akin ng lungkot at pighati.

Pakiramdam ko ay wala akong silbi dahil wala akong kargang anak o bitbit na gamit ng bata. Sa Relief Society, nag-anunsyo ng pagtitipon ng mga bata, masayang nag-usap-usap ang mga ina, at tila ang lahat ng aralin ay tungkol sa pagiging ina.

Nakadama ako ng kakulangan.

Wala akong anak na madadala sa pagtitipon ng mga bata. Wala akong personal na kuwento na maibabahagi tungkol sa pagpapalaki ng aking anak sa ebanghelyo.

Gustung-gusto kong sumali sa mga usapan tungkol sa pagiging ina at makipagkaibigan sa kababaihan sa aming ward, pero pakiramdam ko ay walang koneksyong namamagitan sa amin dahil hindi ako isang ina.

Ang pinakamahirap na araw ng Linggo ay iyong unang pagsimba namin sa bagong ward. Dahil wala kaming anak, tinanong kami kung bagong kasal kami at kung kailan namin planong magkaanak. Mahusay na ako sa pagsagot ng mga tanong na ito at hindi ko hinahayaang makaapekto ang mga ito sa akin—alam kong hindi naman nila intensyong makasakit ng damdamin.

Gayunpaman, sa partikular na araw na iyon ng Linggo, napakahirap sagutin ng mga tanong na iyon. Kamakailan lang ay nalaman namin, pagkatapos umasa, na—muli—hindi ako nagdadalang-tao.

Naglakad ako papasok sa sacrament meeting na mabigat ang loob, at mahirap para sa akin na sagutin ang mga karaniwang tanong na iyon na ginagamit para makilala ang isa’t isa. Sa oras ng sakramento, minasdan ko ang kongregasyon para maghanap ng iba pang mga batang mag-asawa na walang anak na maaaring makaunawa sa amin. Wala kaming nakita.

Ngunit ang labis na nagpalungkot sa akin ay ang Sunday School. Ang aralin—na nilayong talakayin ang sagradong tungkulin ng mga ina—ay biglang naiba at naging oras ng paghihimutok tungkol sa pagiging ina. Nalungkot ako at tahimik na dumaloy ang mga luha sa aking mga pisngi nang marinig kong nagrereklamo ang kababaihan tungkol sa isang biyaya na handa akong ibigay ang lahat para lang magkaroon.

Dali-dali akong lumabas sa simbahan. Noong una, ayaw ko nang bumalik. Ayaw kong maranasan muli ang pakiramdam na nag-iisa ako. Ngunit noong gabing iyon, matapos kaming mag-usap ng aking asawa, alam namin na patuloy kaming magsisimba hindi lang dahil iniutos sa amin ng Panginoon, kundi dahil alam namin pareho na ang kagalakang nagmumula sa pagpapanibago ng mga tipan at pagdama sa Espiritu sa simbahan ay nakahihigit kaysa sa kalungkutang nadama ko noong araw na iyon.

couple sitting at church

Nadarama Nating Lahat Paminsan-minsan na Tila Hindi Tayo Kabilang

Ang karanasang iyon ay nangyari apat na taon na ang nakararaan. Lumipas na ang panahon. At wala pa rin akong kargang sanggol o bitbit na gamit ng bata, ngunit alam ko na ngayon na kabilang ako sa simbahan.

Habang pinaglalabanan ang aking sariling kalungkutan, naging mas mapagmasid ako sa mga nakapaligid sa akin. Minamasdan ko pa rin ang kongregasyon, ngunit sinisikap ko ngayon na hanapin ang mga taong maaaring nagsisimba ngunit nakadarama na hindi sila tanggap. At natutuhan ko rin na nadarama nating lahat paminsan-minsan na tila hindi tayo kabilang.

Sa Simbahan, may mga miyembrong balo, hiwalay sa asawa, at walang-asawa; mga miyembrong may mga kapamilya na tumigil sa pagsasabuhay ng ebanghelyo; mga miyembrong may malubhang sakit o problema sa pananalapi; mga miyembrong naaakit sa kapwa nila lalaki o kapwa nila babae; mga miyembrong nagsisikap na madaig ang adiksyon o pagdududa; mga miyembrong bagong binyag; mga miyembrong bagong lipat; mga miyembrong namumuhay nang mag-isa; at marami pang iba.

Maaaring maramdaman ng bawat isa sa atin na ang mga pagsubok o kalagayan natin ang nagiging balakid para mapabilang tayo, ngunit ang katotohanan ay kabilang tayo sa Simbahan ni Cristo dahil sa pagkakaiba-iba ng ating buhay at mga personal na paghihirap natin.

Tanggap Tayo ng Ating Tagapagligtas

Ang layunin ng pagiging miyembro ng Simbahan ay sumunod sa Kanya. Tanggap tayo ng ating Tagapagligtas, kaya kabilang tayo sa Kanyang Simbahan. Sinabi Niya sa atin, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin” (Mateo 11:28).

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya—anuman ang ating kalagayan. Nagsisimba tayo para panibaguhin ang ating mga tipan, palakasin ang ating pananampalataya, magkaroon ng kapayapaan, at gawin ang tulad ng ginawa Niya nang perpekto sa Kanyang buhay—maglingkod sa iba na nakadarama na tila hindi sila kabilang.

Maaaring may mga pagkakataon na ako lang sa Relief Society ang walang anak. At mga pagkakataon na may mga tao pa ring nagtatanong kung bakit wala kaming anak. Maaaring mahirap ang mga pagkakataong iyon, ngunit gaano man karami ang mahihirap na karanasan, mas marami pa rin ang masasayang karanasan.

Ang pagdama sa Espiritu sa simbahan at pagpapakita ng aking pagmamahal para sa aking Tagapagligtas ay palaging nakahihigit kaysa sa anumang pakiramdam ng pag-iisa. Alam ko na may kapayapaan kay Cristo. Alam ko na mapagagaling ako ng pagsisimba. Alam ko na pinagpapala kami kapag nagpatuloy kami. Maaaring kaiba ang mga pagsubok natin sa ibang miyembro sa simbahan, ngunit matutulungan tayo ng ating mga personal na karanasan na maging mas mahabagin sa iba na maaaring nakadarama na tila hindi sila kabilang. At dahil dito, maaari tayong mabigkis ng mga karanasang iyon.

Alam ko na sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking patotoo at pagsasabi ng saloobin ng aking puso, matutulungan ko ang iba na maunawaan na sila—at ang bawat indibiduwal—ay kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.