Ang Sinabi ng Propeta ay Nagturo sa Akin na Huwag Sobra-sobrang Pakaisipin ang Ebanghelyo
Ginagawa nating masyadong kumplikado ang ebanghelyo, samantalang simple lang talaga ito.
Ang awtor ay naninirahan sa New South Wales, Australia.
Bilang isang kabataan na nagsisikap na makilala ang Diyos, mahirap talagang paniwalaan na mayroon tayong mga buhay na propeta sa mundo ngayon. Parang napakakumplikado nito at nakakalito. Ngunit halos dalawang taon na nakararaan, bilang isang tapat na convert sa Simbahan, mas hindi ako makapaniwala na isa ako sa 15 young adult sa Sydney, Australia, na pinili para makaharap at makausap si Pangulong Russell M. Nelson para sa question-and-answer session.
Isang karanasan ito na laging magpapangiti sa akin at magpapaiyak sa akin sa galak sa tuwing maaalala ko ito.
Sabik kaming lahat na makita siya at mas kinakabahan pa sa maririnig namin na sasabihin niya sa amin bilang mga young adult. Naisip ko na malalim at madetalye ang mga isasagot niya sa mga tanong namin, at naisip ko kung handa akong pakinggan at maunawaan ang kanyang mga salita. Dahil talagang kinakabahan kami, nagpasiya kaming lahat na manalangin para matulungan kami na mas mapanatag at para maanyayahan ang Espiritu.
Napakatahimik nang pumasok si Pangulong Nelson sa silid. Laging itinuturo sa atin na tumatanggap ang mga propeta ng paghahayag mula sa Diyos at ibinabahagi ito sa mundo, na tumutulong sa lahat para lumapit kay Cristo. Nakikita natin sila na nagsasalita sa pangkalahatang kumperensya. Ngunit ang makita at makausap siya nang personal ay kakaibang karanasan.
Heto siya—isang mapagpakumbaba at mapagmahal na propeta ng Diyos. Napakalakas ng Espiritung dala niya sa silid. Lahat kami ay nakatayo nang tahimik, nag-aatubiling ngumiti o magsalita, ngunit habang naglalakad siya nang may malaking ngiti at sinabi sa aming napakasaya niya na makita kami, napuspos kaming lahat ng labis na kagalakan at kapayapaan. Nadama ko ang kanyang tapat na pagpapakumbaba at ang pagmamahal niya sa bawat isa sa amin nang kamayan niya kami at ngumiti nang buong giliw sa aming lahat.
Sinimulan naming tanungin siya tungkol sa mga young adult ng Simbahan, at isang partikular na tanong ang tila naging pinakamahalaga para sa akin. Itinanong namin, “Bilang mga young adult, madalas kaming nahihirapang hikayatin ang aming pamilya at mga kaibigan na makibahagi sa ebanghelyo. Paano kami maaaring maging mas mahusay sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kanila?” Ilang sandaling nag-isip si Pangulong Nelson at pagkatapos ay nagsabi ng dalawang salita: “Maging kaakit-akit.” At sinabi pa niya: Maging halimbawa at maging tapat.”
Iyon nga—isang simpleng mensahe ngunit pinag-isipan at totoo. Ang kanyang mga simpleng salita ay malalim na tumimo sa aming isipan at puso. Natanto ko sa sandaling iyon na bilang mga young adult, ginagawa naming kumplikado at masyadong pinag-iisipan ang ebanghelyo, gayong ang mga tagublin mula sa Espiritu at mula sa ating mga propeta ay simple, tuwiran, at mayroong napakaraming pangako na mga pagpapala.
Natanto ko nang sandaling iyon kung paano naging napakamapagpakumbaba at napakaespirituwal ni Pangulong Nelson: mula sa patuloy na pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. At ang tanging dapat nating gawin ay ang ipamuhay din ang ebanghelyo. Gawin ang maliliit na bagay na iyon sa bawat araw na mas magpapalapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo: pagpunta sa simbahan at sa templo, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal nang may tapat na puso, at sa huli ay pagiging mabait at mapagmahal sa lahat ng makikilala natin. Ang maliliit at araw-araw na gawaing iyon ay mga susi sa pagpapakadalubhasa sa pagiging tunay na mga disipulo ni Cristo, pagpapatibay ng ating ugnayan sa Kanya, at pagbabahagi ng Kanyang katotohanan sa mga tao.
Dapat lang nating sikaping mabuti na maging pinakamabuting bersiyon ng ating sarili, at malaki ang ibubunga ng maliliit at simpleng bagay na iyon. Oo, kumplikado ang mundo, at oo, madaling masyadong pakaisipin ang napakaraming bagay sa buhay, ngunit ang plano ng Diyos ay simple, at kapag sinunod natin ito, mas magiging simple ang buhay. Sa pagsasapuso sa tagubilin ng propeta at paggawa ng ating makakaya na maging tulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa bawat araw, ang mga halimbawa lamang ng ating pananampalataya ang magpapabago sa buhay ng mga nasa paligid natin.