Paano Makikisalamuha sa Araw ng Linggo Kung Ikaw ay Mahiyain
Ang ebanghelyo ay para sa lahat, at mapagkakaisa tayo ng mga katangian ng bawat isa sa atin.
Noong tinedyer ako, takot akong magsimba.
Naniniwala ako na totoo ang ebanghelyo, at alam ko na kailangan kong magsimba para patuloy na umunlad sa espirituwal. Ngunit madalas kong maramdaman na may kakulangan ako.
Sa aking isipan, naisip ko na hindi ko matutugunan ang inaasahan ng lahat na dapat gawin ng isang mabuting miyembro (o ng inakala ko na inaasahan ng lahat). Tila lahat ay masayahin, palakaibigan, mahusay, at laging handang magpatotoo o magdasal. Pero ako? Tahimik ako at nababalisa sa mga pagtitipon. Kaya pakiramdam ko wala akong liwanag na maibabahagi bilang miyembro ng Simbahan.
Talagang maraming miyembro ng Simbahan ang palakaibigan at masigasig. At bagama’t mabuting bagay iyan, sa mahabang panahon, dama ko na ang mas mahiyain at tahimik kong personalidad ay hindi tulad ng personalidad ng karamihan. Ngunit napagtanto ko ngayon na hindi ito totoo.
Natanto Ko na Kaya Kong Makisalamuha
Noong nasa kolehiyo ako, lumipat ako sa isang bagong apartment, at ipinakilala ako ng roommate ko sa kanyang mga kaibigan sa ward. Nadama ko agad na parang kabilang ako sa kanila dahil sa ipinakita nilang pagmamahal at pagtanggap sa akin. Nadama ko na talagang gusto nila akong makilala. Sa pagkamangha ko, naramdaman kong nabasawan ang pagkamahiyain ko.
Natanto ko na hindi nagmula sa pagbabago ng sitwasyon ang nadama kong ito na kabilang ako, kundi nagmula sa pagbabago ng pananaw. Nalaman ko na hindi ko kailangang maging “outgoing” o masyadong palakaibigan para maging disipulo ni Jesucristo. Mayroong lakas sa pagiging tahimik. Mayroong lakas sa pakikinig at pagninilay. Sa pag-alam sa aking mga kalakasan bilang isang mahiyaing tao at pagharap sa aking mga kahinaan na nauugnay sa pagiging hindi komportable sa pakikisalamuha, nahanap ko ang isang paraan na tumulong sa akin na madaig ito—at umunlad din sa ebanghelyo.
Lahat Tayo ay may mga Kalakasan at mga Kahinaan
May dahilan kung bakit tayo binigyan ng Diyos ng iba’t ibang personalidad, kakayahan, at kahinaan. Maaaring mas madaling makibahagi sa klase at magdulot ng pagkakaisa sa ward ang isang taong “outgoing.” At yaong mas tahimik ay nagbahagi ng malakas na patotoo sa pamamagitan ng kanilang ginagawa at katapatan kay Jesucristo. Maaari ring makatulong sila sa pakikipag-usap sa iba pang mga tahimik na indibiduwal.
Kung ikaw ay mahiyain, dapat mong malaman na may mahalaga kang lugar sa Simbahan. Ang introvert at extrovert na mga personalidad ay nagpapakita ng mga katangian ng Tagapagligtas na magagamit natin para patibayin ang isa’t isa sa ebanghelyo.
Hindi Ito Tungkol sa Iyo
Ang isang itinanong ko sa aking sarili ay bakit ako nagsisimba. Nagsisimba ako para tumanggap ng sakramento, matuto pa tungkol kay Jesucristo, at maging karapat-dapat na makapasok sa templo. Ngunit sinasabi rin sa atin ng mga banal na kasulatan na “ang katawan [ng Simbahan] ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama” (Doktrina at mga Tipan 84:110; tingnan din sa Mga Taga Efeso 4:12).
Bagama’t napapangalagaan ng mga miting sa simbahan ang ating sariling patotoo, natanto ko na hindi lamang tungkol sa akin ang simbahan. Naaalala ng bawat isa sa atin ang Tagapagligtas kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ngunit tayo ay magkakasamang napapalakas kapag sama-sama tayong tumatanggap ng ordenansang ito bilang isang kongregasyon.
Masyado kong inalala ang iisipin ng iba tungkol sa akin at hindi gaanong pinagtuunan ang alituntunin na gagabay sa atin sa lahat ng mga iniisip at ginagawa natin: pag-ibig o pagmamahal. Isinulat ng propetang si Mormon, “hindi ako natatakot kung anuman ang magagawa ng tao; sapagkat ang ganap na pag-ibig ay nagwawaksi ng lahat ng takot” (Moroni 8:16).
Ang “ganap na pag-ibig” na iyan ay nagmumula sa Diyos. Kung bubuksan natin ang ating puso para madama ang pag-ibig o pagmamahal na iyan, hindi tayo gaanong mangangamba tungkol sa ating mga kahinaan, tungkol sa iniisip ng iba tungkol sa atin at hindi natin gaanong aalalahanin ang ating sariling mga problema at mas handang magpakita ng kabaitan sa iba na nakadaramang tila hindi sila kabilang.
Paisa-isang Gawin ang mga Bagay
Ang mga responsibilidad nating mahalin ang isa’t isa at ibahagi ang ebanghelyo ay nangangahulugang kailangan nating magkaroon ng mabuting ugnayan sa iba.
Maiiwasan nating mag-alala sa pamamagitan ng pagtutuon sa mas makabuluhang pakikipag-ugnayan sa isa o dalawang tao sa isang pagkakataon. Bagama’t nagturo at nagpagaling at naglingkod si Jesucristo sa maraming tao noong Kanyang mortal na ministeryo, sinunod Niya ang huwarang pagmiministeryo nang paisa-isa sa mga tao (tingnan sa 3 Nephi 11:15; 17:21).
Natanto ko na hindi ko kailangang maging matalik na kaibigan ng lahat o maging pinakapopular na tao sa ward. Ang pinakamahalaga ay hindi kung ilan ang nakausap ko kundi kung paano ako nakipag-ugnayan. Sa halip na alalahanin ang lahat nang sabay-sabay, nagtuon na lamang ako sa pakikipag-usap sa isang tao kada linggo sa simbahan.
Mahirap pa ring makisalamuha sa Simbahan kung minsan, ngunit nang gawin ko ang isang bagay na hindi ako komportableng gawin noon at napaglabanan ang pagiging balisa sa mga pagtitipon, nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa akin at sa lahat ng Kanyang mga anak. Unti-unti ko nang natatagpuan ang aking lugar. Alam ko na tumanggap ako ng biyaya sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo para madaig ko ang aking mga kahinaan at magamit ang aking mga kalakasan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.