2020
Mga Bagong Miyembro: Dito Kayo Nabibilang
Marso 2020


Mga Bagong Miyembro: Dito Kayo Nabibilang

Nagsisikap ka bang tumugon sa mga maling inaasahan?

different shoes

Kapag may nakilala ka, paano mo ipinakikilala ang iyong sarili? Anong mga bagay ang mahalaga sa iyong pagkatao? Ako si Brian. At kabilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit hindi ko palaging dama na tanggap ako ng ibang miyembro.

Sumapi ako sa Simbahan noong first year college ako. Tila ilang sandali lamang matapos akong mabinyagan, nagsimulang magtanong ang mga miyembrong may mabuting intensyon ng, “Magmimisyon ka ba?” Ang misyon ay hindi isang bagay na seryoso ko nang napag-isipan. Ngunit pakiramdam ko ang inaasahan nilang sagot ay oo.

Sapat na ba ang Kabutihan Ko?

Medyo mahigit isang taon pa lang matapos akong sumapi sa Simbahan, natanggap ko ang tawag na magmisyon sa England at dumating ako roon na sabik na magturo. Ngunit sa loob ng ilang araw, natanto ko kung gaano ang pangungulila ko. Hindi ako handang maglingkod sa full-time mission.

Habang ipinapaalam ko sa mission president ang damdamin ko, nahikayat siyang kantahin ang, “May Liwanag sa ’King Kaluluwa” (Mga Himno, blg. 141) sa telepono. Medyo kaiba ang dating sa akin niyon, ngunit nagdulot ito ng kaliwanagan at sigla sa aking damdamin.

Subalit makalipas ang isang linggo sakay ako ng eroplano pauwi. Nagtatalo ang damdamin ko sa buong paglipad na iyon. Napuno ako ng pag-aalala kung ano ang maaaring iniisip ng iba tungkol sa aking mga pagpili. Nagalit ako sa sarili ko na hindi ako naglingkod nang buong dalawang taon—matapos isaalang-alang ang lahat, iniwan ko ang mga kaibigan at pamilya ko at ipinagpaliban ko ang pag-aaral para magmisyon. Marami akong tiniis na sama-ng-loob, at ngayon pakiramdam ko tinalikuran na ako ng Ama sa Langit sa oras ng aking pangangailangan. Inisip ko kung kabilang pa ako (sa simbahan) ngayon dahil hindi ko nagampanan ang bawat inaasahan.

Pumarito Ka Bilang Ikaw

Isang linggo pagkauwi ko sa bahay, inanyayahan ako ng pamilya ng pinakamatalik kong kaibigan na manood ng isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya. Ayokong gawin iyon. Pero nagpunta ako.

Sa kalagitnaan ng sesyon, naglakad si Elder Jeffrey R. Holland papunta sa pulpito at sinabing, “May liwanag sa ’king kaluluwa”—kapareho noong biglang kinanta ng mission president ko dalawang linggo na ang nakalilipas. Ibinulong ng Espiritu, “Ito ang Simbahang kinabibilangan mo.” Nang sumunod na 15 minuto, nagbago ang buong pananaw ko.

Madaling madama na parang hindi tayo kabilang kapag pakiramdam natin ay nagkulang tayo sa inaasahan ng iba. Ngunit lahat tayo ay nagkukulang (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). At oo, sinabi ng Diyos na may puwang pa rin para sa bawat isa sa atin sa Kanyang Simbahan (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:20–23).

Itinuro ni Elder Holland sa mensaheng iyon sa kumperensya: “‘Pumarito ka bilang ikaw,’ ang sabi ng mapagmahal na Ama sa bawat isa sa atin. Subalit idinagdag Niya, ‘Huwag kang manatiling ganyan’” (“Mga Awiting Naawit at Hindi Naawit,” Liahona, Mayo 2017, 51). Nais ng Diyos na dumito tayo kahit na sinuman tayo o anuman ang nagawa natin dahil ito ang nagtutulot upang matulungan Niya tayo na baguhin ang ating kahihinatnan (tingnan sa 3 Nephi 18:22).

Bago ko narinig ang mensahe ni Elder Holland, akala ko ang ibig sabihin ng pagiging kabilang ay pagtugon sa lahat ng inaasahan. Ngayo’y higit kong nauunawaan na ang Simbahan ng Panginoon ay hindi para sa mga taong perpekto na kundi para tulungang maging perpekto yaong mga hindi pa. At kapag sinisikap mong sundin Siya, kabilang ka sa Kanyang Simbahan.