2020
5 Katiyakan sa Isang Mundong Walang Katiyakan
Hulyo 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

5 Katiyakan sa Isang Mundong Walang Katiyakan

Matutulungan kayo ng limang katotohanang ito na malagpasan ang anumang bagay.

Ang buhay ay bihirang umayon sa plano. Puno ito ng mga liku-likong landas, pagbabago, at sorpresa para sa lahat. Kaya paano tayo makapaghahanda para sa hinaharap kapag hindi natin alam kung ano ang ihahatid nito?

Mabuti na lang, may ilang bagay na lagi nating maaasahan. Ang sumusunod na mga katotohanan ay hindi magbabago kailanman. Magagabayan ng mga ito ang ating mga desisyon at mahihikayat tayong sumulong, kahit tila madilim at walang katiyakan ang daan.

Mahal kayo ng Ama sa Langit.

Anuman ang mangyari sa buhay, mahal Niya kayo. Napakahalaga ninyo sa Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). Kayo ang lahat-lahat sa Kanya!1

Maaaring hindi ninyo madama na napakahalaga ninyo. Maaari kayong mabagbag at makadama ng pag-iisa at takot. Maaari ninyong madama na hindi kayo karapat-dapat. Pero tulad ng paliwanag ni Sister Joy D. Jones, Primary General President, hindi magkapareho ang halaga at pagkamarapat.2 Kahit nagkakasala tayo, napakalaki ng ating halaga. Iyan ang isang dahilan kaya isinagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:11–13). Dahil kilala at mahal Niya kayo, naglaan Siya ng paraan para maging malinis kayong muli.

May plano ang Ama sa Langit para sa inyo.

Narito kayo sa lupa para sa isang layunin: ang maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at makabalik sa Kanilang piling. Iyan ang mithiin ng Diyos para sa inyo, at tutulungan Niya kayong isakatuparan ito!

Hindi iyan nangangahulugan na laging magiging madali ang mga bagay-bagay; mahaharap pa rin tayo sa mga hamon. Ngunit makatitiyak tayo na “[ang mga] bagay ay magkakalakip na gagawa sa ikabubuti nila na lumalakad nang matwid” (Doktrina at mga Tipan 100:15).

Ang Kanyang plano para sa inyong buhay ay maaaring mukhang naiiba sa inyong mga plano, pero maaari kayong magtiwala na ang Kanyang plano ay magiging para sa inyong kapakinabangan at aakayin kayo sa walang-hanggang kaligayahan. Basahin ang mga gabay na aklat sa buhay: mga banal na kasulatan, ang inyong patriarchal blessing, at ang mga salita ng mga makabagong propeta. Tutulungan nila kayo na mas maunawaan ang Kanyang plano para sa inyo.

Pagkatapos ay sundin ang Kanyang patnubay. Kapag masunurin tayo sa Kanyang mga utos, magkakaroon tayo ng kapayapaan at kasaganaan (tingnan sa Mosias 2:22). “Magalak,” sabi nga ni Pangulong Thomas S. Monson. “Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”3

Ang pangunahing mithiin ay buhay na walang-hanggan.

Kahit maaaring walang katiyakan ang landas na tinatahak natin sa buhay, malinaw ang ating hantungan. Kapag gumagawa tayo ng desisyon, maaari nating itanong, “Saan ito hahantong?”4 Kung ililihis kayo nito mula sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan, hindi ito ang tamang piliin.

Kung minsa’y natutuon tayo sa maliliit na desisyon, gaya ng homework o kung ano ang kakainin sa tanghalian. Nakakalimutan natin ang tunay na layunin ng buhay—ang maging katulad ng ating mga magulang sa langit. Totoo, kapag minimithi nating marating iyon, magiging maayos ang lahat. Kaya magkaroon ng walang-hanggang pananaw.

Maaaring hindi umayon sa ating plano ang buhay. Sa katunayan, hindi talaga. Pero ang ating hantungan ang pinakamahalaga. Tiyakin na tumatahak kayo sa tamang direksyon, at sa tulong ng Panginoon, magiging maayos ang lahat. Gagabayan Niya kayo.

May kalayaan kayo.

Habang ginagabayan ng Ama sa Langit ang ating landas, hindi Niya sinasabi sa atin ang lahat ng dapat nating gawin. Binigyan na Niya tayo ng kalayaan, at inaasahan Niya na gagamitin natin iyon.

Sabi nga ng Panginoon, “hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; … ang mga tao ay nararapat maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban” (Doktrina at mga Tipan 58:26–27). Sa kasong ito, ang ibig sabihin ng maging sabik sa paggawa ay maging masigasig at tapat.

Kung minsan, maaaring parang hindi maginhawa ang magkaroon ng kalayaan. Kung minsa’y maaaring gusto lang nating masabihan kung ano ang gagawin. Pero ang totoo, malaking pagpapala ang kalayaan. Ito ay isang kaloob mula sa Diyos at isa sa mga bagay na ginagawa tayong katulad Niya. Binibigyan tayo nito ng lakas.

Kaya ano ang gusto mong pagkaabalahan?

Nais ng Ama sa Langit na umunlad tayo.

Ang isa sa mabubuting layon na pagkakaabalahan ay maaaring ang sarili nating personal na pag-unlad. Laging may mga bagay na maaari nating pagbutihin sa ating sarili, mga bagay na maaari nating pag-aralan, at mga kasanayang maaari nating linangin. Mayroon ding mga tipan na kailangan nating gawin at tuparin.5

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng ating pag-unlad sa ganitong paraan: “Hindi nais ng Diyos na maging parang mahusay at masunuring “alagang hayop” lang ang Kanyang mga anak na hindi naninira ng Kanyang mga tsinelas sa sala ng selestiyal na kaharian. Hindi ito ganoon, nais ng Diyos na espirituwal na umunlad ang Kanyang mga anak at makiisa sa Kanya sa gawain ng pamilya.”6

Maghanda para sa inyong walang-hanggang tadhana sa pamamagitan ng pagpapakabuti. Tukuyin ang mga kasanayang nais ninyong taglayin at ang mga espirituwal na kaloob na kailangan ninyo upang maging higit na katulad ng Diyos.7 Pagkatapos ay planuhing taglayin ang mga bagay na iyon! Palakasin ang inyong “mga espirituwal na kalamnan” sa pamamagitan ng pagpapapraktis.8

Kapag mukhang nakakatakot ang hinaharap, tandaan na mayroong may kontrol dito. Hindi kayo nag-iisa. Kayo ay malakas. At kasama si Jesucristo, walang makakapigil sa inyo. Tutulungan Niya kayong maging katulad ng lahat ng layon ng inyong pagsilang.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Mar. 6, 1861, 2.

  2. Tingnan sa Joy D. Jones, “Halagang Hindi Masusukat,” Liahona, Nob. 2017, 13–15.

  3. Thomas S. Monson, “Magalak,” Liahona, Mayo 2009, 92.

  4. Dallin H. Oaks, “Saan Ito Hahantong?” Liahona, Mayo 2019, 60.

  5. Tingnan sa Gary E. Stevenson, “Ang Inyong Apat na Minuto,” Liahona, Mayo 2014, 84–86.

  6. Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104.

  7. Tingnan sa George Q. Cannon, “Paghahangad ng mga Espirituwal na Kaloob,” Liahona, Abr. 2016, 80.

  8. Tingnan sa Juan Pablo Villar, “Paggamit ng Ating mga Espirituwal na Kalamnan,” Liahona, Mayo 2019, 95–97.