2020
Paano Ako Naghahanda para sa Isang Templo sa India
Hulyo 2020


Digital Lamang

Paano Ako Naghahanda para sa Isang Templo sa India

Noon ko pa gustong magpunta sa templo. Ngayong naibalita na ng propeta ang isang templo sa India, inaasahan kong matanggap ang mga ordenansang iyon dito.

Dahil lumaki ako sa India, kami ng pamilya ko ay Hindu. Napaliligiran ako noon palagi ng paniniwala na maraming diyos na sasambahin. Noong bata pa ako, nagkaroon din ako ng mga kaibigang Kristiyano. Nagkuwento sila sa akin tungkol sa iisang Diyos na lumikha sa mundo at sa lahat ng tao. Nagsimula akong magtaka kung bakit ang dami kong diyos na sinasamba, samantalang isa lang ang pinaniniwalaan ng iba.

Noong nasa hayskul ako, nagkaroon ako ng ilang masasamang gawi. Manginginom ako, wala akong pakundangan, at galit ang pamilya ko sa ugali ko. Kaya nangibang-bayan ako at nagbagumbuhay sa Hyderabad, isang lungsod na maraming oportunidad para makapagtrabaho.

Nagsimula akong malumbay at malungkot dahil sa aking pamumuhay. Pero isang araw nakakilala ko ang dalawang lalaki. Ipinaliwanag nila na sila ay mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sinabi nila sa akin ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. At muli kong nalaman ang tungkol sa iisang Diyos, na lumikha ng isang plano ng kaligayahan para sa lahat ng Kanyang mga anak. Agad akong napuspos ng kaligayahan at pag-asa sa kanilang mensahe. Ginusto kong malaman ang iba pa.

Pitong taon na akong miyembro ngayon ng Simbahan. Nagbago na ako, nakakita na ako ng mga himala sa buhay ko, at napakarami kong natutuhan tungkol sa ebanghelyo. Gustung-gusto ko ang kagalakang dulot nito sa akin. Ngunit may isang mahalagang bahagi ng ebanghelyo na kailangan ko pang maranasan—ang templo.

Mula nang una kong malaman ang tungkol sa templo, ginusto ko nang magpunta roon para matutuhan at madama ang Espiritu, mabuklod nang walang-hanggan sa aking pamilya, at gumawa ng mga tipan sa Panginoon. Ngunit walang mga templo sa India, at hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataong makapunta sa isa. Napakaraming Banal sa mga Huling Araw sa India at nakausal na ako ng maraming panalangin, nakapag-ayuno na kami, at patuloy na nagtiis at nanampalataya na balang-araw ay magtatayo ng isang templo sa India.

Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2018, sinagot ng Diyos ang aming mga dalangin nang ipahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na isang templo ang itatayo sa Bengaluru, India. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Pinuspos ng Espiritu ng kagalakan ang puso ko at ng mga luha ang aking mga mata sa mga salita ng propeta. Agad kong pinasalamatan ang Ama sa Langit sa pagsagot sa aming mga dalangin. At sabik na sabik ako na sa wakas ay makikita ko na at mapapasok ang templo sa loob lang ng ilang taon.

Masayang-masaya ako at ipinagmamalaki ko na miyembro ako ng Simbahan ni Jesucristo. Alam ko na ipinanumbalik ng Panginoon ang tunay na ebanghelyo sa mundong ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Alam ko na sa templo ay magiging mas malapit kami sa Diyos, mabubuklod sa aming pamilya, at matututo pa tungkol sa aming layunin. At habang hinihintay kong maitayo ang templo rito sa India, sinisikap kong mabuti na ihanda ang sarili ko sa pagpasok.

  • Nagdarasal ako at nag-aaral sa abot ng aking makakaya tungkol sa templo, sa mga tipan na gagawin ko, at sa mga ordenansang tatanggapin ko roon.

  • Hinihingan ko ng payo ang iba pang mga miyembro na nakapunta na sa templo kung paano espirituwal na makakapaghanda.

  • Pinag-aaralan ko kung paano gumawa ng family history para madala ko ang mga pangalan ng aking mga ninuno sa templo.

  • Dumadalo ako sa isang temple preparation class.

Gusto kong maging handa para sa araw na makakapasok na rin ako sa templo at uunahin iyon sa buhay ko. Sisikapin kong maging karapat-dapat palagi na pumasok para matanggap ko ang ipinangakong mga pagpapala, patnubay, at sagot sa aking mga dalangin na napakatagal ko nang hinihintay. Nasasabik na ako sa araw na iyon.