Digital Lamang: Mga Young Adult
Ano ang Kailangan para Matanggap ang Ating Mabubuting Hangarin
Nang maghirap ang pamilya ko, walang-wala akong katiyakan kung paano ako makakapagmisyon.
Bago pa man ako nabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, gusto ko nang maglingkod sa Panginoon. Lagi kong sinasabi sa sarili ko na iuukol ko ang lahat ng oras ko sa Kanya anuman ang mangyari. Pangarap kong paglingkuran Siya habambuhay. At ang pagsapi sa Simbahan ni Jesucristo ay nagbigay sa akin ng mas maganda pang pagkakataon para matupad ang pangarap ko.
Noong Disyembre 2017, nabinyagan ako. Iyon ang pinakamagandang araw sa buhay ko. Itinuro sa akin ng ebanghelyo kung paano mag-isip sa ibang paraan, kung paano magbigay-inspirasyon sa iba, kung paano madaig ang aking mga takot, at kung paano mas mapahusay ang aking mga talento at tumuklas ng mga bago. Kalaunan ay natuto rin ako tungkol sa pagkakataong maglingkod sa isang full-time mission. Agad kong nalaman na iyon ay isang bagay na nais kong gawin. Kaya araw-araw, nagsikap akong maghanda. Nagbasa ako ng mga banal na kasulatan, dumalo sa institute, at ginampanan ang aking tungkulin. Gayunman, nagkaroon ng problema sa pamilya ko na naging dahilan para mawalan ako ng katiyakan tungkol sa hinaharap.
Kahirapan.
Nang mag-18 anyos ako, naghirap ang pamilya ko. Halos wala kaming makain, hindi kami makapag-aral, o makabayad man lang ng pamasahe papunta sa Simbahan. Ang tanging naiwan na mapanghahawakan namin ay ang aming pananampalataya. Talagang pinabagal ng sitwasyong ito ang proseso ng aking paglilingkod sa misyon. Sinabi ko sa nanay ko ang aking hangarin, pero inulit niya ang isang bagay na madalas niyang sabihin sa akin: “Magtapos ka sa pag-aaral, at saka mo tuparin ang mga pangarap mo.” Dahil sa aming kahirapan, wala na akong ibang mapagpilian. Kaya nagsikap akong mabuti na makatapos sa pag-aaral.
Kalaunan ay nakatapos ako at sa wakas ay naging handang humayo at maglingkod sa Panginoon. Pero naghihirap pa rin kami.
Lungkot na lungkot ako.
Naisip ko, “Nakatapos na ako sa pag-aaral, at nagawa ko na ang lahat ng makakaya ko. Bakit hindi pa rin maayos ang lahat?” Ayaw ko nang hintayin pang matupad ang aking pangarap, pero sa kabila ng panghihina ng loob, nagtiwala ako na magiging maayos ang lahat sa paglipas ng panahon.
Nagpasiya akong magtrabaho pa nang husto para kitain ang lahat ng perang kailangan ko para sa misyon. Nagdasal ako araw-araw, sumama sa pagbisita ng mga missionary hangga’t maaari, at pinalakas ang aking patotoo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga materyal ng Simbahan.
Marami sa aking mga kamag-anak ang tutol sa pangarap kong magmisyon. Sinasabi nila sa akin na palalalain lang ng pagmimisyon ko ang sitwasyon ko at ng aking pamilya. Pero nagpakatatag ako. Alam ko na gusto kong magmisyon at na maglalaan ng paraan ang Ama sa Langit.
Pagkaraan ng mahabang panahon ng pagtatrabaho at pag-iipon ng pera, sa wakas ay nagpasa na ako ng mga papeles ko sa misyon. Nang tawagin ako ng bishop ko at sabihin sa akin na dumating na ang mission call ko, napasigaw at napalundag ako sa tuwa! Agad akong nagpunta sa stake office at kinuha ko ang sulat. Nang gabing iyon, binuksan ko ang aking mission call at ibinalita sa pamilya ko na tinawag akong maglingkod sa Philippines Cabanatuan Mission.
Umiyak ako sa tuwa nang gabing iyon. Sa kabila ng lahat ng nangyari, sa pagsampalataya at pagsisikap at pagtitiwala sa Panginoon, natapos ko ang lahat ng kailangan kong gawin para makapagmisyon at matupad ang pangarap ko. Natanto ko na kung hindi ko naranasan ang kahirapang iyon bago ako nagmisyon, hindi siguro ako ganap na magiging handa sa pisikal, emosyonal, espirituwal, mental, at pinansyal. Pero dahil sa sitwasyon ko, nagawa kong umunlad sa napakaraming paraan.
Alam ko na may plano ang Panginoon para sa ating lahat. Maaaring parang walang katuturan ang lahat ng dinaranas ninyo kung minsan, at maaaring gusto ninyong mangyari ang mga bagay-bagay nang mas maaga kaysa kalaunan, pero magtiwala sa Kanyang takdang panahon sa halip na sa sarili mong takdang panahon. Kung magtitiwala tayo sa Kanya at mananampalataya at magsisikap, aakayin Niya tayo sa ating mabubuting hangarin sa tamang panahon at tutulungan tayong lumago habang nasa ating paglalakbay (tingnan sa Enos 1:12 at Alma 29:4).