2020
Naaakit ako sa Kapareho Ko ang Kasarian—Tatanggapin ba Akong Muli ng mga Miyembro ng Simbahan?
Hulyo 2020


Naaakit ako sa Kapareho Ko ang Kasarian—Tatanggapin ba Akong Muli ng mga Miyembro ng Simbahan?

members greeting man

Paglalarawan mula sa Getty Images

Noong Hulyo 27, 2013, pagkatapos ng matagal na pakikibaka sa sakit na Alzheimer’s, pumanaw ang aking partner na nakasama ko nang 25 taon. Si Jay Eldredge ay isang cardiologist na kilala sa buong mundo. Pareho kaming nagmisyon para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong binata pa kami ngunit lumayo kami sa Simbahan dahil sa pagkaakit sa kapwa namin lalaki.

Ang pagkamatay ni Jay, bagama’t di-inaasahan, ay nakapanlulumo. Nakadama ako ng pagdadalamhati at pagkaligaw at pag-iisa.

Habang nagmamaneho ako pauwi pagkatapos asikasuhin ang libing, napuspos ako ng napakalakas na impluwensya ng Espiritu kaya kinailangan kong huminto sa gilid ng kalsada. Alam ko na nangungusap ang Diyos sa akin, pinababalik ako sa Kanya, pero nagmatigas ako. “Hindi mo ba nakikita na nahihirapan ako?” sigaw ko. “Hindi ko kayang bumalik sa Simbahan ngayon.”

Pero habang mas nagmamatigas ako, mas lalo akong iniimpluwensyahan at inaanyayahan ng Espiritu na bumalik sa Simbahan.

Tatanggapin Kaya Ako?

Alalang-alala ako tungkol sa pagbalik sa Simbahan. 25 taon na akong hindi nakakadalo sa sacrament meeting. Tatanggapin pa ba nila ako? Tatanggapin ko ba sila? Ano ang sasabihin ng bishop? Ako ay balisa, hindi mapakali, at namimighati pa rin.

Ngunit hindi kailanman nanghina ang aking patotoo tungkol sa ebanghelyo sa mga taon na iyon. Mahal namin ni Jay ang Simbahan at ang mga gumagabay na alituntunin nito—tulad ng pag-ibig sa kapwa-tao, awa, at kapatawaran. Alam ko na si Cristo ang aking Tagapagligtas at na ang Kanyang Simbahan ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Alam ko na iyon mula pa nang mabinyagan at maging miyembro ako ng Simbahan noong 14 na taong gulang ako. Hindi ko iyon ikakaila ngayon.

Sa huli, matapos mag-ipon ng kailangang lakas-ng-loob, tinawagan ko ang Linwood Ward sa New Jersey, USA para alamin kung anong oras nagsisimula ang sacrament meeting.

Habang papalapit ang araw ng Linggo, maraming inilagay na balakid ang kaaway sa aking landas na madali sanang nakapigil sa akin sa pagdalo. Labis akong nagpapasalamat na namalagi ang Espiritu Santo.

Kinabahan ako nang pumasok ako sa gusali, ngunit muling tiniyak sa akin ng pambungad na himno sa sacrament meeting na nakauwi na akong muli. Dumaloy ang mga luha sa aking mukha dahil sa matinding pag-anyaya sa Espiritu ng himnong “Mga Banal, Halina” (Mga Himno, blg. 23). Alam ko sa sandaling iyon na batid ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin at ang matinding kalungkutang nadarama ko.

Ang himnong iyon ay naging di-opisyal na awitin para sa Simbahan sa ilang paraan, ngunit naging personal na awitin ko rin iyon.

“Halina,” pag-aanyaya sa akin ng himno. “Mahirap man ang ‘yong kalagayan, biyaya’y kakamtan.”

Ang aking paglalakbay ay mahirap. Ngunit ang biyaya ay nakamtan ko tulad ng ipinangako.

Napakabait ni Bishop Darren Bird at ng buong kongregasyon at malugod nila akong tinanggap. Tinanggap nila ako bilang kanilang kapatid kay Cristo.

Pakikipagkasundo sa Diyos, sa Pamamagitan ni Cristo

Gayunman, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan sa akin ang mga titik ng “Mga Banal, Halina” dahil nadama ko na pinapatnubayan ako ng Ama sa Langit kung paano ako dapat magpatuloy.

Makikita, lugar na ‘nilaan

Doon sa Kanluran.

Do’n kung saan may kapayapaan,

Biyaya at yaman.

Nagpunta ako sa kanluran at bumili ng bahay sa Fountain Hills, Arizona, USA, kung saan ko nakilala si Bishop Jerry Olson. Nang hilingin kong makipagkita sa kanya at makamayan ko siya, ipinadama sa akin ng Espiritu na tutulungan ako ng taong ito na makabalik sa pagiging lubos na aktibo sa Simbahan.

Nang magsimula kaming mag-usap ng bishop tungkol sa pakikipagkasundo sa Ama sa Langit, nakasaksi ako ng maraming espirituwal na himala. Nagtapat ako sa bishop, na pinasalamatan naman niya. Sinabi niya na nakatulong iyon sa kanya para mas maunawaan kung ano ang aking nakaraan at kasalukuyang relasyon sa Diyos. Mapagmahal din niyang ipinaalam sa akin na ito ang unang beses na nagkaroon siya ng pagkakataong maglingkod sa isang taong naaakit sa kapareho nito ang kasarian, at hiniling niya na pagpasensyahan at patawarin ko siya kung may masabi o magawa siyang makakasakit sa akin.

Pinasalamatan ko siya sa kanyang katapatan at sinabi ko, “Ito rin po ang aking unang pagkakataon. Sabay tayong matututo.”

Sa gayon ay nagsimula ang isang napakagandang paglalakbay at pagkakaibigan!

Hindi nagtagal, nagplano ako kung ano ang gagawin ko para muling maging miyembro. Tinanggap ko ang mapagmahal at mapanalanging payo nang may pasasalamat sa aking puso at sinimulan ko ang proseso.

temple

Paglalarawan ni Jenna Palacios

Kapanatagan sa Templo

Kalaunan, nang sundin ko ang payo at magsikap akong mas mapalapit kay Cristo, naipanumbalik sa akin ang aking priesthood at ang mga pagpapala ng templo at tinanggap ko ang tawag na maglingkod sa korum ng mga elder. Sa banal na templo, nang makipag-ugnayan ako sa Ama sa Langit, ipinakita Niya sa akin kung gaano Niya kamahal ang lahat ng Kanyang mga anak. Nakadama ako ng kapanatagan at ng matinding hangaring bigyan Siya ng kaluguran.

Pagkaraan ng ilang buwan, tumawag ng bagong bishop, na naging mapagmahal na kaibigan ko rin. Alam ni Bishop Larry Radford ang aking sitwasyon at pinahalagahan niya ang aking paglilingkod sa korum ng mga elder, kung saan sinabi niya na nakapaglingkod ako nang may pagmamahal at katapatan hindi lamang sa korum kundi—at higit sa lahat—maging sa Diyos. Ipinadama sa akin ng kanyang mabubuting salita at panghihikayat na nalugod ang Panginoon at ang aking mga kapwa Banal sa aking paglilingkod.

Matapat akong naglilingkod ngayon bilang ward clerk.

Pag-unawa sa Aking Pagkatao

Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian at pagiging aktibong miyembro ng Simbahan ay hindi palaging madali. Ngunit nang lubos akong manampalataya at magtiwala sa Diyos, nadama ko na pinalalakas Niya ako. Walang dudang sasabihin ng mga kritiko na hindi ako nagpapakatotoo sa aking tunay na pagkatao o na nakakadismaya ako sa komunidad ng LGBT+.

Nauunawaan ko ang kanilang pagkayamot, at malinaw na hindi ko alam ang lahat ng sagot. Makakapagkomento lang ako batay sa sarili kong karanasan. At ito ang naituro sa akin ng karanasang iyon: Ako ay anak ng Ama sa Langit, isang anak ng Diyos. Iyon lang ang natatanging katawagang mahalaga sa akin. Dahil dito, sinisikap kong huwag hayaan ang mga katawagan ng mundo na diktahan ang aking pagkatao. Nangangamba ako na lilimitahan niyon ang aking potensyal at walang-hanggang pag-unlad.

Napakatuso ni Satanas. Alam niya na sa pamamagitan ng paggamit ng mga katawagan, maaari niya tayong paghiwalayin bilang isang komunidad at isang Simbahan.

Isinasaisip ang pananaw na iyon, ang mga pagpiling ginagawa ko ay hindi batay sa aking pagkaakit sa kapwa ko lalaki kundi sa kung paano maging tunay na disipulo ni Cristo na nakakaranas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian. Sabi nga ni Nephi:

“O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman. Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman. …

“… Oo, alam ko na ang Diyos ay magkakaloob nang sagana sa kanya na humihingi. Oo, ang aking Diyos ay pagkakalooban ako, kung ako ay hihingi nang hindi lisya; samakatwid, paaabot ko ang aking tinig sa inyo, oo, ako ay magsusumamo sa inyo, aking Diyos, ang bato ng aking kabutihan. Masdan, ang aking tinig ay papailanglang sa inyo magpakailanman, aking bato at aking Diyos na walang hanggan” (2 Nephi 4:34–35).

Pagmamahal ng Aking mga Kapwa Banal

Sa pagbalik ko sa pagiging lubos na aktibo sa Simbahan, nadama ko ang mapagmahal na pakikisama ng aking mga lider at kapwa Banal, pati ang mga aktibo at di-gaanong aktibong mga miyembro na LGBT+. Nakahanap ako ng isang lugar kung saan maaari akong umunlad. Nakita ko sa kanila ang mga katangian ni Cristo na matagal ko nang iniuugnay sa aking pananampalataya: awa, habag, pag-unawa, at, higit sa lahat, pagmamahal.

Habang nagpupunyagi akong tahakin ang landas kasama ang aking Tagapagligtas, nakadama ako ng kapanatagan at kapayapaan nang umasa ako sa Kanya, batid na hindi ako nag-iisa sa pagtahak sa landas na iyon. Nasa tabi ko ang ilang bishop. Ang mga miyembro ng aking korum. Ang kababaihan sa ward. Tinanong pa ako ng isang binatilyo sa ward kung puwede ko siyang ordenan bilang priest. Matindi ang naging impluwensya sa akin ng kanyang magiliw na paanyaya. Nakita niya ako bilang isang lalaking mayhawak ng priesthood ng Diyos at maaaring gamitin ang priesthood na iyon sa paglilingkod sa iba.

Ang mga pagkakataong ito na maglingkod at sumamba kasama ang aking mga kapwa Banal ay nagpasigla at—kalakip ng maraming pagpapalang natanggap ko mula sa Panginoon—nakatulong sa akin na maranasan ang pagmamahal, pag-unawa, at pagtanggap na kinailangan ko.

Sabi ng Tagapagligtas, “Hindi ko kayo iiwang mag-isa: ako’y paririto sa inyo” (Juan 14:18). Totoo ang mga salitang iyon. Kinailangan ko ng pagpapanatag, at nilapitan Niya ako, nang mas sagana kaysa sa inakala ko.