2021
3 Estratehiya sa Pagharap sa mga Pagbabago sa Buhay
Nobyembre 2021


Mga Young Adult

3 Estratehiya para sa Pagharap sa mga Pagbabago sa Buhay

Ang mga pagbabago sa buhay ay maaaring magdulot ng maraming stress at pagkabalisa, pero nalaman ko na ang 3 estratehiya na ito ay makakatulong.

woman holding a map

Ito ay isa sa mga pinakakahanga-hangang bagay na nalikha. Ito ay mas mabilis at mas mahusay kaysa sa alinmang computer, at ito ay nagbabago batay sa mga bagay na natututuhan nito tungkol sa mundo. Ito ay isang bagay na maaaring ma-access ng lahat, gaano man ang iyong kayamanan o anuman ang iyong katayuan, at hindi mo ito mabibili sa tindahan o online. Mas kumplikado ito kaysa alam natin, at may magandang balita ako sa iyo:

Mayroon ka nito. Ibinigay ito sa inyo ng Ama sa Langit. Ito ay ang iyong utak.

Ang utak ng tao ay kahanga-hanga. Halimbawa, isipin kung kailan ka nagsisipilyo ng ngipin. May maliliit akong anak na tinuturuan ko pa rin na palaging magsipilyo, at alam na alam ko na ito. Ginagawa ko ito nang hindi ako pinapaalalahanan ng iba dahil naka-program na ito sa utak ko bilang bahagi ng lagi kong ginagawa. Kapag nagsisipilyo ako, hindi ko na kailangang i-Google kung saang parte ng sepilyo ko ilalagay ang toothpaste—awtomatiko itong inilalagay ng utak ko sa parte na may brush. Kaya kong magsipilyo ng ngipin ko habang nakikinig sa isang podcast, nakikipag-usap sa mga anak ko, o nagbabasa ng libro dahil alam na ng utak ko kung ano ang gagawin.

Ang kakayahang ito ng awtomatikong pagkilos ay kapaki-pakinabang sa halos lahat ng oras, pero paano kapag may mga pagbabago na bahagi ng buhay na ito? Kung minsan ay dumaranas tayo ng mga pagbabago na hindi natin pinlano, tulad ng diborsyo o di-inaasahang pagkamatay ng mahal sa buhay, ngunit kahit maayos ang takbo ng buhay, nahaharap pa rin tayo sa mga pagbabago sa buhay tulad ng paglipat sa bagong bayan, bagong trabaho, pagtatapos sa kolehiyo, pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, at marami pang iba.

Ang totoo, hindi gusto ng utak ang pagbabago. Kailangan nito ng maraming enerhiya para harapin ang pagbabago dahil hindi tayo makakakilos na tulad ng dating nakagawian natin. Isama dito ang emosyon na madalas ay kaakibat ng pagbabago, at kung minsan tila hindi ito makakayanan.

Mabuti na lang, magagamit natin ang alam natin tungkol sa utak at kumilos ayon dito para mabawasan ang pagkabalisa at pakiramdam na hindi natin ito kaya. Sa paglipas ng mga taon, may natukoy akong tatlong estratehiya na tumutulong sa mga tao na malaman ang tungkol sa pagkabalisa at pagbabago na gusto kong ibahagi sa inyo.

Estratehiya 1: Ituon ang iyong pananaw.

Ang ibig sabihin ng pagbabago ay hindi alam. Kung minsan nahihirapan ang utak kapag maraming bagay ang hindi nalalaman. Takot ito sa hindi nito alam dahil naniniwala ito na maaaring magkaroon ng panganib.

Salamat, utak, sa pagsiguro na hindi kami mapapahamak.

Nalaman ko na ang pinakamainam na paraan para harapin ang pagbabago ay ituon ang iyong pananaw sa nalalaman mo na. Kapag mas nakakaapekto sa damdamin at matindi ang pagbabago, mas dapat maging mas nakatuon ang pananaw mo. Kung hindi inaasahang nawalan ka ng trabaho, maaaring gusto ng utak mo na isipin ang lahat ng posibleng bagay. Paano mo babayaran ang iyong mga bills o bayarin? Paano ka makakahanap ng isa pang trabaho? Kailan ka makakahanap ng trabaho? Gaano kaya kasakit o kahirap ang prosesong iyan? Ano ang iisipin ng mga tao?

Wala tayong mga sagot sa ngayon sa karamihan sa mga tanong na ito, pero hindi naman talaga kailangang may mga sagot tayo. Ano ang susunod? Makakaraos ka ba hanggang sa katapusan ng linggo? Iyan lang ang kailangan mong malaman sa ngayon.

Kung minsan kapag matindi ang hirap ng ating kalooban o damdamin, kailangan lang nating magtuon sa pang-araw-araw. Ano ang lulutuin mo para sa almusal? Diyan tayo magsimula.

Ituon ang iyong pananaw para mapayapa, at doon ka makakakita ng mga sagot. Gagabayan ka ng Panginoon kung hahanapin mo Siya at magtitiwala ka sa Kanya. “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10).

woman looking through a camera

Estratehiya 2: Magtuon sa hinaharap, hindi sa nakalipas.

Gusto ng utak na binabalikan ang nakaraan dahil marami itong mahuhugot na mga alaala, ngunit ang iyong hinaharap ay maiiba sa iyong nakaraan, at mabuti ito. Ang malalim na pag-iisip kung saan nagkamali o kahit paggunita sa “magandang nakaraan” bilang kapalit ng ngayon ay madaling gawin, pero hindi ito kapaki-pakinabang.

Noong isilang ko ang unang anak ko, tuwang-tuwa akong nasa tahanan ko ang munting nilalang na ito at hindi ako makapaniwala kung gaano ko siya kamahal. Ngunit nadama ko rin na ang dami ko palang kailangang gawin para mapangalagaan siya at hindi na ako maaaring mamuhay nang malaya na tulad ng dati. Lagi kong iniisip kung gaano kasimple ang buhay ko noon. Naisip ko na dati-rati ay nakakapag-shower ako at naaayos ko ang buhok ko tuwing umaga. Naisip ko kung gaano ko kagusto ang dati kong katawan. Naisip ko na dati ay mas nakapagpapahinga ako nang mabuti at mas masaya. Hindi maganda ang pakiramdam ko kapag sa ganitong paraan ako nagtutuon sa aking nakaraan.

Kalaunan natanto ko na hindi ako makahahanap ng mga sagot sa nakaraan. Kailangan akong magtuon ng pansin sa hinaharap. Kinailangan kong simulang isipin ang sarili ko na ginagawa ang mga bagay na gusto ko sa buhay, na may kasamang sanggol. Kinailangan kong isipin ang taong gusto kong kahinatnan ko, at hindi ang taong dating ako. Ito ay hindi palaging madali, ngunit ito ay magagawa kung handa kang buksan ang iyong sarili sa posibleng mangyari.

Sinabihan tayo ng Panginoon:

“Kayo ay maliliit na bata, at hindi pa ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang mga pagpapala na mayroon ang Ama sa kanyang sariling mga kamay at inihanda para sa inyo;

“At hindi ninyo mababata ang lahat ng bagay ngayon; gayunpaman, magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:17–18).

Estratehiya 3: Maging mabait sa iyong sarili.

Kahit ang pinakamahuhusay na mga tao ay dumaranas ng mga pagbabago. Maaaring halu-halo ang iyong nadarama. Ang ilan sa mga bagay na nakalalason na maaari nating sabihin sa ating sarili ay mga salitang tulad ng, “Sana hindi ako sobrang emosyonal; Dapat mas alam ko ang gagawin ko rito,” o, “Nakakalungkot na hindi ako mas malakas.”

Ang pagbabago ay hindi pinadadali ng pagnanais na hindi ka masyadong emosyonal. Ito ay nakadaragdag lamang sa kahihiyan o pagkadama na may mali sa iyo bukod sa iba pang mga hamon na kinakaharap mo na. Ang pagiging mabait sa sarili ang susi.

Ito ay nagsasabing, “Siyempre naman mahirap itong gawin! OK lang na mahirapan,” at, “Mahal pa rin kita.” Sabihin sa iyong sarili ang mga bagay na ito. Huwag mong dagdagan ang sakit na nadarama mo sa pag-iisip na hindi ka dapat nasasaktan.

Ipinadala tayo ng Ama sa Langit dito sa lupa upang tulungan tayong maging higit na katulad Niya, na nakikinita ko na ang ibig sabihin ay kailangan natin ng malaking pag-unlad. Kung gusto kong lumaki ang kalamnan ko, dapat akong magbuhat ng mabibigat. Ang pagbuhat sa bigat na iyon ay nagiging sanhi para masira ang kalamnan na sapat lang para kapag muling naayos ang mga ito ay magiging mas malakas na ito.

Ganyan din ang ating mga espiritu. Kailangan natin ng kaunting pagbabata para maging mas malakas tayo kaysa dati.

Ganito ang paliwanag ng Panginoon: “Ang aking mga tao ay kinakailangang masubukan sa lahat ng bagay, nang sila ay maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatiang mayroon ako para sa kanila, maging ang kaluwalhatian ng Sion; at siya na hindi makapagbabata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian” (Doktrina at mga Tipan 136:31).

Ang pagbabago ay isang paraan ng paghubog sa atin ng buhay na ito upang maging higit tayong katulad ng ating Ama sa Langit. Maging mabait sa iyong sarili sa panahon ng pagbabago. Kung minsan ang bagay na ito ay mahirap gawin.