2021
Talaga bang Nakagagawa Ako ng Kaibhan sa Pamamagitan ng Ministering?
Nobyembre 2021


Talaga bang Nakagagawa Ako ng Kaibhan sa Pamamagitan ng Ministering?

Kapag kumikilos tayo nang mayroong pananampalataya at pagmamahal, nagiging kapaki-pakinabang ang bawat pagsisikap.

tatlong babaeng naglalakad sa kalye

Palagi nating pinag-uusapan ang ministering sa Simbahan. At kadalasan, ang ideyang nauunawaan ko tungkol sa ministering ay maaari ring ipahayag bilang “alamin ang pangangailangan, tugunan ang pangangailangan.” Iyon ang mga kuwento na ginagawang halimbawa sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Iyon ang mga kuwento na nagiging kilalang huwaran ng ministering. At bagama’t nangyayari nga ang mga kuwentong ito, hindi lang ang mga ito ang mga pagkakataon na mayroon tayo upang makapag-minister. Sa aking karanasan, ni hindi nga ang mga ito ang mga pinakakaraniwang paraan upang makapag-minister.

Kadalasan, kapag tinatanong natin ang mga taong mini-minister natin kung ano ang kailangan nila, tutugon sila na wala silang anumang kailangan; mayroon na sila ng lahat ng kailangan nila. Para sa isang taong tunay na nagsisikap na gampanan ang kanyang tungkulin na mag-minister, maaaring nakapanghihina ng loob ang gayong tugon. Sa paglipas ng panahon, maaaring unti-unti nilang maramdaman na wala silang magagawa upang mapaglingkuran ang taong iyon.

Ngunit paano kung hindi lang ang pagtugon sa pangangailangan ang iniisip natin kundi pati ang tunay na pangangalaga para sa iba tulad ng ginawa ni Jesucristo? Paano kung nagmi-minister tayo sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa mga banayad at bukas-palad na pahiwatig tungkol sa mga taong mini-minister natin? Ipinaliwanag ito nang lubos ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol nang sabihin niyang, “Bawat araw, sa napakaraming paraan, ang bawat isa sa atin ay mangangailangan at makapagbibigay ng nakapagmi-minister na pagmamahal at suporta sa maliliit, simple, makapangyarihan, at nakapagpapabagong-buhay na paraan.”1

Sa paghihikayat sa atin ng mga pinuno ng Simbahan na maghanap ng maliliit at simpleng paraan upang makapag-minister, ano ang nakahahadlang sa atin? Kung minsan, ang sarili nating mga iniisip ay maaaring makahadlang. Ang isa sa mga bagay na nakahadlang sa aking mga pagsisikap na mag-minister ay ang pag-aalala kung ang aking mga pagsisikap ay “kapaki-pakinabang.” Kapaki-pakinabang ba ang ating mga pagsisikap na mag-minister kung ang mga iyon ay hindi partikular at nakikita tulad ng pag-aalok ng pagkain o pagpapasabay sa sasakyan?

Oo, kapaki-pakinabang ang mga iyon.

Kapaki-pakinabang ba ang ating mga pagsisikap na mag-minister kung ang mga iyon ay hindi kinikilala o sinusuklian?

Oo, kapaki-pakinabang ang mga iyon.

Sa tuwing sinusunod natin ang Espiritu na kumilos, pinapakain natin ang mga tupa ni Cristo.

Tulad ng sinabi ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President: “Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang ‘matanggap’ ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili.”2

Ang ministering ay nagsisimula sa simpleng hangaring paglingkuran ang iba at kadalasang kinapapalooban ng pagsunod sa maliliit na espirituwal na pahiwatig. Maaari tayong palaging manalangin para sa tulong na malaman kung paano pinakamainam na mapaglilingkuran ang mga taong mini-minister natin, ngunit narito ang ilang paraan na mapagaganda natin ang mga araw ng mga taong nasa paligid natin:

  • Magbahagi ng isang podcast.

  • Dalhan sila ng pananghalian sa trabaho.

  • Anyayahan silang lumabas kasama mo at ng iyong mga kaibigan.

  • Pahiramin sila ng kopya ng paborito mong aklat.

  • Magpasimula ng isang dinner group, book group, o iba pang uri ng pagtitipon.

  • Dumalo sa isang aktibidad na ipinlano nila.

  • I-follow sila at magkaroon ng positibong pakikipag-ugnayan sa kanila sa social media.

  • Maghanda at makibahagi sa isang lesson na itinuturo nila sa simbahan.

Siyempre, hindi kumpleto ang listahang ito—walang katapusan ang mga paraan na makapagmi-minister tayo, lalo na kapag naghahangad tayo ng paghahayag upang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga taong pinaglilingkuran natin. Maaari tayong manalangin na bigyang-inspirasyon tayo ng Espiritu kung paano natin mapangangalagaan ang mga indibiduwal, sa pamamagitan man ng pakikipagkaibigan, pagkakaisa, o pagpapaigting ng diwa ng pagiging kabilang.

Habang pinagsisikapan natin na maging aktibo sa pagmi-minister sa iba, tandaan din natin na hayaan ang iba na mag-minister sa atin. Huwag nating panatilihin ang pag-iisip na “Wala akong anumang kailangan; mayroon na ako ng lahat ng kailangan ko.” Hayaan mong makilala ka ng iyong mga ministering brother o sister at sikapin mong kilalanin din sila. Maghanap ng mga di-inaasahang paraan na nakapag-minister sila sa iyo at magpasalamat para sa mga ito. Palawakin ang iyong konsepto ng ministering, at tandaan, kapag kumikilos ka nang mayroong pananampalataya at pagmamahal, nagiging kapaki-pakinabang ang iyong mga pagsisikap.

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Strengthen One Another in the Lord” (Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 4, 2018), womensconference.byu.edu.

  2. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104.