Pagtanggap ng Sarili Mong Paghahayag
Sa panahon ng pandemyang COVID-19, nagpasiya ang isang ward clerk na magbahagi ng mga lingguhang espirituwal na kaisipan sa mga miyembro ng kanyang ward dahil hindi sila makapagkita-kita. Ito ay isang liham na ibinahagi niya tungkol sa kanyang mga karanasan sa personal na paghahayag bilang isang young adult.
Mahal na mga kaibigan sa ward,
Noong nakalipas na linggo, dumating ang “bagong” magasing Liahona ng Simbahan. Nang simulan ko itong basahin, napansin ko na muling nagsalita ang propetang si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangangailangan sa personal na paghahayag.1
Nagpaalala ito sa akin ng mga karanasan sa personal na paghahayag sa sarili kong buhay. Noong nag-aaral ako sa Brigham Young University, nahulog ang loob ko sa isang dalagang nagngangalang Kathy (binago ang pangalan). Palagi kaming masayang magkasama. Napakatalino at napakaganda niya. Gusto niya ako, ngunit mahal ko siya.
Pagkalipas ng dalawang taon, siya ay magtatapos na at lilisan. Ako ay nanalangin at nagtanong sa Panginoon kung dapat kong alukin si Kathy na magpakasal sa akin. Ang sagot na natanggap ko ay isang malakas na oo, kaya tuwang-tuwa ako. Nang tanungin ko siya, sinabi niya sa akin na kailangan niya munang manalangin tungkol dito. Alam ko na kailangan din niya ng sarili niyang kumpirmasyon. Ngunit laking gulat ko nang ipaalam niya sa akin na pagkatapos niyang manalangin at mag-ayuno, ang sagot na ibinigay ng Panginoon sa kanya ay hindi.
Labis akong nasaktan, nagalit, at napahiya. Galit na galit ako sa Diyos. Bakit Niya ito ginawa sa akin? Naglakad ako sa madilim na kalyeng natatakpan ng niyebe habang kinakausap ang Ama sa Langit sa loob ng mahabang panahon. Pagkatapos ay nagsalita Siya: “Tama para sa iyo na tanungin siya, at tama para sa kanya na sumagot ng hindi.”
Nagulat ako. Kung oo ang sagot para sa akin, dapat oo rin ang sagot para sa kanya! Akala ko lang pala.
Mayroon akong natutuhan na napakahalagang aral: Maaaring makatanggap ang dalawang magkaibang tao ng dalawang magkaibang sagot sa iisang tanong. Ang tama para sa isang tao ay hindi palaging tama para sa iba.
Kalaunan ko lang naunawaan ang pangyayaring ito at ang bahagi ng dahilan nito. Nang ako ay makatapos at bumalik sa aking bayang sinilangan sa Houston, Texas, USA, nakatanggap ako ng tawag mula kay Kathy. Nagpasiya siyang kumuha ng master’s degree—sa Houston. Umupa pa nga siya ng apartment sa parehong lugar na tinitirhan ko.
Ang kaibhan ay kasintahan ko na si Marjorie noon. Mahal ko siya at alam ko na gusto ko siyang pakasalan. Ngunit minahal ko rin si Kathy. Siguro magiging napakahirap at nakalilito para sa akin na magpasiyang alukin si Marjorie na magpakasal sa akin kung hindi ako kumilos ayon sa mga impresyong iyon tungkol kay Kathy ilang taon na ang nakalilipas. Ang aking karanasan sa maniyebeng gabing iyon sa Utah ay nakatulong upang hindi ako mag-alinlangan o magdalawang-isip sa aking desisyon. At hindi nagtagal, itinakda namin ni Marjorie ang aming kasal at nagpakasal na kami.
Ang lahat ay nakatanggap ng sarili nilang paghahayag. Ito ay personal at pansarili. Ibinigay sa akin ang sagot na tama para sa akin, at ibinigay kay Kathy ang sagot na tama para sa kanya.
Ang bawat isa sa atin ay mayroong karapatan na makatanggap ng paghahayag. Ang iba, tulad ng ating asawa, ating mga magulang, o mga lider ng Simbahan na nangangasiwa sa atin, ay maaari ring mabigyang-inspirasyon, ngunit responsibilidad nating kumpirmahin para sa ating sarili kung ang mga paghahayag ay totoo.
Ilang taon na ang nakalilipas, nakipagtulungan ako sa isang tao sa paggawa ng isang proyekto. Nasa graduate school ako noon, mayroong asawa at tatlong maliliit na anak. Nang matapos na ang semestre, sinabi ko sa taong ito na iniisip ko na kailangan kong tumigil sa pag-aaral. Pagkalipas ng ilang araw, sinabi niya sa akin na nanalangin siya tungkol dito at naramdaman niya na dapat akong magpatuloy sa pag-aaral. Nag-alok pa nga siya ng tulong pinansyal. Magandang alok iyon, ngunit noong ako mismo ang nanalangin tungkol dito, naramdaman ko na ang pinakamainam para sa akin at sa aking pamilya ay magtrabaho ako ulit nang full-time.
Galit na galit sa akin ang taong ito dahil hindi ko tinanggap ang “paghahayag” na natanggap niya para sa akin. Ang inalok niya ay isang mungkahi lang, at nang pag-aralan ko ang lahat ng aking pagpipilian, nalaman ko na hindi iyon ang kailangan ng aking pamilya ni ang gusto ng Panginoon na gawin ko. Alam ng Ama sa Langit kung ano ang darating. Hindi nagtagal pagkalipas niyon, nagkasakit si Marjorie at kinailangan niyang maoperahan. Siguro hindi namin kakayanin ang gastusin kung estudyante ako na walang anumang health coverage.
Ang paghahayag ay isang napakapersonal na bagay. Kamangha-mangha ito. Lahat tayo ay maaaring makatanggap nito. Kailangan magmula ito sa Panginoon, at kailangan kumpirmahin natin na ito ang nais Niya para sa atin. Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga personal na paghahayag sa atin, lubos tayong pagpapalain. Alam ko na napagpala ako.
Sana maging maganda ang buong linggo ninyo.
—Mark