Paghahanap ng Liwanag Kapag Napalilibutan Ka ng Kadiliman
Takot na takot ako at hindi ko alam kung paano ako magpapatuloy, ngunit alam ng Ama sa Langit kung ano ang kailangan ko.
Ilang taon na ang nakalilipas, naglakbay kami ng mga kaibigan ko patungo sa Ireland. Habang naroon kami, ako ang nagmaneho para sa aming grupo. Sa simula, akala ko nakakakabang magmaneho sa kabilang direksyon ng kalsada sa ibang bansa, kaya nagulat ako nang maging natural lang ito para sa akin. Ni minsan sa biyahe ay hindi ako nakaramdam ng takot habang nagmamaneho sa makitid, matagtag, at paliku-likong kalsada.
Iyon ay hanggang sa araw na nakatakda kaming umuwi.
Maagang-maaga ang aming biyahe pauwi sakay ng eroplano, kaya kaming anim na magkakaibigan ay inaantok na nagsisakay sa aming kotse nang 4:00 ng umaga. Pagkalipas ng isang oras ng pagmamaneho, ako na lang ang gising. Tahimik, umuulan, at napakadilim, at nakaramdam ako ng matinding takot habang nagmamaneho dahil hindi ko gaanong makita ang kalsada sa harapan ko. Alam ko na anim na mahahalagang buhay ang nasa kamay ko. Gusto ko sanang tumabi muna hanggang sa gumanda ang panahon, ngunit hindi ko nagawa dahil baka maiwan kami ng eroplano.
Paghahanap ng Liwanag
Nang lalo pang tumindi ang aking takot, ginawa ko ang kaisa-isang bagay na naisip kong gawin—nanalangin ako.
Sinabi ko sa Ama sa Langit kung gaano katindi ang aking takot at hiniling ko sa Kanya na tulungan Niya kaming makarating nang ligtas sa paliparan. Ngunit patuloy na bumuhos ang malakas na ulan.
Nang paiyak na ako at pakiramdam ko ay hindi ko na kayang magpatuloy, biglang lumitaw ang isang hanay ng mga poste ng ilaw sa buong kalye, at tinanglawan nito ang aking daan. Agad kong naisip ang aking Tagapagligtas at kung gaano katinding liwanag ang inihatid Niya sa aking buhay. Alam ko nang walang pag-aalinlangan na alam Niya at ng Ama sa Langit kung ano ang nangyayari sa akin nang maramdaman ko ang Kanilang magiliw na awa.
Alam nila ang aking mga takot at binura ng liwanag ang mga iyon sa loob lang ng ilang segundo.
Puspos ng panibagong diwa ng kumpiyansa, nagpatuloy ako sa pagmamaneho. Gayunman, sa loob lang ng ilang segundo, muli kong natagpuan ang aking sarili sa kadiliman, at naglaho ang liwanag sa likuran ko. Mabuti na lang, dahil sa katiting na kumpiyansang nakuha ko mula sa mga poste ng ilaw, hindi na ako gaanong natakot sa kadiliman.
Ganito ang nangyari sa natitirang bahagi ng biyahe. Sa tuwing paiyak na ako sa aking Ama sa Langit dahil sa matinding takot, iniisip na, “Hindi ko ito kayang gawin,” lumilitaw ang liwanag, at nagagawa kong magpatuloy. At kalaunan, nakarating kami sa paliparan.
Maaari Tayong Palaging Bumaling kay Cristo
Ipinapaalala sa akin ng karanasang ito ang ating paglalakbay sa buhay. Nahaharap tayo sa sarili nating personal na ulan, kadiliman, takot, di-pamilyar na landas, at kalungkutan kung minsan. Mayroong mga sandali na pakiramdam natin ay hindi na natin kayang magpatuloy, na hindi tayo maabot ng liwanag, na wala tayong kakayahan, o na walang nakauunawa sa kadilimang kinaroroonan natin. Ngunit gusto kong ibahagi sa iyo ang aking personal na patotoo na mayroong isang nakauunawa.
Si Jesucristo. “Ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 9:18). Ang personal na nagdusa para sa bawat isa sa atin. Kilala ka Niya, at alam Niya ang iyong mga takot. At nakaunat ang Kanyang mga kamay, handang tumulong sa iyo.
Sa tuwing matatagpuan natin ang ating sarili sa kadiliman, dahil man ito sa sarili nating mga pagpili o sa mga pagpili ng iba o sa mga sitwasyong hindi natin kayang kontrolin, maaari nating patuloy na piliin na bumaling sa Kanya. At magbibigay Siya ng liwanag para sa atin. Bagama’t maaaring hindi palaging agaran ang liwanag na iyon, tulad noong nagmaneho ako sa Ireland, palagi nating kasama si Jesucristo at ibibigay Niya sa atin ang lakas na kailangan natin upang patuloy na sumulong patungo sa liwanag na iyon.
Sa pinakamadilim na panahon ng aking buhay, binigyan ako ng pagkakataong magtiwala sa pag-asa at pananampalataya. Naalala ko na hindi ako nag-iisa at na kasama Siya, kaya kong daigin ang lahat ng bagay na dumating sa akin. Pinatotohanan ni Elder Timothy J. Dyches ng Pitumpu sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2021 na “habang pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Cristo, nakatatanggap tayo ng liwanag na patuloy na nagniningning hanggang sa maitaboy nito ang kadiliman na maaaring pumalibot sa atin.”1
Inaanyayahan kitang palalimin ang iyong pananampalataya at tiwala sa Tagapagligtas. Nariyan Siya upang magpadala ng liwanag sa iyong buhay sa anumang paraan na kailangan mo. At kaya Niyang pawiin ang anumang kadiliman na maaaring nakapalibot sa iyo. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”2
Ang kailangan lang nating gawin ay bumaling sa Kanya.