“Pagharap sa Mahihirap na Aspeto ng mga Relasyon,” Liahona, Ene. 2023.
Pagharap sa Mahihirap na Aspeto ng mga Relasyon
Maaaring malampasan ang mga pagsubok sa pamilya kung handa tayong humingi ng tulong sa Panginoon na magbago at magpakabuti.
Maaaring subukin ng mga hamon sa ating pamilya ang mga limitasyon ng ating emosyon. Bilang isang therapist, marami akong nakitang makabagbag-damdaming sitwasyon. Pero nasaksihan ko rin ang mga pagpapala sa buhay ng mga tao na hinarap ang mga pagsubok sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Panginoon para mapaganda ang kanilang komunikasyon, mapag-ibayo ang kanilang pagmamahal at pag-unawa, at magtulungan sa paggawa ng mahahalagang pagbabago. Sa tulong ng Panginoon, nakasumpong sila ng lakas na lumago sa kabila ng kanilang mga problema.
Ang pakikipag-usap na tulad ni Cristo ay maaaring maghatid ng pagmamahal at pag-unawa
Sina Tom at Joan (binago ang mga pangalan) ay kapwa nawalan ng asawa. Pumanaw ang asawa ni Tom dahil sa kanser, at ang asawa ni Joan, dahil sa adiksyon, ay umalis at nakisama sa iba. Nagkita sina Tom at Joan sa isang singles conference at inasam nilang makasal.
Bawat isa sa kanila ay may mga anak, edad 15 pababa. Ilang beses nang sama-samang namasyal ang kanilang mga pamilya, at nakita kapwa nina Tom at Joan ang mga potensyal na problema sa paghahalo ng mga pamilya. Humingi sila ng payo para sa ilang ideya kung paano mag-uusap sa mabubuting paraan sa pagharap sa bagong kabanatang ito ng kanilang buhay.
Iminungkahi ko na rebyuhin nila ang mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa mga family council. “Kailangang-kailangan ng mga anak ang mga magulang na handang makinig sa kanila,” pagtuturo niya, “at ang family council ang oras upang matuto ang mga miyembro ng pamilya na unawain at mahalin ang isa’t isa.”1
Para sa kanilang mga family council, ipinasiya nila ang sumusunod na agenda:
-
Ipaliwanag ang problema.
-
Mag-isip ng mga solusyon.
-
Pumili ng isang plano.
-
Isagawa ang plano.
-
Suriin ang tagumpay ng plano sa susunod na linggo at baguhin ang plano kung kinakailangan.
Dagdag pa sa pag-uusap-usap bilang pamilya, nalaman nina Tom at Joan na kapag matindi ang stress sa relasyon, maaaring kailangan ding matutuhan kung paano rin mapapaganda ang sarilinang komunikasyon.
Natuto ng ilang paraan sina Tom at Joan na nakatulong sa kanila para mapaganda ang kanilang komunikasyon at ang mga relasyon nila sa kanilang mga anak.
-
Magkasamang naghanap ng mga solusyon ang mga magulang sa mga problema sa mga anak.
-
Kung nahihirapan ang isang bata na tapusin ang kanyang pang-araw-araw na mga gawain, isa sa mga magulang ang mag-uukol ng oras sa kanya, na kinukumusta ang araw ng bata habang tinatapos nila ang mga gawain.
-
Gumugol sila ng oras bawat linggo para palalimin ang relasyon nila sa bawat bata.
-
Nagkasundo sila nang maaga na mag-ukol ng oras kapag nangingibabaw ang “emosyonal” na utak (pagsigaw) sa “makatwiran,” na nakatuon ang utak sa solusyon (pag-uusap).
-
Tuwing nagpapagalingan ang magulang at anak, lumalayo muna ang magulang, kapag nadama niya na dapat gawin iyon, at bumabalik kalaunan para mag-isip ng bagong solusyon.
Habang ginagawa ng pamilya ang lahat para harapin ang mahihirap na isyu sa relasyon sa matatapat at mabubuting paraan—na nag-uusap tungkol sa kanilang mga hamon at pinagtutulungang lutasin ang mga iyon—napansin nina Tom at Joan ang mahalagang paglago sa kanilang mga anak gayundin sa sarili nila.
Ang pag-unawa at pagmamahal ay naglalapit sa amin sa isa’t isa
Habang tumatanda ang mga bata, hindi sila palaging gumagawa ng mga pasiya na nais naming gawin nila. Paano namin haharapin ang gayong mga sitwasyon? Paano namin mapapanatili o mapapatibay pa ang aming mga relasyon upang patuloy kaming maging masuporta at mabuting impluwensya sa buhay nila?
Halos katatapos lang mag-away sa telepono si Terry at ang anak nilang si Seth nang pumasok sina Terry at Bruce sa opisina ko. Tatlong taon nang nag-aaral sa malayong lugar si Seth. Nagkaroon siya ng malubhang sakit at nasa pangangalaga pa ng doktor. Dahil sa kanyang karamdaman, hindi siya nakapagmisyon. Hindi alam nina Terry at Bruce kung saan napunta ang kanyang patotoo o kung nagsisimba pa ba siya. Nag-alala sila na hindi ang bagong nobya ni Seth na si Jolyn ang klase ng impluwensyang nais nila para sa buhay ni Seth. Nabalisa pareho ang mga magulang tungkol sa landas na tinatahak niya.
Nang pag-usapan namin kung ano ang maaari nilang gawin, tinalakay namin ang talinghaga ng nawawalang tupa. Marahil ay pinakinggan ng pastol ang pag-unga ng batang tupa bago niya ito natagpuan, minahal, at ibinalik sa kawan (tingnan sa Lucas 15:6). Nalaman nina Terry at Bruce na hindi nila kayang baguhin si Seth, pero nagpasiya silang subukang makinig sa kanya, mahalin siya, at anyayahan siyang umuwi. Hindi nila maaaring piliin para sa kanya ang kanyang mapapangasawa o ang landas na tatahakin niya sa buhay, pero maaari nilang ipaalala sa kanya ang pagmamahal ng kanilang pamilya para sa kanya at sa ebanghelyo.
Tinawagan ni Terry si Seth at humihingi ng paumanhin sa pagtatalo. Nakinig lang siya nang sabihin nito sa kanya na nahihiya ito dahil hindi siya nakapagmisyon. Inisip niya kung paano niya maidedeyt ang isang dalagang mula sa simbahan. Inanyayahan nila sina Seth at Jolyn na umuwi kapag bakasyon na sa paaralan.
Dumating sina Seth at Jolyn. Niyakap ng mga kapatid na babae ni Seth ang dalawa. Masaya pareho ang mga magulang sa pag-uwi ni Seth at sinabi ito sa kanya. Mas madalas nang makipag-ugnayan sina Terry at Bruce kay Seth. Ilang beses nagte-text si Terry sa loob ng isang linggo. Nagkaroon ng video conference ang pamilya kada Linggo. Gumugol ng oras ang tatay ni Seth sa paglalaro ng golf at pangingisda na kasama niya. Nangyari ito nang dahan-dahan, pero muling nakasama si Seth sa pamilya. Kalaunan, ipinasiya ni Seth na hindi tama ang piniling landas ni Jolyn para sa kanya. Kalaunan ay pinakasalan niya ang isang kahanga-hangang babae na bininyagan niya.
Natagpuan nina Terry at Bruce ang kanilang nawawalang tupa sa pamamagitan ng pakikinig, pagmamahal, at pag-anyaya sa kanya na bumalik sa kawan.
Ang magkasamang pagsisikap na magbago ay maaaring magpatibay sa mga relasyon at magtaguyod ng paglago
Maraming taon nang kasal si Marie at ang asawa niyang si David at sila ay respetadong mga miyembro ng kanilang komunidad. Pero isang araw nalaman ni Marie, nang hindi alam ni David, na nagkaroon ng relasyon si David sa ibang babae.
Pumasok si Marie sa opisina ko, na may magkakahalong galit, dalamhati, at kalungkutan. Humihikbi habang nagkukuwento, alam niya na kailangan niyang sabihin kay David kung ano ang nadama niya pero hindi sa galit na paraan, upang mapasakanila ang Espiritu.
Matapos ang mapanalanging paghahanda, sinabi niya kay David na mahal niya ito pero nanlumo siyang malaman na may karelasyon itong ibang babae. Kailangan nilang makipagkita sa bishop at pag-usapan ang kahihinatnan ng pagsasama nilang mag-asawa. Ayaw ni David na mawala ang kanyang asawa o kanyang pamilya. Sa tulong ng bishop, sinimulan niya ang proseso ng pagsisisi.
Alam ni Marie na may mga bagay na kailangang gawin ang bawat isa sa kanila para magkaroon ng indibiduwal na paghilom at bilang mag-asawa. Hiniling ni Marie kay David na pansamantalang manatili sa kanyang mga magulang habang sinusuri niya ang kanyang damdamin. Gumugol siya ng oras sa templo, na humihingi ng tulong sa Panginoon. Nagpapa-therapy pa siya, na nagpapalakas sa kanyang mga kasanayan sa komunikasyon at natututo siyang magtakda ng angkop na mga hangganan.
Magkasama, sina Marie at David ay:
-
Nagbasa ng mga banal na kasulatan gabi-gabi.
-
Nagdasal.
-
Nagbahaginan ng mga pangyayari sa bawat araw.
-
Nagdeyt sa gabi nang minsan sa isang linggo.
Nag-usap nang mas tapatan. Sinabi ni Marie ang nasa isip niya, at nakinig si David. Nagsimula silang mag-usap tulad noong bagong kasal sila.
Inireport ni Marie na hindi lang si David ang nagbago; nagbago rin siya. Nadama niya na mas lumakas siya at naging mas tiwala sa sarili. Nanatiling nagsisisi si David at umuwi na.
Ang pagsama sa Panginoon sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay nagdulot ng higit na tiwala at pagmamahal sa kanilang relasyon. Pareho nilang nadama na ang pagsisikap na madaig ang hamong ito sa tulong ng Panginoon ay nakapagpalakas sa kanila.
Gagabayan tayo ng mga salita ni Cristo
Habang pinag-uusapan natin ang mahihirap na aspeto ng relasyon sa pamilya, nawa’y tandaan nating lahat na maupo sa council na kasama ng Panginoon. Kung minsa’y sasabihin Niya sa atin kung ano ang gagawin. Kung minsa’y maaari tayong pumili. “Hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 58:26). Pero may ibang mga pagkakataon na kailangan nating isuko ang ating sarili sa Panginoon. Kung mananatili ang ating walang-hanggang pananaw, ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay mapapasaatin, “at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24).