2023
Makabuluhang mga Pag-uusap ng Pamilya
Enero 2023


“Makabuluhang mga Pag-uusap ng Pamilya,” Liahona, Ene. 2023.

Makabuluhang mga Pag-uusap ng Pamilya

Ang makabuluhang mga pag-uusap ay makakatulong sa ating mga anak na malaman kung ano ang pinaniniwalaan nila at kung bakit nila pinaniniwalaan ito.

mag-amang umaakyat ng bundok

Mga larawang-guhit ni Noah Regan

Hiniling ng isang anak sa kanyang ama na turuan siya tungkol sa pag-akyat sa bundok. Itinuro ng ama ang lahat ng makabuluhan, pati na ang pagpaplano, kaligtasan, paghahanda, at kagamitan. Itinanong ng anak kung kailan nila pag-uusapan ang gagawin kung sakaling magkaroon ng emergency. Sinabi ng ama na ayaw niyang takutin ang kanyang anak at na maaaring maghintay ang pag-uusap na ito hanggang sa kailanganin ito.

Natapos nila ang kanilang training at tumuloy sa una nilang ekspedisyon paakyat ng Mount Rainier malapit sa Seattle, Washington. Napakaganda ng simula ng karanasan at mga kalagayan hanggang sa pumangit ang lagay ng panahon, at hindi nagtagal ay natagpuan nila ang kanilang sarili na nakatingin sa paparating na avalanche o pagguho.

Hindi nila alam kung ano ang gagawin dahil hindi nila ito napag-usapan. Itinanong ng anak sa kanyang ama, “Handa na po kaya akong pag-usapan ngayon ang gagawin sa mga emergency, Itay?”

Ang makabuluhang mga pag-uusap—sa ligtas na lugar ng ating tahanan—ay makakatulong sa atin na maghanda para sa mga pagguho sa buhay.

“Ang una at dakilang katotohanan sa buong sansinukob ay [na] mahal tayo ng Diyos,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Ipinapaalala sa atin ng Kanyang mga salita na ang pagmamahal ang pundasyon para sa buong kawalang-hanggan at para sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa pagmamahal na iyan bilang batayan, ang mga pag-uusap at pakikipag-ugnayang ginagawa natin sa ating pamilya ay makabuluhan.

Bilang asawa, ama, school counselor, at lisensyadong mental health counselor, nalaman ko na ang pag-uusap ng pamilya ay napakahalaga at hindi dapat ipagpaliban. Sabi ni Joy D. Jones, dating Primary General President: “Hindi natin maaaring hintaying basta na lamang mangyari ang pagbabalik-loob sa ating mga anak. … [A]ng mga pag-uusap ng pamilya tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, makabuluhang mga pag-uusap, … [ay] makapag-aanyaya sa Espiritu.”2

Ano ang makabuluhang mga pag-uusap?

Inilarawan ni Sister Jones ang makabuluhang mga pag-uusap bilang “simple at magiliw na mga pag-uusap [na] maaaring mag-akay sa mga bata [at sa bawat isa sa atin] na malaman hindi lamang kung ano ang pinaniniwalaan nila, kundi ang pinakamahalaga, kung bakit nila pinaniniwalaan ito.”3 Ang isang salitang gustung-gusto ko sa paglalarawang iyon ay ang simple. Ang ating pag-uusap ay hindi kailangang maging malalim o kumplikado o planado pa. Sa katunayan, ang ilan sa pinakamagagandang pag-uusap na magagawa natin ay hindi maaaring maging planado, maliban sa maghanda na mapasaatin palagi ang Espiritu para tulungan tayo.

Itinuro pa ni Sister Jones: “Ang hindi-sadyang pagbabalik-loob ay hindi alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagiging katulad ng ating Tagapagligtas ay hindi nangyayari nang walang ginagawa.”4 Nangyayari ito nang taludtod sa taludtod, na sadyang may oras at pagsisikap.

Gaano kadalas dapat mangyari ang makabuluhang mga pag-uusap?

Dapat nating kausapin ang ating mga anak araw-araw. Kapag mas madalas tayong may makabuluhang mga pag-uusap, mas nagiging normal, natural, at nagbibigay-liwanag ang mga ito.

Ang pinakamasaklap na paraan para magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap ay ang hindi talaga magkaroon nito! Madalas nating isipin na hindi ito ang tamang oras, masyado itong kumplikado, o hindi mauunawaan ng ating mga anak. Ayaw nating makasakit ng damdamin o makapagsabi ng mali o hindi maging komportable ang isang tao. Gayunman, mas mabuting magsikap man lang na makipag-usap kaysa hindi umimik.

Paano tayo nagkakaroon ng makabuluhang mga pakikipag-usap sa ating mga anak?

Ang simpleng resipe na natuklasan ko para magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap ay magmahal, makinig, at magbago. Bagama’t maaaring hindi tayo perpekto sa alinman sa mga ito, maaari nating sikaping palagiang sundan ang huwaran.

Magmahal: Kung wala ang pundasyon at pagsasabuhay ng pagmamahal, hindi tayo maaaring magkaroon ng pinakamabisang makabuluhang mga pag-uusap. Ang pagmamahal ay ang ano, kailan, bakit, at paano ng lahat ng ginagawa natin sa ating pamilya. Kailangang madama ng ating mga anak na ligtas sila kapag nakikipag-ugnayan sa atin, at pagmamahal ang naglalaan ng napakahalagang sitwasyong iyon. Maaari tayong magpakita palagi ng pagmamahal. Ipinakita sa atin ni Jesucristo kung paano.

Sabi ni Sister Jones: “Habang pinangangalagaan at inihahanda natin ang ating mga anak, tinutulutan natin silang gamitin ang kanilang kalayaang pumili, minamahal natin sila nang buong puso, itinuturo natin sa kanila ang mga utos ng Diyos at ang Kanyang kaloob na pagsisisi, at hindi natin sila kailanman isinusuko. Tutal, hindi ba ganito naman ang paraan ng Panginoon sa bawat isa sa atin?”5

Makinig: Natutuhan ko sa sarili kong mga pagkakamali na ang aktibong pakikinig ay napakahalagang bahagi ng anumang makabuluhang pag-uusap. Pakikinig dapat ang mauna at maging kasindalas ng ating pagsasalita. Si Jesucristo ang pinakamagandang halimbawa kung paano magkaroon ng makabuluhang mga pag-uusap at aktibong makinig. Nalaman natin sa Juan 8 na nang dalhin sa Kanya ng mga Fariseo ang babaeng nahuling nangangalunya, ang mga unang sinabi Niya sa babae ay mga tanong: “Nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?” (talata 10). Para makapagdaos ng makabuluhang pag-aaral, nagtanong Siya at nakinig bago magturo.

Magbago: Kapag tayo ay nagmahal, nakinig, at nakaugnay, ano ang ginagawa natin mula rito? Kailangan ba nating magsisi, magturo, makinig pang lalo, maglingkod, humingi ng tawad, magpatawad? Ang makabuluhang mga pag-uusap ay dapat magbigay sa atin ng pagkakataong magbago. Sana’y palagi nating sikapin, tulad ng sinabi na ni Pangulong Russell M. Nelson, na maging “mas mabuti araw-araw.”6

mag-amang nag-uusap

Paano tayo magkakaroon ng mas madalas na makabuluhang mga pag-uusap?

Gagabayan kayo sa pamamagitan ng paghahayag kung ano ang pinakamainam para sa inyong pamilya. Pag-isipan ang mga mungkahing ito mula sa mga karanasan ng aming pamilya:

Pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya: Nang tanungin ko ang aming mga anak kung ano ang ginagawa namin na higit na nakakatulong sa kanila para magkaroon ng mga pag-uusap tungkol sa ebanghelyo, sinabi nila na ito ay ang sama-samang pag-aaral ng mga banal na kasulatan gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Testimony meeting ng pamilya kada Linggo ng ayuno: Hindi ito karaniwang pormal na testimony meeting kundi isang panahon para magbahagi ng mga damdamin, paniniwala, pakikibaka, at tagumpay ang bawat tao sa aming pamilya. Lagi naming sinisikap na mag-asawa na magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Ang miting na ito ay naging isa sa mga pinaka-epektibong karanasan sa aming tahanan.

Hapunan ng pamilya: Kapag sinasabi naming, “Anong oras na?” sa oras ng hapunan, alam ng mga bata na oras na para magbahagi ang bawat tao ng isang bagay na naging maayos at isang bagay na sana’y naging mas maganda sa araw na iyon. Kadalasa’y humahantong iyon sa mga pagpapahayag ng pasasalamat, pagmamahal, kung minsa’y mga kabiguan, at kadalasa’y sa mga pag-uusap na puro tungkol sa ebanghelyo na hindi sana nangyari.

Mga pag-uusap nang sarilinan: Espesyal sa akin ang oras bawat buwan sa Linggo ng ayuno na maupo sa tabi ng bawat isa sa aking mga anak nang sarilinan, ipagdasal sila na binabanggit ang kanilang pangalan, tingnan sila sa mga mata, at tanungin sila. Sinisikap kong makinig at umugnay sa kanilang mga damdamin at pangangailangan. Maaaring kakatwa para sa kanila noong una, pero ngayo’y hinahanap-hanap na nila iyon kung hindi namin iyon ginagawa. Sana alam nila na ang oras ko sa piling nila ay mas mahalaga kaysa anupamang bagay at na gusto kong magkaroon ng makabuluhang mga pakikipag-usap sa kanila araw-araw.

Mga pagrerebyu ng mithiin: Lumilikha kami ng personal, pangmag-asawa, at pampamilyang mga mithiin tuwing Enero. Pagkatapos ay tinatalakay namin ang aming paglago at pag-unlad sa mga ito bawat buwan sa oras ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan o sa isang home evening lesson. Humahantong ito sa makabuluhang mga pag-uusap.

Pagtutulungan ng mag-asawa o mga magulang: Tuwing Linggo ng gabi, habang sinusuri naming mag-asawa ang aming mga lingguhang kalendaryo, tinatanong din namin ang isa’t isa kung ano ang pakiramdam namin at saan kami nahihirapan o nangangailangan ng tulong. Mayroon kaming makabuluhang mga pag-uusap tungkol sa aming pagsasama bilang mag-asawa at sa bawat isa sa aming mga anak at kung ano ang kailangan naming gawin para maikintal pa ang ebanghelyo ni Jesucristo sa puso ng bawat isa sa amin.

Mas mahusay makinig ang asawa ko kaysa sa akin at mas mahusay sa pagtulong na manatili kaming balanse at nakatuon sa landas ng tipan. Marami akong natututuhan mula sa kanya at napakapalad ko na ako ang pinili niyang makasama para sa kawalang-hanggan.

Hindi perpekto ang aming pamilya sa paggawa ng lahat ng bagay na ito, pero ginagawa talaga namin ang lahat at patuloy kaming nagsisikap.

Maghanda bago dumating ang avalanche o pagguho

Huwag nang hintayin pang dumating ang mga pagguho sa buhay sa inyong pagsasama ng inyong asawa, mga anak, o iba pang mga relasyon. Hindi ito tungkol sa kung kundi tungkol sa kapag. Pinakamainam lang tayong maihahanda ng ebanghelyo at iba pang makabuluhang mga pag-uusap kung sadya at regular itong nangyayari.

Ang makasama ang aking asawa, mga anak, at pamilya para sa kawalang-hanggan ang pinakamalaking mithiin ko at ang layunin ng lahat ng ginagawa ko, kabilang na ang bawat makabuluhang pag-uusap.

Nagkukulang ako, tulad nating lahat, pero sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng pagsisisi, napapasigla ako. Nangako ang Tagapagligtas na palalakasin tayo sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at ng ganap na kaliwanagan ng pag-asa na ibinibigay Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hindi natin kailangang maging perpekto, pero kailangan nating sikaping magpakabuti! Available sa bawat isa sa atin ang kapangyarihang iyan. Hindi kayo mabibigo. Ang tagumpay ay palaging nasa pagsisikap.

Nangako si Pangulong Nelson na “kapag pinili ninyong manaig ang Diyos sa inyong buhay, mararanasan ninyo para sa inyong sarili na ang ating Diyos ay ‘isang Diyos ng mga himala’ [Mormon 9:11].”7 Maaaring kabilang diyan ang hayaang manaig ang Diyos sa ating makabuluhang mga pag-uusap. Lahat ng bagay ay posible sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, kabilang na ang makabuluhang mga pag-uusap na ito. Pagmamahal palagi ang sagot Niya!

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.