Digital Lamang
Pagpapalaganap ng Liwanag ng Anak sa Pamamagitan Natin
Kapag hinangad nating tanggapin at ibahagi ang liwanag ni Cristo, makasusumpong tayo ng kagalakan nang mas sagana sa ating buhay.
Maaga pa isang umaga ng Lunes, isang grupo ng mga handang volunteer ang nagtipon para tumulong sa paglilinis ng Mount Timpanogos Utah Temple. Ibinigay ang mga gagawin, at nang sundan namin ng ilang volunteer ang nakatalagang superbisor namin, agad naming natanto na inaakay niya kami papunta sa silid selestiyal.
Pagpasok namin sa silid, agad naming napansin na ang malaki at hagdan-hagdang chandelier na karaniwang nakasabit sa ibabaw ng aming ulo ay nakababa malapit sa sahig. Ang tungkulin namin ay linisin ito. Hindi ito simpleng gawain, dahil ang chandelier ay binubuo ng libu-libong indibiduwal na mga kristal! Bawat tao ay binigyan ng puting guwantes, at ipinakita sa amin kung paano aalisin ang alikabok sa pamamagitan ng maingat na pagpunas nang isa-isa sa bawat kristal sa pagitan ng mga daliri naming nakaguwantes. Napakahirap gawin ng maselang prosesong ito, pero masigasig kaming nagtrabaho.
Makalipas ang ilang oras, kumislap na sa kinang ang bagong linis na chandelier! Matapos hangaan ang kagandahan nito, sinimulan naming linisin ang mas maliliit na chandelier sa silid selestiyal.
Biglang may nangyaring kagila-gilalas! Sumikat ang araw sa tuktok ng bundok sa silangan, at ang makinang na mga sinag nito ay direktang tumama sa malaking bilog na bintana sa silid selestiyal sa perpektong anggulo para maliwanagan ang napakagandang chandelier. Bawat makintab na kristal ay tinamaan ng sikat ng araw, at ang di-mabilang na maliliit na liwanag ay nagkalat sa lahat ng dako! Dumaloy ang maningning na mga bahaghari sa buong sahig, kisame, mga muwebles, dingding, at mga tao, at nag-iikutan pa nga ang ilang sinag sa paligid! Hinuli namin sa aming mga kamay ang mga bahaghari! Kagila-gilalas!
Madalas kong pinagnilayan ang di-malilimutang sandaling iyon at naunawaan ko na nang mas malinaw na ang liwanag ang gumagawa ng malaking kaibhan! Tulad ng mga kristal, kapag tinatanggap natin ang liwanag ng Anak at ibinabahagi natin iyon sa iba, nadaragdagan ang Kanyang liwanag, at kamangha-mangha ang masasayang epekto nito!
Sa Kanyang mortal na ministeryo at muli matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ipinahayag ng Tagapagligtas na Siya ang Ilaw ng Sanlibutan (tingnan sa Juan 8:12; 3 Nephi 15:9; 3 Nephi 18:24). Inanyayahan niya ang Kanyang mga disipulo na “paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16; tingnan din sa 3 Nephi 12:16).
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, maaaring itanong ng bawat isa sa ating sarili, “Paano ko mas sadyang maipapalaganap ang liwanag ng Anak sa pamamagitan ko?”
Maaari nating simulang sagutin ang tanong na ito sa pagkakaroon ng kamalayan nang may higit na pasasalamat sa saganang mga paraan na naibahagi ni Jesucristo ang Kanyang liwanag sa atin. Tumingin ka sa paligid! Ang Kanyang liwanag ay nasa lahat ng dako! Nakikita natin ito sa kagandahan ng kumikislap na ulan at sa himala ng pagsikat ng ginintuang araw. Nadarama natin ito sa mga panahon ng kahirapan kapag napapansin natin ang Kanyang maawaing kamay na nagbibigay sa atin ng kakayahang tiisin ang ating mga pasanin at daigin ang kadiliman ng sakit o takot. Tinatanggap natin ito kapag natatanto natin na bawat paghugot natin ng hininga at bawat araw natin sa lupa ay isang pagkakataong maging higit na katulad Niya:
“Ang ilaw at buhay ng sanlibutan; isang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman at ang kadiliman ay hindi ito maunawaan;
“Gayon na lamang ang pagsinta niya sa sanlibutan na ibinigay niya ang sariling buhay, na kasindami ng mga maniniwala ay magiging mga anak ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 34:2–3).
Kapag tayo ay “nagpapasalamat araw-araw” (Alma 34:38) para sa liwanag na natanggap natin, madaragdagan ang pagnanais nating ibahagi ang Kanyang liwanag sa iba.
Habang tumitindi ang pagnanais nating tumanggap at magbahagi ng liwanag, maaari nating hilingin sa Ama sa Langit na tulungan tayong kumilos sa maliit at makabuluhang mga paraan para maipalaganap ang liwanag ng Kanyang Anak sa pamamagitan natin. Marahil ay maaari tayong hikayatin ng Espiritu na ngitian ang isang tao para pasayahin ang araw niya, manalangin para sa isang estrangherong nangangailangan, mag-isip ng mabuti tungkol sa isang kapitbahay, o makinig na mabuti sa isang bata. Kapag sinusunod natin ang mga pahiwatig na ipinadala na partikular para sa atin, mas maraming personal na paghahayag ang darating. Maaari tayong mabigyang-inspirasyon na piliing maging masaya; magpadala ng mensahe para pasiglahin ang isang kaibigan; sabihin sa isang kapamilya na, “Mahal kita”; tunay na magpatawad; o humingi ng kapatawaran para sa isang pagkakamaling hindi pinag-isipan. Sa anumang kakaibang mga paraan tayo inaakay na ibahagi ang liwanag ng Anak, ang ating kabaitan at pagmamahal ay maghahatid ng malaking kagalakan sa atin at sa iba—at sa tulong ng Panginoon, ang pinagsamang mga epekto nito ay magiging kagila-gilalas!
Naunawaan ko na nang mas malinaw na ang liwanag ang gumagawa ng malaking kaibhan. Natanto ko na nang mas lubusan ang malalim na katotohanang ito: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (Doktrina at mga Tipan 50:24).
May mapagpakumbabang pasasalamat, nagpapasalamat ako sa Ama para sa Kanyang Pinakamamahal na Anak at sa pagtutulot sa atin na tulungan Siyang liwanagan ang sanlibutan!