2023
Mga Mithiin, Paglago, at Pag-unlad—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol
Enero 2023


Digital Lamang

Mga Mithiin, Paglago, at Pag-unlad—Mga Mensahe Kamakailan mula sa mga Propeta at Apostol

Tingnan ang naituro ng mga buhay na propeta kamakailan sa social media tungkol sa pagtatakda ng mga mithiin at pagsisikap na matupad ang mga iyon para matulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo.

mga block na pataas

Sa simula ng bawat taon, madalas nating isaalang-alang kung anong mga mithiin o resolusyon ang magagawa natin para mapagbuti ang ating sarili. Ngunit sa napakaraming opsiyon kung ano ang pag-aaralan o gagawin, saan tayo magsisimula?

Sa Lucas 2:52, makikita natin ang huwaran mula sa buhay ng Tagapagligtas: “Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Ang talatang ito ay pundasyon din para sa programang Mga Bata at Kabataan, na nag-aanyaya sa atin (anuman ang edad) na maging higit na katulad din ni Jesucristo sa pamamagitan ng paglago sa espirituwal, sa pakikihalubilo, sa pisikal, at sa intelektuwal.

Habang mapanalangin nating pinipili at tinutupad ang mga mithiin sa lahat ng aspeto ng ating buhay, madalas tayong humarap sa mga desisyon tungkol sa mga hangarin, prayoridad, kabiguan, problema, katatagan, suporta, at relasyon. Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng pag-asa at mga kabatiran para tulungan tayo sa ating paglago sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa mga mithiin at sa mga turong ito mula sa kanilang mga social media account.

Isaalang-alang ang Tatlong Resolusyong Ito

“Sigurado ako na marami sa inyo ang naglalaan ng oras ngayon para isulat ang inyong mga resolusyon para sa darating na taon. Maaari ba akong magbigay ng ilang mungkahi?

“Una, magpasiyang palakasin ang inyong espirituwal na pundasyon. Maaaring kabilang dito ang pagtatakda ng partikular na oras at lugar para pag-aralan ang mga banal na kasulatan, pagdarasal nang mas madalas, pagbibigay ng prayoridad sa pagsamba sa templo, at pagpayag na manaig ang Diyos sa lahat ng aspeto ng inyong buhay.

“Pangalawa, magpasiya na maging mabait sa iba. Nang dumalaw ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon, ang isa sa mga unang bagay na itinuro Niya ay na kailangang itigil ang pagtatalo sa ating buhay. Kaya, maging mahabagin, maging maunawain, maging mabagal sa paghatol, at mabilis na magpatawad.”

“Pangatlo, magpasiyang maging matatag. Gustung-gusto ng Panginoon ang pagsisikap. Gustung-gusto ng Panginoon ang hindi pabagu-bago. Gustung-gusto ng Panginoon ang katatagan. Bagama’t tiyak na magkukulang tayo paminsan-minsan, ang patuloy nating pagsisikap na pakinggan Siya at sundin ang inspirasyong ibinibigay Niya sa atin ay tutulong sa atin na ‘lumakas sa Espiritu’ (Mosias 18:26).

“Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mahal kong mga kaibigan, at nawa’y maging napakagandang taon ito ng layunin at mga posibilidad para sa ating lahat.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Ene. 1, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.

Ang mga Oportunidad ay Maaaring Magmula sa Pag-uumpisa at Pagtatapos ng Isang Bagay na Mahirap

“Sa lahat ng bata kong kaibigan, sana’y maunawaan ninyo ang kahalagahan ng pagsisikap at pagkakaroon ng mas mataas na edukasyon, at sana’y matuto kayo mula sa isang bagay na pinagsisisihan ko.

“Noong kumukuha ako ng mga kurso ukol sa pagnenegosyo mula sa mga propesor sa unibersidad, natanto ko na mas malaki ang kinikita ko kaysa sa mga guro. Siguro, mahusay na salesman ako. Naaalala ko na naisip ko: ‘Kung titigil ako sa pag-aaral at magsisikap na magbenta nang full-time, hindi ako magkakaroon ng problema sa pera.’

“Parang may katwiran ang ganitong pag-iisip noon. Kaya hindi ko tinapos ang huling taon ko sa kolehiyo. Pinagsisihan ko ang desisyong iyon sa buong buhay ko.

“Sino ang nakakaalam kung anong iba pang mga oportunidad ang maaaring napasaakin kung tinapos ko sana ang huling taon na iyon ng pag-aaral. Palagi kayong nahaharap sa mahahalagang desisyon tungkol sa mga relasyon, trabaho, at paaralan, at maaaring hindi ninyo alam ang eksaktong mga hakbang na gagawin ninyo sa hinaharap. Matitiyak ng pagtapos sa inyong pag-aaral na ang mga hakbang na iyon ay aakay sa inyo sa magandang direksyon.

“Kung kaya ninyo, hinihikayat ko kayong gawing prayoridad sa inyong buhay ang pagtatapos sa kolehiyo. Pagpapalain tayo ng Diyos sa pagsisimula at pagtapos ng isang bagay na sumusubok sa atin.”

Pangulong M. Russell Ballard, Facebook, Peb. 23, 2022, facebook.com/mrussell.ballard.

Manatiling Nakatuon sa Inyong mga Pangarap

“Sa pagsisimula ng bagong taon, dapat nating sikaping matuto mula sa pananaw ng nakaraan. Nakikiusap ako sa inyo na tandaan na dapat matuto mula sa nakaraan, ngunit huwag nang buhayin pa ang nakaraan. Lumilingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan at [hindi upang] buhayin pa ang mga nakaraan.

“At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. Ang pananampalataya ay palaging nauugnay sa mga pagpapala at katotohanan at pangyayari na magbubunga pa lamang sa ating buhay.

“Maaaring iniisip ng ilan sa inyo—lalo na’t nararanasan natin sa araw-araw ang kaguluhan sa ating paligid ngayon— ‘May bukas bang naghihintay sa akin?’ Ano ba ang naghihintay sa akin sa bagong taon? Magiging ligtas kaya ako? Magiging matatag ba ako? Maaari ba akong magtiwala sa Diyos at sa hinaharap?

“Mangyaring alalahanin ito: nagtitiwala ang pananampalataya na maraming bagay ang inilalaan sa atin ng Diyos at si Cristo ang tunay na “dakilang saserdote ng mabubuting bagay na darating” (Hebreo 9:11).

“Manatiling nakatuon sa inyong mga pangarap, gaano man ito kalayo. Mabuhay upang mamalas ang mga himala ng pagsisisi at pagpapatawad, ng pagtitiwala at pagmamahal ng Diyos na magpapabago sa inyong buhay ngayon, bukas, at magpakailanman. Iyan ang isang resolusyon sa Bagong Taon na hinihiling kong gawin ninyo.”

Elder Jeffrey R. Holland, Facebook, Ene. 9, 2022, facebook.com/jeffreyr.holland.

Si Jesucristo na tinuturuan ang Kanyang mga disipulo

Bawat Araw, Bawat Oras, ay Maaaring Maging Isang Bagong Simula

“Maaga kong natutuhan sa buhay na hindi kailangang maghintay ng bagong taon para magkaroon ng bagong simula sa aking personal na buhay. Sa bawat bagong araw, dumarating ang bagong bukang-liwayway—hindi lamang para sa mundo kundi para din sa inyo at sa akin. At ang bawat bagong araw ay may bagong simula—isang pagkakataon na magsimulang muli at iwasan ang panganib ng pagpapaliban.

“May mga sandali sa buhay ko na hindi ako makatulog sa gabi sa pag-aalala sa mga problema, suliranin, o sariling pighati. Ngunit gaano man kadilim ang gabi, laging lumalakas ang loob ko kapag iniisip kong ‘Kinaumagahan ay dumarating ang galak’ (tingnan sa Mga Awit 30:5).

“Nangangako ang mga banal na kasulatan, ‘Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw, ang kanyang mga habag ay hindi natatapos; sariwa ang mga iyon tuwing umaga’ (Mga Panaghoy 3:22–23). At inaanyayahan tayo ng Panginoon na ‘paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw … upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.’ (Mateo 5:16).

“Sa mga darating na araw, linggo, at buwan, kahit na tila mahaba ang mga ito, ang pagmamahal ng Diyos at ang bunga ng Espiritu ay magbibigay sa atin ng kakayahang makipag-ugnayan sa mga nasa paligid natin (pamilya, mga kaibigan, lahat) at tutulungan sila na mas makayanan ang kanilang mahihirap na kalagayan. ‘Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga bagay na ito ay walang kautusan’ (Galacia 5:22–23).”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Ene. 5, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

“Sa kabila ng labis na pagdadalamhati, ang bawat isa sa atin ay maaaring magsimulang muli. … Maaari tayong magsimulang muli dahil ang ating Ama sa Langit ang Diyos ng mga bagong simulain.

“Bawat araw, bawat oras, ay maaaring maging isang bagong simula—isang pagkakataon para mapanibago ang ating sarili sa Banal na Espiritu. Ang awa ng Diyos ay sapat upang pagalingin ang ating mga sugat, bigyang-inspirasyon tayo upang sumulong, linisin tayo mula sa kasalanan, palakasin tayo para sa mga pagsubok na darating, at biyayaan tayo ng pag-asa at Kanyang kapayapaan. Ito ay isang mensahe na kailangang marinig ng lahat ng mga anak ng Diyos.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Ago. 11, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Hindi Perpekto? Maaaring Ikaw na ang Taong Hinahanap ng Diyos

“Si Fred Astaire ay isang tanyag na aktor, mananayaw, at mang-aawit ng American cinema. Naging bida siya sa dose-dosenang mga palabas sa Broadway at Hollywood. Ang isa sa kanyang mga naunang audition ay hinatulan sa mga salitang ito: ‘Hindi marunong umarte. Medyo kalbo. Kayang sumayaw nang kaunti.’

“Hindi ito magandang report!

“Sa tiyaga at pagsisikap, nalinang niya ang kanyang mga kakayahan hanggang sa siya ay maging isa sa mga pinakamagaling na artista sa lahat ng panahon—na nakilala sa ‘pagiging elegante, kagandahan ng pagkilos, orihinalidad, at kahusayan.’

“Hindi lamang siya ang nag-alinlangan sa sarili o nagtiis ng pambabatikos.

“Tinanggal si Walt Disney mula sa isang pahayagan dahil siya ay ‘kulang sa imahinasyon at walang magagandang ideya.’

“Iilang ipinintang larawan lamang ang naibenta ni Vincent Van Gogh noong nabubuhay pa siya—marami sa mga ito ay sa mga kapamilya at malalapit na kaibigan.

“Minsa’y nakatanggap si Ernest Hemingway ng sulat ng pagtanggi mula sa isang patnugot na ang tingin sa kanyang isinulat ay ‘nakakapagod basahin at nakasasakit ng damdamin,’ at sinabing, ‘Mas mahusay pang magsulat ang anak ko!’

“Marahil ay mas mababa ang tingin natin sa ating sarili kaysa sa kung sino naman talaga tayo. Hindi karapat-dapat. Walang talento. Hindi espesyal. Hindi nagtataglay ng puso, isipan, kabuhayan, karisma, o pangangatawan para magkaroon ng malaking silbi sa Diyos.

“Hindi ka kamo perpekto? Hindi sapat ang kakayahan mo? Marami tayo!

“Maaaring ikaw na ang taong hinahanap ng Diyos.

“Hindi kailangan ng Diyos na maging pambihira kayo, lalo nang hindi maging perpekto.

“Tatanggapin Niya ang inyong mga talento at kakayahan at pararamihin ang mga ito—kahit tila kakaunti ang mga ito na parang ilang tinapay at isda lang. Kung magtitiwala kayo sa Kanya at magiging tapat, palalakihin Niya ang epekto ng inyong mga salita at kilos at gagamitin ang mga ito para pagpalain at paglingkuran ang maraming tao!”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Okt. 15, 2021, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Huwag Subukang Gawin ang Lahat ng Bagay nang Sabay-Sabay

“Kung minsan pinagninilayan natin ang lahat ng ating responsibilidad sa tahanan, paaralan, trabaho, at simbahan at iniisip kung paano natin mababalanse ang maraming gawaing nag-aagawan sa oras natin. Sa halip na pahirapan ang sarili natin sa pagpipilit na magawa ang lahat nang sabay-sabay, dapat nating tukuyin ang ilang mahahalagang bagay na dapat nating pinakaunang iprayoridad. Pagkatapos ay sikapin nating bigyan ang bawat isa ng atensyong kailangan ng mga ito—nang paisa-isa.

“Kapag nasa bahay kayo, piliing gawing prayoridad ang tahanan. Kapag nasa paaralan kayo, piliing gawing prayoridad ang pag-aaral. Kapag nasa trabaho kayo, piliin ninyong iprayoridad ang trabaho. Kapag kayo ay sumasamba sa tahanan o sa simbahan, iprayoridad ang pagsamba.

“Maaaring tila napakasimple nito, pero hindi tayo dapat panghinaan-ng-loob at magsayang ng panahon sa kapipilit na balansehin nang perpekto ang lahat ng mahahalagang bagay na kailangan nating gawin. Kapag matapat nating ipinagdarasal na tulungan tayo ng Diyos na matukoy ang pinakamahalaga, gagabayan at tutulungan Niya tayo na ipokus doon ang ating mga pagsisikap araw-araw.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Abr. 19, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Matuto mula sa Kabiguan, at Tandaan ang Kabutihan ng Diyos

“Naobserbahan ko sa buhay ko at sa buhay ng ibang tao ang maraming paulit-ulit na pangyayari—kabiguan at tagumpay, kalungkutan at kaligayahan, pagkawasak at muling pagtatayo, trahedya at tagumpay, kaguluhan at pagkakasundo, pagkasiphayo at kaluguran, at di-mabilang na iba pang bagay.

“Ngunit kung ngayon, sa tulong ng Diyos, matututo tayo mula sa kabiguan, mas magtatagumpay tayo sa pagsulong natin.

“Kung ngayon, sa tulong ng Diyos, madaraig natin ang kalungkutan, makadarama tayo ng mas malalim na kaligayahan habang patuloy tayong naglilingkod sa Kanya at iginagalang Siya.

“At kung ngayon, sa tulong ng Diyos, matitiis natin nang marapat ang kabiguan sa kasalukuyan, mapagpapala tayo na matanggap ang walang-hanggang kaluguran.

“Ang susi ay pag-alala sa tuwina ng kadakilaan at kabutihan ng Diyos—at pagkilala na umaasa tayo sa Kanya para sa patnubay at lakas sa ating sariling buhay.

“Ang paanyaya ko sa inyong lahat—bata at matanda—ay mahalin ang Diyos at ang inyong kapwa, pangalagaan ang mga nangangailangan, at palaging panatilihin ang walang-hanggang pananaw tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos—isang pananaw na higit pa sa mga pansamantalang pagsubok at kaguluhan sa buhay sa mundo.”

Elder David A. Bednar, Facebook, Hunyo 13, 2021, facebook.com/davida.bednar.

Sundin ang Dalawang Dakilang Utos, ayon sa Tamang Pagkakasunod Nito

“Ang pagnanais na magtagumpay ay maaaring humantong sa mahahalagang bagay na magagawa. Tiyak na maaari itong magpalakas ng loob at maghatid ng magagandang gantimpala at karagdagang kaligayahan sa mga mahal ninyo sa buhay at maging sa lipunan. Gayunman, kapag labis na ang bigat na nadarama ninyo dahil sa inaasahan ninyo mismo o ng ibang tao, maaari itong humantong sa pagkabalisa, pagnanais na maging perpekto, o depresyon at maaaring magdulot ng matinding kalungkutan sa pagsasama ng mag-asawa, pamilya, paglilingkod sa iba, at maging sa pagiging disipulo ni Cristo. Paano kayo makatitiyak na maaani ninyo ang mga positibong resulta at maiiwasan ang negatibong mga bagay sa inyong buhay?

“Mula sa sarili kong karanasan, malinaw kong sasabihin: sundin ang dalawang dakilang utos, ayon sa pagkakasunod nito—‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at unang utos. At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’ Ang pagmamahal at pagsunod kay Jesucristo ay magbibigay ng layunin, balanse, at kahulugan sa inyong buhay. Itutuon nito ang inyong buhay sa paglilingkod.”

Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Set. 3, 2021, facebook.com/dtodd.christofferson.

Magtakda ng mga Makabuluhang Personal na Espirituwal na Mithiin

manika na pinturado nang bahagya ang mukha

“Ang manikang Daruma ay itinatanging simbolo ng suwerte at pagtitiyaga sa kultura ng mga Hapones. Ginagamit ito upang magtakda ng mga mithiin at ipagdiwang ang tagumpay. Kapag nangako ang isang tao na gagawin ang isang mithiin, kukulayan niya ang isang mata at hihingi ng tulong mula sa langit para makamit ito. Pagkatapos makamit ang mithiin, kukulayan niya ang isa pang mata bilang tanda ng pasasalamat.

“Bagama’t maaaring kabilang sa mga bagong mithiin natin sa taon ang mga paraan para mapagbuti ang pisikal o temporal na aspeto ng buhay, hinihikayat ko kayong sumangguni sa inyong Ama sa Langit at magtakda rin ng mga makabuluhang personal na espirituwal na mithiin. Mga mithiin na magpapatibay sa inyong pundasyon at pananampalataya kay Jesucristo. Mangyaring alalahaning pasalamatan Siya, Siya ang nagbibigay ng lahat ng mabubuting kaloob.”

Elder Gary E. Stevenson, Facebook, Ene. 1, 2022, facebook.com/stevenson.gary.e.

Maging Mapagpasensya at Maunawain sa Inyong Sarili

“Maaaring nag-aatubili kayo sa lahat ng gusto ninyong pagbutihin sa pagsisimula ng bagong taon na ito. Maging mapagpasensya at maunawain sa inyong sarili.

“Kadalasan masyado tayong mapamintas sa ating sarili. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumapit kung ano tayo, na gawin ang lahat ng bagay ‘sa karunungan at kaayusan’ [Mosias 4:27]. Hindi Niya inaasahang tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa sa ating lakas, bagama’t nagsusumigasig at nagpapakatatag tayo.

Elder Gerrit W. Gong, Facebook, Ene. 10, 2021, facebook.com/gerritw.gong.

Humingi ng Tulong sa Panginoon na Magpakabuti nang Taludtod sa Taludtod, Hindi nang Biglaan

“Sa isang okasyon ay sinabi ng Tagapagligtas, ‘Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko’ (3 Nephi 27:27). Ang pagiging perpektong ito ay tiyak na darating lamang sa kabilang panig ng tabing. Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, inaanyayahan tayo ng Panginoon na maghanap ng mga paraan para mapagbuti ang ating sarili, hindi nang minsanan lang, kundi taludtod sa taludtod.

“Ang tulong na matatanggap natin mula sa Panginoon sa ating mga mithiin at mabubuting hangarin ay walang katapusan, at susuportahan Niya tayo sa anumang mabuti at matwid na pagsisikap. Ang habambuhay kong tungkulin bilang isa sa Kanyang mga natatanging saksi ay nagdagdag ng higit na lakas sa determinasyon kong patuloy na pagbutihin ang iba’t ibang aspeto ng buhay ko upang maging higit na katulad ni Cristo. Bawat pagsisikap na maging higit na katulad Niya ay nagpapaibayo sa ating espirituwal na kakayahang maglingkod sa Kanya. Maaari tayong palaging magpasalamat sa Panginoon para sa tulong na ibinibigay Niya sa atin sa paggawa ng mga personal na pag-unlad. Para sa akin, marami pa akong dapat gawin. Pero umuunlad ako, unti-unti, nang may kagalakan at pasasalamat!

“Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan para makamit ang mabubuting pagsisikap sa sarili ninyong buhay, anuman ang inyong sitwasyon. Tinitiyak ko sa inyo na mahal ng Panginoon ang bawat isa sa atin at lagi Siyang nariyan para tulungan tayo, anuman ang sitwasyong kinakaharap natin.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Peb. 26, 2021, facebook.com/soares.u.