Lingguhang YA
3 Paraan Upang Matiis ang Buhay at Masiyahan Dito
Setyembre 2024


“3 Paraan Upang Matiis ang Buhay at Masiyahan Dito,” Liahona, Set. 2024.

Mga Young Adult

3 Paraan Upang Matiis ang Buhay at Masiyahan Dito

Nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng kagalakan sa buhay na ibinigay sa atin.

mga young adult sa Germany

Si Guido mula sa Germany

Kailan ang huling pagkakataon na tunay kang naging masaya?

Mahirap bang sagutin ang tanong na iyon?

Sa mahihirap na panahon, maaaring masyado tayong nalula sa ating mga pagsubok kaya hindi na natin talaga maalala kung ano ang pakiramdam ng kagalakan. Tulad ng inilarawan ni Sister Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Maaari … [na] magkaroon ng madilim na mga ulap sa ating buhay, na maaaring bumulag sa atin at hindi makita ang liwanag ng Diyos at maging dahilan para magduda tayo kung nariyan ba talaga ang liwanag na iyon para sa atin.”

Para sa marami sa atin na mga young adult, ang buhay kung minsan ay tila isang bagay na titiisin lamang—isang bagay na dapat paghirapang malampasan hanggang sa matanggap natin sa wakas ang mga pagpapalang iyon na ipinangako sa atin.

Kung minsan ay nalilimutan natin na isa rin itong bagay na dapat ikasiya. Ang pagpapala ng walang hanggang kaligayahan ay maaari nang magsimula ngayon.

Narito ang ilang paraan na maaari nating paalabin muli ang liwanag at kagalakan sa ating mga buhay.

Alalahanin ang mga Simpleng Katotohanan

Sa halip na sanayin ang ating mga mata na makakita sa dilim, maaari nating hanapin ang mga sinag ng liwanag na hatid ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating buhay.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang kagalakan ay nagmumula at dahil [kay Jesucristo]. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan.” Kapag nahihirapan kang makahanap ng liwanag sa iyong buhay, dapat ang pagbaling kay Jesucristo ang laging unang hakbang.

Maaari mo ring hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang maalala ang kahalagahan ng iyong banal na pagkatao.

Itinuro ni Elder Gary B. Sabin ng Pitumpu, “Mahalaga sa ating kaligayahan na tandaan natin na tayo ay mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.” Ang tunay na pagkaalam na ang Diyos ay may kamalayan sa iyo at nagnanais ng pinakamainam para sa iyo ay maaaring magpaliwanag sa iyong buhay.

Sa kabila ng mga hamong kinakaharap mo, ang pag-alaala sa mga pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo ay makatutulong sa iyo na maanyayahan ang liwanag ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

Hanapin kung Ano ang Nagdadala sa Iyo ng Kaligayahan

Kung minsan ay mahirap alalahanin na ang ating kaligayahan ay hindi laging katulad ng sa iba. Sa katunayan, bilang mga young adult, mahirap na hindi ikumpara ang ating buhay sa mga taong nakapaligid sa atin. Pero tandaan na may kontrol ka sa sarili mong kaligayahan.

Itanong sa iyong sarili: ano ang nagpapasaya sa iyo?

Ano ang nagpapangiti sa iyo?

Tulad ng iminungkahi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf noong siya ang Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Bawasan ang pagmamadali at bigyan ng kaunting panahon na mas makilala ang iyong sarili.” Hanapin ang kagandahan sa maliliit na bagay: Maglakad-lakad ka. Bumisita sa templo. Mag-sign up para sa isang proyekto sa paglilingkod. Maghanap ng bagong libangan o magpatuloy kung saan ka huminto sa isang lumang libangan.

Minsan nang nagsalita si Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano mapaliliwanag ng pagkamalikhain ang ating mga buhay: “Pumili ng isang bagay tulad ng musika, sayaw, iskultura, o tula. Ang pagkamalikhain ay tutulong sa iyo na masiyahan sa buhay. Ito ay nagbubunga ng diwa ng pasasalamat. Ito ay nagpapaunlad ng nakatagong talento, nagpapatalas ng iyong kakayahang mangatwiran, kumilos, at maghanap ng layunin sa buhay. Ito ay pumapawi sa kalungkutan at dalamhati. Ito ay nagbibigay ng bagong simula, siklab ng kasigasigan, at gana sa buhay.”

Ang paghahanap kung ano ang pumupuno sa iyong puso ng kaligayahan ay makatutulong na paalabin muli ang liwanag sa iyong buhay kapag nadarama mong hindi ka umuunlad.

Magtuon sa Kung Ano ang Pinakamahalaga

Kung ang buhay ay nagiging masyadong mahirap at nadarama mo na tila nauubos ang lahat ng iyong lakas upang makaraos lamang sa bawat araw, huminto sandali para magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga.

Upang magawa ito, iminungkahi ni Pangulong Uchtdorf na “simplihan natin nang kaunti ang ating buhay.” Muling ituon ang iyong buhay sa pagmamahal ng Ama sa Langit at sa magandang kaloob na Pagbabayad-sala ni Cristo. Unahin ang iyong mga ugnayan sa iyong pamilya, mga kaibigan, at iyong sarili.

Labanan ang negatibo ng positibo, ang kadiliman gamit ang liwanag ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.

Tulad ng paghihikayat sa atin ni Pangulong Nelson: “Huwag lamang nating tiisin ang mga nangyayari ngayon. Ating yakapin ang bukas nang may pananampalataya!” Habang tinitiis ang mga paghihirap sa buhay, matuto ring masiyahan sa kagandahan nito. Ang walang hanggang kaligayahan na ipinapangako ng ebanghelyo ay hindi magsisimula sa hinaharap—nagsisimula ito ngayon.