Lingguhang YA
Paghahanap ng Katatagan ng Damdamin kay Cristo sa Panahon ng Matitinding Hamon sa Aking Kalusugan
Setyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paghahanap ng Katatagan ng Damdamin kay Cristo sa Panahon ng Matitinding Hamon sa Aking Kalusugan

Ang awtor ay naninirahan sa Chile.

Nang masuri na mayroon akong sakit na walang lunas, bumaling ako kay Cristo para mapayapa.

larawang-guhit ng isang nakangiting binata na yakap ang isang malaking pusong kulay pula

Nabinyagan ako noong tinedyer ako, at gustung-gusto ko ang ebanghelyo ni Jesucristo. Gayunman, sa paglipas ng panahon, hindi na ako gaanong naganyak na ipamuhay ang ebanghelyo dahil wala ni isa sa aking pamilya ang miyembro at mahirap panatilihin ang aking espirituwal na mga gawi nang mag-isa.

Noon ko pa alam na ang Simbahan ay totoo, pero ayaw kong ibuhos ang buong puso ko roon, dahil matinding katapatan ang kailangan doon. Hindi na naging regular ang pagsisimba ko. Pagkatapos ay sinimulan kong unahin ang pakikisama ko sa mga kaibigan sa halip na ipamuhay ko ang ebanghelyo, at kalaunan ay tumigil na ako sa pagsunod sa mga kautusan. Pinangatwiranan ko ang aking mga ginawa sa pagsasabi na ayos lang na gawin ko ang anumang gusto ko, basta’t sinikap kong maging mabuting tao.

Pero malaki ang naging kapalit ng desisyong iyon.

Matapos ang mahabang panahon ng pamumuhay nang malayo sa Simbahan, nasuri na positibo ako sa human immunodeficiency virus (HIV). Ang kundisyong ito ay matindi, lumalala, at walang lunas. Nanlumo ako.

Tinanong ko ang mga bagay na tiyak kong marami sa atin ang nagtatanong kapag dumaranas ng mga nakapanlulumong diagnosis o iba pang matitinding hamon: Paano pa ako masisiyahang muli sa buhay? Paano ako magkakaroon ng pag-asa sa anumang bagay?

Ang sagot?

Si Jesucristo.

Pagbubuhos ng Buong Puso Ko sa Ebanghelyo

Sa napakahirap na sandaling iyon, nang matanggap ko ang resulta ng diagnosis o pagsusuri sa akin at sumamo ako na guminhawa sana ang pakiramdam ko, nadama ko na alam na alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang nadarama ko. Binigyan ako ng Espiritu ng kalinawan na nakatulong sa akin na pagnilayan ang aking mga desisyon.

Natanto ko na kailangan kong anyayahang muli ang Tagapagligtas sa buhay ko kung nais kong magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan. Kaya, nakipag-appointment ako sa aking bishop at stake president para makapagsimula ako sa proseso ng pagsisisi.

Nang makipagtulungan ako sa mababait na lider na ito, nadama ko ang kanilang pagmamahal at suporta, at muling pumasok sa buhay ko ang nagpapalakas na kapangyarihan ni Jesucristo. Tinulungan ako ng mga lider ko na bumuo ng mga mithiin. Nagsimula akong umusad sa landas ng tipan. Ibinuhos ko ang buong puso ko sa ebanghelyo sa unang pagkakataon sa buhay ko, at nakita ko ang kaibhan sa sarili ko nang unahin ko ang aking relasyon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Itinuro kamakailan ni Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas na magkaroon ng pag-asa at kagalakan sa kabila ng ating mahihirap na sitwasyon:

“Si Jesucristo ang ‘pag-asa sa i[n]yong hinaharap.’ Walang anumang nagawa natin o hindi nagawa ang hindi maaabot ng Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo. Siya ang dahilan kung bakit hindi nagwawakas ang ating kuwento. …

“Ang buhay na walang hanggan ay walang-hanggang kagalakan. Kagalakan sa buhay na ito, ngayon—hindi sa kabila ng mga hamon sa ating panahon kundi dahil sa tulong ng Panginoon ay matututo tayo mula sa mga ito at sa huli ay madadaig ang mga ito—at di-masukat na kagalakan sa buhay na darating.”

Naipamalas sa buhay ko ang katotohanan ng kagalakang ito nang patuloy akong magpokus sa Kanya at, muli, mahigpit na kumapit sa gabay na bakal—ang salita ng Diyos—bawat araw (tingnan sa 1 Nephi 15:23–24).

Paghahanap ng Katatagan ng Damdamin sa Mahihirap na Panahon

Habang patuloy akong nakasusumpong ng aliw at nakakayanan ko ang aking karamdaman, sinabihan ako ng aking bishop na makilahok sa self-reliance course ng Simbahan na “Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin.”

Naniniwala ako na ang kursong ito ay bigay ng Diyos, inspirado, at mahimala. Natutuhan ko kung paano baguhin ang karamdamang ito, na nagpapalungkot sa buhay, na maging isang karanasan sa pag-aaral. Itinuro sa akin ng kursong ito kung paano magkaroon ng matinding pananampalataya sa Tagapagligtas, matuto ng malusog na mga pattern ng pag-iisip, makontrol ang stress at pagkabalisa, at sa huli ay sumulong sa aking buhay nang may pag-asa.

Kahit sa ganitong mga materyal, may mga araw na mahirap at nakakapagod. Ang pagkabalisa at kalungkutan na kung minsa’y kaakibat ng mga sandaling iyon ay nakakapanghina. Pero nakatulong sa akin ang pagsunod sa payo ng propeta na mahanap ang aking landas sa mahihirap na panahong ito.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng “mag-isip nang selestiyal” kapag dumaranas ng mahihirap na hamon, na sinasabing: “Isipin ang tugon ng Panginoon kay Joseph Smith nang humiling ito ng tulong sa Piitan ng Liberty. Itinuro ng Panginoon sa Propeta na ang hindi makataong pagtrato sa kanya ay magbibigay sa kanya ng karanasan at para sa kanyang ikabubuti [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7]. ‘Kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti,’ pangako ng Panginoon, ‘ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas’ [Doktrina at mga Tipan 121:8]. Itinuro ng Panginoon kay Joseph na isipin ang selestiyal at [tanawin] ang walang-hanggang gantimpala sa halip na magtuon sa napakatinding paghihirap sa oras na iyon.”

Kaya, kasunod ng payo ni Pangulong Nelson, ito ang ginagawa ko para sa kalusugan ng aking isipan—nagtutuon ako sa mabuti. Ginagawa ko ang lahat para alagaan ang kalusugan ng aking isipan sa pamamagitan kapwa ng espirituwal at temporal na mga mapagkukunan ng ginhawa. Pinag-aaralan ko ang buong sitwasyon—nang may walang-hanggang pananaw. Tinatandaan at tinutupad ko ang aking mga tipan.

Higit sa lahat, umaasa ako sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo para sa pag-asa at lakas.

Kung nahihirapan kayo sa isang matinding hamon, nagmumula man iyon sa mga nakaraang desisyon, sa mga desisyon ng iba, o sa katotohanan lamang na nabubuhay tayo sa isang mundong hindi perpekto, tandaan ang mga pangako ng kapayapaan, kapahingahan, at kagalakan na iniaalok sa atin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag bumaling tayo sa Kanila.

Pinasasalamatan ko ang Ama sa Langit araw-araw sa pagtulong sa akin na maging mas matatag sa aking matitinding problema sa kalusugan. Hindi ko akalain na pasasalamatan ko ang hamong tulad nito, pero nagpapasalamat ako na nakatulong ang problemang ito para matanto ko kung gaano ko kailangan ang aking Tagapagligtas sa buhay ko. Nararamdaman ko na mas umaayon na ang puso ko sa Kanya sa araw-araw.