Lingguhang YA
Paghahanap ng “Dahilan para Magalak”
Setyembre 2024


Digital Lamang

Paghahanap ng “Dahilan para Magalak”

Noong nagkaproblema ako, ipinaalala sa akin ng mga salita ng isang propeta na magalak.

Isang babaeng nakatayo sa bukid at nakaharap sa araw

Nang tumama ang pandemyang COVID-19, naglilingkod ako noon bilang missionary sa Dominican Republic. Hindi naging madali ang unang tatlong transfer ko bilang missionary, pero nagpasalamat ako sa lahat ng natutuhan ko at natuwa akong magpatuloy sa paglago bilang disipulo ni Jesucristo.

Kaya noong pauwiin ako nang tatlong buwan, nalito ako at nalungkot. Parang nawalan ng katiyakan at tumigil sa pag-usad ang buhay ko. Kalaunan ay natanggap ko ang reassignment ko sa Iowa City, Iowa, USA. Bagama’t agad na napamahal sa akin ang Iowa at ang mga tao roon, pakiramdam ko ay nagsisimula akong muli. Naging mahirap ang pag-akma, at nakadama ako ng kakulangan, pagkabalisa, at lungkot.

Araw-araw kong ipinagdasal na magkaroon ng kaunting ginhawa. Mabigat ang damdamin ko, at nahirapan akong tiisin iyon nang mag-isa.

Sa aking personal na pag-aaral, nabasa ko ang isang sipi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na nagpagaan sa pakiramdam ko. Sabi niya:

“Sinabi ng Panginoon: ‘Dahil dito, pasiglahin ang iyong puso at magalak, at tuparin ang mga tipan na iyong ginawa.’ (Doktrina at mga Tipan 25:13.)

“Naniniwala ako na sinasabi niya sa bawat isa sa atin na maging masaya. Ang ebanghelyo ay mensahe ng kagalakan. Binibigyan tayo nito ng dahilan para magalak.”

Sinimulan kong tingnan ang salitang magalak sa mga banal na kasulatan sa bagong pananaw. Isang paanyaya iyon ng Panginoon na maging masaya. Mas alam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kaysa sinupaman ang mga hamon, sakit, at paghihirap na kinakaharap natin—at inaanyayahan pa rin Nila tayong maging masaya.

Ipinasiya kong tanggapin ang paanyayang iyon. Kahit hindi nagbago ang sitwasyon ko at hindi himalang nawala ang lungkot ko, nakadarama ako ng mas malalim na pasasalamat at galak para sa mga pagpapala at pangako ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Ipinapakita sa atin ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung paano naging masaya ang mga Banal noon kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon. Sa Helaman, nakakakita tayo ng mga miyembro ng Simbahan na bumaling sa ebanghelyo para makasumpong ng kagalakan habang inuusig sila ng iba:

“Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35).

Kapag umasa tayo sa Tagapagligtas sa ating mga pagsubok, mapupuspos ng galak at kapanatagan ang ating kaluluwa. Sa paggawa nito, natututo tayong mas iayon ang ating puso sa Panginoon.

Nang patuloy akong magsanay na magalak, nakasumpong ako ng higit na lakas sa kabila ng mga paghihirap. Kamakailan ay dumanas ako ng kabiguan na labis na nakalungkot sa akin. Pero nang pagnilayan ko ang nadarama ko, nakita ko kung gaano na ako lumago mula nang maging missionary ako.

Hindi ako nawalan ng pag-asa kahit malungkot ako, dahil natanto ko na ang tunay na kaligayahan ay nasa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo kailanman daranas ng hirap o na haharapin natin ang bawat hamon nang buong kagalakan.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Naghahanap tayo ng kaligayahan. Nangangarap tayo ng kapayapaan. Umaasam tayo ng pagmamahal. At binubuhusan tayo ng Panginoon ng kamangha-mangha at saganang mga pagpapala. Ngunit kasabay ng kagalakan at kaligayahan, isang bagay ang tiyak: magkakaroon ng mga sandali, oras, araw, kung minsa’y taon na masusugatan ang inyong kaluluwa.

“Itinuturo sa mga banal na kasulatan na matitikman natin ang pait at tamis at magkakaroon ng ‘pagsalungat sa lahat ng bagay’ [2 Nephi 2:11].”

Ang kalungkutan at kagalakan ay maaaring umiral nang sabay. Pighati at pasasalamat. Pasakit at positibong pananaw. Sa katunayan, ang aking mga karanasan sa mga negatibo sa buhay ay nagpapalawak sa kakayahan kong makaramdam at nagtutulot sa akin na magkaroon ng mas malaking kakayahan na masiyahan sa kabutihan. Ang magagandang katotohanan ng ebanghelyo ay nagpapagaan sa aking mga pasakit. Masakit pa rin pero napapaligiran iyon ng matinding pagmamahal para sa Tagapagligtas, ng pagpapahalaga sa magagandang himalang pumupuno sa buhay ko, ng tiwala na lahat ay sama-samang gagawa para sa aking ikabubuti, at ng matinding kagalakan.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “If Thou Art Faithful,” Ensign, Nob. 1984, 91–92.

  2. Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 84.