Paano Natin Tatanggapin nang may Pananampalataya ang Anumang Resulta—Kahit ang mga Hindi Natin Gusto?
Sa lahat ng hirap na naranasan ko sa buhay, ang kamatayan ng aking ama ang sumubok nang husto sa aking pananampalataya.
Pag-uwi ko mula sa misyon, nasuri na may kanser ang aking ama. Noong panahong iyon, napakarami kong ginagawa. Ako ang Young Women president sa aming ward, nagtatrabaho ako nang mahabang oras, at pumapasok ako sa unibersidad sa gabi. Kaya nang marinig ko ang balita tungkol sa aking ama, nabalisa ako at hindi ko malaman ang gagawin.
Nanalangin ako sa Ama sa Langit at sinabi sa Kanya ang nararamdaman ko. Hindi ko naunawaan kung bakit nangyayari iyon. May sinabi ako na parang ganito, “18 buwan akong naglingkod, at nakauwi na para makasama ang pamilya ko. Ngunit ngayon isang miyembro ng pamilya ko ang kukunin sa akin?’”
Nabagabag ako sa mga pangyayari, ngunit natanto ko na kakailanganin ko ang tulong ng Ama sa Langit, kaya nagsimula akong manalangin para sa isang himala na sana ay gumaling ang aking ama.
Pagtanggap sa Kalooban ng Panginoon
Patuloy kong ipinagdasal na gumaling na ang tatay ko, ngunit hindi gumaganda ang kanyang kalusugan. Patuloy akong nanalangin para sa himalang ito, lalo pang nawawalan ng pag-asa, hanggang sa mabasa ko ang mensaheng ibinigay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagsalita siya tungkol sa isang batang mag-asawa na nababalisa dahil sa nasuring may kanser.
Ipinaliwanag ng lalaki kay Elder Bednar kung paano nagbago ang kanyang mga panalangin sa paglipas ng panahon: “Habang nananalangin kami, nagbago ang mga kahilingan ko, ang dating ‘Nawa po ay pagalingin Ninyo ako’ ay naging ‘Nawa po ay bigyan ninyo ako ng pananampalataya na matangap ang anumang plano Ninyo para sa akin.’”
Matapos basahin iyon, nadama ko na sinasabi sa akin ng Espiritu na kailangan kong maging handang tanggapin ang kalooban ng Diyos. Kailangan kong manampalataya na kahit anong mangyari, magiging OK ang lahat.
Kaya, binago ko ang paraan ko ng pagdarasal.
Sa halip na hilingin na gumaling ang aking ama, ipinagdasal ko na mangyari ang kalooban ng Panginoon. At sinabi ko sa Ama sa Langit na sisikapin kong magkaroon ng pananampalataya na tanggapin ang anumang bagay.
Sa paglipas ng panahon, lumala ang kalagayan ng tatay ko. At nakita ko na lang ang aking sarili na hinihiling sa Ama sa Langit na kung kalooban Niya na pumanaw ang aking ama, tutulungan Niya ang aking ama na pumanaw nang payapa. At ang aking ama ay pumanaw nang payapa.
Mula noon, nadama kong lumakas ang pananampalataya ko sa Ama sa Langit. Tinanggap ko na ang Kanyang kalooban, anuman ang kinahinatnan. Ngunit malaking kawalan pa rin ang naramdaman ko nang mawala ang tatay ko sa buhay ko.
Kapayapaan sa Templo
Puno ng pighati, iba ang aking mga panalangin. Nang nanalangin ako, ginawa ko itong maikli, mabilis, at walang paliguy-ligoy.
Nagtiwala ako sa kalooban ng Panginoon at tinanggap ko ang nangyari, ngunit ayaw kong pag-usapan ang dalamhating nararamdaman ko. Hindi ko matiyak ang nararamdaman ko dahil tinanggap ko na ang kalooban ng Panginoon, ngunit nagdadalamhati pa rin ako.
Sa panahong iyon, ayaw ko ring pumunta sa templo. Ngunit kalaunan, nagpasiya akong pumunta, at nakadama ako ng matinding kapayapaan. Parang naroon si Itay kasama ko habang kinukumpleto ko ang mga sagradong ordenansa. Kinausap ko ang Ama sa Langit sa panalangin tungkol sa kamatayan ng aking ama sa unang pagkakataon, at nadama kong mas malapit ako sa Kanya kaysa noon.
Ang pagbalik ko sa templo ay nakatulong sa akin na maunawaan ang pagkawala ng aking ama, at nadama ko na makakaya ko nang pag-usapan muli ang tungkol sa kanyang buhay.
Magtiwala sa Panginoon, Kahit Ano pa ang Mangyari
Kahit masakit sa akin ang pagpanaw ng aking ama, matatag pa rin ang pananampalataya ko kay Jesucristo. Naniniwala pa rin ako sa mga himala. Itinuro sa akin ng hamong ito na bibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga himalang naaayon sa Kanyang kalooban. At para maiayon sa Kanya ang ating mga hangarin, kailangan nating sundin ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na “mag-isip nang selestiyal.”
Dahil ang plano ng Diyos ay maaaring naiiba sa plano na iniisip natin para sa ating sarili, ang pagpapahintulot sa Kanya na mamuno sa ating buhay ay laging aakay sa atin sa kagalakan, anuman ang mangyari. Ang pag-iisip nang selestiyal ay tutulong din sa atin na gumawa ng mga positibong desisyon na makakaapekto sa atin magpakailanman.
Kung tinutupad ninyo ang inyong mga tipan at nagtitiwala sa Ama sa Langit, maging matiyaga at umasa na malapit nang dumating ang kapayapaan.
Dahil tiyak na darating iyon.